BATA PA lang ako noon nang mag-umpisang magpakita sa akin ang mga nilalang na hindi kayang makita ng isang ordinaryong tao. Sabi ng mama ko, Third Eye daw ang tawag sa kung anong mayroon ako. Pero hindi ko pa rin lubusang maintindihan ang bagay na lagi nilang ipinapaliwanag sa akin kaya kung ano man ang makita ko, parang hindi 'yun iba sa mga dapat kong makita.
Mga 7 taong gulang ako noon ng magpakita sa akin ang tinatawag nilang multo pero dahil nga sa murang edad, hindi pa ako natatakot. Mas madalas magpakita sa akin 'yung nilalang na hindi ko kayang maipaliwanag. Maitim at para bang hangin kung dadaan sa harapan ko dahil maitutulad sa usok ang pisikal na itsura nito.
Mga 10 taon na ako noong malaman ko na ang ibig sabihin ng tinatawag na Third Eye dahil na rin sa madalas kong pakikinig sa mga kuwentong kababalaghan at pagbabasa ng tungkol dito.
Nag-umpisa na rin akong matakot dahil habang lumalaki ako mas lalong nag-iiba ang nagpapakita sa akin. Meron ng babaeng nakaputi, mga taong lumulutang sa hangin at ang mas kinatatakutan ko ay 'yung lalaking nakatuwad at pulang-pula ang mga mata.
Naging matahimikin din ako noon at palagi akong lumalayo sa mga kaibigan ko tuwing magkukuwentuhan sila tungkol sa aswang at iba pang kababalaghan.
Mga 13 na ang edad ko nang mas lalo ko pang nahasa ang pakikipag-ugnayan sa ibang nilalang gaya ng multo. Tinatawanan nga ako ng ibang tao dahil akala nila nagsasalita ako mag-isa. Pero may isang tao noon na lumapit sa akin at sinabi niyang "Ano ba talaga ang nakikita mo?"
Hindi ko masabi sa kanya dahil parang nagagalit 'yung kaluluwang nakatingin sa akin habang kinakausap niya ako. Wala akong magawa kundi ang umiyak at yumuko sa kadahilanang ayaw ko makita ang mga bagay na hindi kayang makita ng iba.
Patuloy pa rin sila sa pangungutya sa akin at ni minsan ay hindi nila ako tinigilang sabihan ng baliw kaya't nagpasya akong hindi muna makipaglaro sa kasing edad ko na multo.
Totoo mga mambabasa na nakakakita talaga ako noon. Bakit ko sinabing noon?
14 ang edad ko ng magpasya si mama na umuwi kami ng Probinsiya. Matagal na kasi akong walang ama pero kahit ni minsan hindi man lang nagpakita si papa sa akin. Ewan ko ba kung bakit?
Sumakay kami ng barko at nakarating sa Probinsya ng aking mama kung saan nakatira sina lolo at lola pati na ang mga tita at tito ko. At dito ko mismo sa Probinsya naranasan ang isang pangyayari na hindi ko makalimutan hanggang ngayon.
Sa probinsiya na kasi ako nag-aral ng Ikaanim na baitang at ngayon ay High School.
Hapon noon, mga 5:00 ng pinauwi na kami galing sa School. Habang naglalakad kasama ang aking tita, may malakas na kung anong bagay ang humatak sa bag ko. Hindi ko masasabing tao 'yun dahil wala kaming kasabay at si tita'y nasa unahan ko. Nagtaka siya at kitang-kita niya kung paano ako natumba.
Kinabahan ako pero ang ipinagtataka ko, bakit hindi ko nakita 'yung humatak sa akin?
Mabilis kaming naglakad dahil kahit si tita ay natatakot sa nangyari. Nang makarating kami sa bahay ni lolo at lola, agad naming isinalaysay ang nangyari sa akin sa daanan.
At nang marinig 'yon ni lolo, gumawa siya ng kuwintas na pangontra raw sa aswang. May orasyon o dasal ang bagay na ibinigay niya sa akin. Pero ang akala ko'y doon na magtatapos.
Gabi at mahimbing kaming natutulog. Nagising ako dahil sa sakit ng tiyan ko. Mga 12:00 na nu'n at pinilit kong pumunta sa banyo. 'Yung banyo kasi nila walang bubong kaya kita lang ang maliwanag na buwan.
Umupo ako sa cubicle at pinagmasdan ang sinag ng bilog na bilog na buwan. Napayuko ako dahil sa sakit ng tiyan ko at nang muli akong tumingin sa buwan ay para akong hihimatayin sa pagkagulat dahil sa nakita ko. Malaking tao na nanlilisik ang mga pulang mata. Marami siyang sugat sa mukha na kulay asul dahil nagliliwanag.
Agad akong napatakbo palabas ng banyo at bumalik sa loob ng bahay. Nagising na lang ang lolo't lola ko dahil sa biglaan kong pag-iyak. Hindi ko masabi sa kanila ang nakita ko dahil na rin sa takot.
Simula noon, napansin kong wala nang kahit anong nilalang ang nagpapakita sa akin. Inisip ko na lang na baka 'yun na ang pamamaalam ng mga kaibigan kong multo pati na rin ng iba.
Tinanggal ko na rin ang kuwintas na ibinigay sa akin ni lolo. At talagang nagpapasalamat ako dahil hindi na sila muling nagpakita. At doon na rin nagsara ang aking ikatlong mata. Ang tanong, nagsara na nga ba?
WAKAS
BINABASA MO ANG
SHORT STORIES - Horror/Dark
HorrorMay mga kuwentong bayan tayong naririnig na nagpasalin-salin na rin sa iba't ibang tao habang lumilipas ang panahon. Mga kuwentong nagpamangha sa atin, nagpatawa, nagpaiyak, nagbigay kilabot at kung minsan pa nga'y... nagpakilig na rin sa atin. Mga...