Hilig ko ang magbasa ng mga kwentong katatakutan at ang pinakapaborito kong grupo sa facebook ay yung uhs group dahil sa mga nakakakilabot nilang mga kwento. Bigla na lamang akong tinapik ng aking katabi sa kinauupuan ko at sinabing may naghahanap sa akin.
Napag-utusan ako ni ina na maglaba sa sapa na matatagpuan di kalayuan sa aming tinitirhan. Dala ko ang isang planggana at timbang mga damit at nasisiguro kong hindi ito agad-agad na matatapos. Sa ilang minutong mag-isang lakaran, narating ko na ang aking tinutukoy. Malinaw at malinis ang tubig dito na medyo may kalakihan din. Umupo ako sa isang makinis at bilog na bato na siyang aking pag-uumpisang maglaba.Hindi pa man ako nakakatagal, isang tinig ang tumawag sa akin mula sa likuran na may nagtataasang puno at mga kawayan. Akin itong sinulyapan subalit wala ni isa akong nakitang tao. Kahit ako'y nag-iisa ngayon ay hindi ako nakaramdam ng takot. Muli akong nagpatuloy at sa ilang minutong nakalipas lamang ay muli na namang may nagtawag sa aking pangalan at ng aking lingunin ay wala talaga akong nakita.
Sa isip ko, sa ikatlong pagkakataon ay huhulihin ko na ang taong tumatawag sa akin at makikita niya ang galit ko. Maigi akong nakinig habang nakatalikod at saktong pagharap ko sa likuran ay sakto siyang nagtawag at lumabas. Walang mata, may tahi ang kanang mukha at halos mapuno ang damit ng dugo ngunit ang ipinagtataka ko sa mga oras na ito ay hindi man lang ako natakot o napasigaw dahil sa itsura niya.
Bakit kaya?
Iniabot niya ang kanyang kanang kamay at mula sa pagkakaupo ay mabilis akong tumayo at tumawid sa mababaw na sapa upang sundan siya. Habang patuloy siya sa paglalakad ay hindi ko maiwasang muling tumingin sa likuran at doon lamang ako nagulat dahil ang dating malawak na kagubatan ay naging isang malaking palayan na aakalain mong walang hangganan ang dulo nito. Nang muli kong ibinaling ang tingin ko sa sinusundan ay agad naman itong naglaho at ang aking nilalakaran ngayon ay isa ng damuhan.
Sa ngayon, nakaramdam na ako ng takot at pangamba sa nangyayari sa akin at kung nasaan ako ngayon. Ipinagpatuloy ko ang paglalakad na nagbabakasaling may tao dito at pumasok sa isip ko na kailangan kong makausap si lola na matagal ng namatay dahil alam niya ang daan pabalik.
Bakit ko ito sinasabi?
May ilang oras na lakaran ay napansin ko ang isang bahay kubo at mabilis ko itong tinungo dahil nakaramdam na ako ng pagka-uhaw. Nakita ko ang isang matandang lalaki at nagtanong ako kung may maiinom sila. Tinuro niya ang isang banga na walang takip. Uminom ako gamit ang basong gawa sa kahoy at nakita kong puro lumot ang loob nito na parang matagal ng hindi nagagamit. Ilang sandali, napawi ang uhaw ko.
Nagtanong din ako sa kanya kung alam niya ang tirahan ni lola. Itinuro niya ang malaking bato sa dulong bahagi at sa likod daw nun ay nandoon ang bahay ni lola. Nakaramdam ako ng pagsikip sa paghinga sa hindi maipaliwanag na dahilan. Mayamaya, nagpaalam na ako rito at nagpasalamat.
Sa patuloy kong paghakbang ay siya namang paglayo ko sa bahay kubo. Nakarating ako sa harap ng malaking batong itinuro ng matanda kanina at agad akong nagtungo sa likuran. Nakita ko si lola na nagsisibak ng kahoy gamit ang mataas na palakol. Tinawag ko siya at dahil doon ay pabigla siyang nagulat pero gumanti siya ng ngiti. Tinanong niya ako kung bakit ako naririto at lahat-lahat ay ikinuwento ko sa kanya. Sabi ni lola na hindi ako maaring magtungo dito dahil marami pa daw akong pangarap na dapat tuparin.
Puno ako ng pagtataka dahil sa kanyang mga inuusal at halos hindi ko maintindihan. Tinanong ko siya kung paano ako makakabalik sa bahay at may ibinigay siyang itim na papel. Ibigay ko daw ito sa lalaking nagbabantay sa lawa na akin namang tutunguin ngayon. Ramdam ko muli ang lungkot habang nililisan ko ang bahay ni lola.
Natanaw ko na ang lawang tinutukoy ni lola. Mabilis akong nagtungo doon pero mukhang napakalalim nito. Pumasok sa aking isip, paano ako makakatawid kung walang bangka? Naalala ko ang papel na ibinigay ni lola at mabilis kong hinanap ang lalaking pagbibigyan nito.
Hindi naman nagtagal ay agad ko siyang nakita. Iniabot ko ang papel at tanging sabi niya ay pwede na akong tumawid. Nanlaki lang ang aking mata sa sinabi niya dahil hindi ako pwedeng tumawid kung walang bangka? Nakatitig pa rin siya habang nakaturo ang daliri sa malawak at malalim na lawa.
Kinakabahan man ako ay sinubukan kong tumapak sa tubig at di katagalan at unti-unti itong bumababaw. Talagang nakakamangha pero patuloy ako sa paghakbang. Napapikit ako sandali at nang aking imulat ang mga mata, ang lawang aking kinatutungtungan ay naging isang mababaw na sapa kung saan ako naglaba kanina. May iyakan akong narinig na alam kong sa bahay iyon nanggagaling. Bumalik na ang dati sa lahat at patuloy ako sa pagtakbo pabalik sa amin.
Sa aking paghinto, hindi ko napansing lumuluha ang mga mata ko, nanginginig ang aking mga tuhod at biglaan ang aking pagluhod dahil sa aking mga nakita.
Nakalapag ang aking katawan sa pulang kumot at para itong nalunod kung saan man. Iniiyakan ito ng aking ina at pinalilibutan ng napakaraming tao. Doon ko na lang napag-alamang patay na ako.
BINABASA MO ANG
SHORT STORIES - Horror/Dark
HorrorMay mga kuwentong bayan tayong naririnig na nagpasalin-salin na rin sa iba't ibang tao habang lumilipas ang panahon. Mga kuwentong nagpamangha sa atin, nagpatawa, nagpaiyak, nagbigay kilabot at kung minsan pa nga'y... nagpakilig na rin sa atin. Mga...