REFLECTION (Part II/II)

37 5 0
                                    

MULA sa aming paaralan, nagtungo ako sa isang parke na madalas naming tambayan ng aking mga barkada. Malayo pa lang ay tanaw ko na ang kanilang pagtawag sa pamamagitan ng sigaw at kaway. Mabilis ang ginawa kong hakbang habang hindi mawala ang ngiti sa 'king labi. Kumpleto kami nang mga araw na 'yon at naisip ko... ano nga ba'ng mayroon?

"Excited ka na ba? Jasper?" tanong ng isa sa 'king mga kaibigan.

Sa hindi maintindihang sitwasyon ay napatango na lamang ako. Ewan ko ba subalit napasunod ako sa kanilang paghakbang patungo sa isang abandunadong bahay. Sabi ng ilang nakararami, bahay raw ito ng pamilyang may lahing mangkukulam.

"Ano ba kasi ang gagawin natin dito?" muli akong nagtanong nang huminto kami sa harap ng lumang bahay.

"Basta! Ito lang tatandaan ninyo." Itinaas pa ang hintuturo ng kanang kamay. "Bawal ang matakot at tumakbo para mang-iwan. Sabay-sabay tayong papasok at ganoon din sa paglabas. Ayos ba?" si Lester, ang tila pinuno sa 'ming grupo.

Wala akong kaalam-alam kung ano nga ba ang nais ipakita ng mga kasamahan ko o ni Lester. Ang nasa isip ko nang mga oras na iyon, may bagay akong dapat matuklsan na marahil ay makapagbibigay sa 'kin ng bagong imahe. Lima kaming lahat, tatlong lalaki at dalawang babae. Lahat ng mga kasama ko ay pawang matatapang kung titingnan at mukhang ako lang ang nagtataka at nakakaramadam ng kaunting takot. Oo! Takot dahil pakiramdam ko'y may hindi magandang mangyayari. Sana'y wala naman, dasal ko.

Pinihit ni Lester ang pinto. Maririnig pa ang kaunting ingay na binubuo nito dahil sa kalumaan. Sa pag-apak namin sa lumang sahig, mararamdamang tila handa kaming mahulog sa ilalim ano mang oras.

"Ligtas ba sa lugar na 'to?" bakas sa tinig ko ang kaba habang nagtatanong.

"Oo, tiwala lang. Dinala na 'ko rito ng aking kuya dati at mayroon lang akong bagong ipapakita. Walang ng atrasan mga 'tol dahil sa labas pa lang ay napag-usapan na natin na lahat tayo ay papasok." Nakangiting tugon ni Lester. Kami naman ay nakasunod lang sa kanya.

Nang tuluyang makapasok, tanaw namin ang kalumaan nito. Ang ilang bahagi ng dingding ay inaanay na. Mayroong mga larawang naroon na mababakas ang pagkakupas, marahil ay sa katagalan ng panahon na lumipas. Sandali akong napahinto dahil nakaagaw sa 'kin ng pansin ang isang larawan na naiiba sa lahat. Parang bago pa iyon. Sa larawan, makikita ang dalawang babaeng magkamukhang-magkamukha dahil sa pareho ang hitsura at pananamit. Kambal? Naisip ko na lamang. Sa mata ng mga babaeng 'yon, kita ko na ang isa ay puno ng lungkot at ang isa pa'y tila may galit na dinaramdam. Hindi ako mahilig sa larawan ngunit nababasa ko 'yon sa mga imaheng nasa harap ko ngayon.

"Jasper!" napalingon ako at bahagyang nagulat sa pagtatawag ni Norman at pinapapunta ako sa kinalalagyan nila. Ako na lang pala ang naiwang nakatingin sa mga larawan.

Pumasok ako sa kuwarto kung nasaan sila. Tumambad sa 'min ang mga piraso ng salamin na nagkabasag-basag. Bakas na matagal na 'tong nangyari dahil na rin sa alikabok na bumalot sa mga 'yon. Ang aking mga kasama ay pinagmamasdan ang kabuuan ng kuwrto at ako nama'y marahang pumulot sa mga piraso ng salamin na nasa sahig. Aking pinunasan ang manipis na alikabok. Nakita ko ang aking repleksyon. Ngunit, agad kong nabitawan ang bagay na 'yon nang biglang maging isang babae ang aking hitsura. Nagulat ang iba at napalapit sa 'kin.

"Bakit?" si Ana.

"W-wala..." may panginginig sa 'king tinig.

Naalala ko ang mga larawang nasa dingding kanina. Kamukha ng mga naroon ang aking nakita sa repleksyon. Napalunok ako ng laway at sandaling napapikit. Sana'y tama ang iniisip ko na namamalik-mata lamang ako.

"Magtungo na tayo sa iba pang silid ng tahanang ito. Ipapakita ko na ang sinasabi ko. Hindi iyon basag tulad ng mga iyan." Turo at pagtutukoy nito sa mga piraso ng salamin na nagkalat sa sahig.

SHORT STORIES - Horror/DarkTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon