NAPABALIKWAS ng bangon si Dante nang muli itong managinip ng napakasama. Napahinga ito ng malalim at hindi iyon mawaglit sa kanyang isipan. Mariin niyang ipinipikit ang mga mata bago tuluyang tumayo sa malambot na kamang kinahihigaan. Ang kaninang lungkot at pangamba sa mukha ay napalitan naman ng matamis na ngiti sa labi nang maalalang ngayon susunduin ang kanyang pinakamamahal na girlfriend. Tinawag nito ang kanyang nag-iisang kasambahay sa mansyon upang siguraduhing malinis ang buong tahanan maging ang paligid nito.
"Ipagluto mo kami ng masarap na tanghalian para mamaya. Espesyal ang aking bisita dahil siya na ang makakasama kong pangalagaan ang mansyon." Nakangiting wika ni Dante bago sumakay sa kanyang itim na kotse.
Tumango ang kasambahay. Habang tinutungo ang kuwarto ng amo, hindi nito maiwasang mapatingin sa mga larawang nakadikit sa pader. Mula noong nakapasok siya rito, hindi niya pa alam kung sino ang mga nasa larawan at kung bakit ang amo lamang ang nag-iisang narito sa mansyon. Wala ba siyang mga magulang? Kapatid o kahit sinong kadugo?
Bigla na lang nagtayuan ang kanyang mga balahibo nang bahagyang lumakas ang ihip ng hangin. Nagtaka ito dahil nasa pinakagitnang bahagi siya ng mansyon kaya't imposibleng magkaroon ng ganoong kalakas na hangin dahil wala namang bukas na bahagi tulad ng bintana. Ipinagpatuloy niya ang paglakad hanggang sa marating ang kuwarto ng kanyang amo. Pinihit niya iyon ngunit ayaw magbukas. Makailang beses ngunit mukhang naiwan iyong sarado.
"Si Sir talaga." Naalala nitong may hawak siyang duplicate keys na itinabi sa silid na ibinigay sa kanya.
Nagmadali siyang nagtungo roon na matatagpuan sa unang palapag. Habang bumababa ng hagdan, pakiramdam nito ay may mga matang nagmamasid sa kanya. Patungo ito kuwarto nang makarinig ng mga yapak na batid niyang sa library ng amo nagmumula. Maingat ang ginagawa nitong mga hakbang at nadagdagan ang pagtataka nang makitang bukas ang pinto nito.
"May tao ba diyan?" tuluyang binuksan ngunit ang bumungad sa kanya ay mga lumang libro na nakalagay ng maayos sa bawat lalagyan.
Nakaagaw pansin ang nakapatong sa lamesa- isang itim na libro. Nagpalinga-linga ito sa paligid bago iyon lapitan at inisip na baka naiwan lamang ng amo at hindi naibalik sa dapat kalagyan. Kinuha at naghanap ng espasyo kung saan maaaring ilagay. Ilang hakbang ay may puting papel ang nahulog na nakasiksik sa pagitan ng mga pahina.
"Mansion?" basa nito nang mapulot at binuklat. "David Salvador." Pangalang unang nakaagaw ng pansin.
Nagtataka ang kasambahay kung kaano-ano ito ng kanyang amo. Halos mabitawan niya ang librong hawak dahil sa ingay na nagmula sa kanyang likuran. Napahawak sa kaliwang dibdib at lumingon doon. Nakita ang upuang natumba. Tuluyan na itong nakaramdam ng takot at pinulot ang libro. Ibinalik ang papel sa gitna ng mga pahina at isiniksik kahit saan. Muli nitong ibinalik sa dati ang upuan habang maiging nagmamasid ang mga mata. Pagkatapos ay lumabas at sa pagsara ng pinto ay napabuga siya ng hangin.
Tinungo ang kanyang silid at nang makapasok ay hinanap nito sa kabinet ang susi. Lumabas ito at tinahak ang daan pabalik sa hagdan. Hindi pa man siya nakakagawa ng hakbang doon, napansin niya ang huling kuwarto sa pinakadulong bahagi ng mansyon. Ito ang kuwartong bawal pasukin ayon sa bilin ng amo. Hindi nito alam ang dahilan at inisip na may mahahalagang bagay ang naroon. Humakbang ito sa hagdan paakyat.
Limang kuwarto ang naroon at ang pinakahuli ay sa kanyang amo. Hindi pa man siya nakakalapit ay nakitang bukas na iyon. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang humahakbang at nang makalapit, nakumpirmang bukas nga ito ng kaunti. Napahawak ito sa gilid ng noo at iniisip na baka nagkamali lang ngunit may bahagi ng kanyang isipan ang nagsasabing sarado talaga ito kanina. Wala namang kakaiba sa loob kung saka-sakaling may pumasok na magnanakaw. Ganoon pa rin tulad ng dati na tahimik at wala pinagbago.
BINABASA MO ANG
SHORT STORIES - Horror/Dark
HorrorMay mga kuwentong bayan tayong naririnig na nagpasalin-salin na rin sa iba't ibang tao habang lumilipas ang panahon. Mga kuwentong nagpamangha sa atin, nagpatawa, nagpaiyak, nagbigay kilabot at kung minsan pa nga'y... nagpakilig na rin sa atin. Mga...