NAKATAGONG PARAISO

35 4 0
                                    

BUTIL ng tubig ay unti-unting nagbabagsakan mula sa kanyang ulo. Ang katamtamang sikat ng araw ay sapat upang mapagmasdan ni Marco ang buong kapaligaran. Mahihinang hakbang na bumubuo ng mga tunog dahil sa tuyo't kalat na mga dahon. Ang mga puno na animo'y pader dahil sa malalaki at nagtataasan.

Inililibot nito ang paningin at tinutukoy kung tama nga ba ang kanyang dinadaanan. Ilang oras na ang itinatagal ng kanyang paglalakbay ngunit pakiramdam niya'y naliligaw ito. Sandali siyang huminto at huminga ng malalim. Hindi pa man iyon nakakagawa ng hakbang ay nakarinig ito ng isang ingay. Kakaiba. Alam nitong hindi lang siya ang naroon. Tila bulkang sasabog ang kanyang puso nang mapagmasdan ang isang bahagi ng kagubatan kung saan ay sandaling gumalaw ang nagtataasang mga damo. Napalunok ng laway ngunit mas nanaig dito ang tapang.

Nagsimula ang kanyang mga paa sa paglakad patungo sa direksyong nakaagaw ng kanyang pansin. Kakaibang lamig ang nararamdaman ng balat nito at naroon ang kabang hindi maipaliwanag. Sana tama ang kanyang naging desisyon. Hindi pa man lubusang nakalalapit ay muli na naman iyong gumalaw. Tingin sa paligid at sinisugurong hindi siya ang biktima rito. Tila tuloy isa itong imbestigador na naghahanap ng ebidensya't suspek. Mahihinang mga galaw upang hindi mapansin ng kung sino man ang nasa likod ng nagtataasang mga damo.

Sandali nitong ibinaba ang mga dala. Itinaas ang mga kamay at dahan-dahang pinaghihiwalay ang mga damo upang bumuo ng daan patungo sa kabila. Ilang beses itong napapalunok ng laway. Ang mga paang patuloy na inihahakbang kahit nanginginig pa ang mga tuhod. Sa isang mabilisang pagbuklat ng mga damo, ang kanyang pagtatakang eskpresyon ay napalitan ng kakaibang awa. Napatayo siya ng tuwid at nabubuo ang butil ng tubig sa kanyang mga singkit na mata.

Gumawa ito ng hakbang ngunit ang nilalang na iyon ay tila natatakot. Hindi nagpadaig si Marco. Ilang yapak, naabot niya iyon. Nagbanta siyang hawakan ito dahilan upang marinig ang mahinang ungol at iyak nito. Hinanap niya ang dahilan ng paghihirap at nakitang may bali ang kanang binti nito. Kaawa-awa. Ang nag-iisang nilalang na iyon ay walang kapwang maaaring lumunas sa sakit na nararamdaman nito. Tumayo ang binata at nagbitaw ng matamis na ngiti.

"Sandali lamang at kukunin ko ang mga bagay na maaaring makatulong sa iyo." Bumalik ang binata sa kabila at kinuha ang mga dala-dala kanina.

Pagbalik, agad nitong nilunasan ang naghihirap na nilalang. Nilinis ang maliit na sugat at saka binalutan ng malinis at puting tela. Makikita ang kasiglahan dito nang unti-unti iyong makalakad. Mas ibang kasiyahan naman ang nararamdaman ni Marco dahil sa pagtulong na ginawa. Ilang minuto niya muna iyong binantayan at nang masigurong magagawa na nitong lumisan, kinuha niya iyon at nginitian.

"Huwag mo akong kakalimutan, kaibigan. Saan ka man mapunta, sana'y maalala mo pa rin ako. Mag-iingat ka sa iyong paglalakbay. Maaari ka nang lumipad, munting ibon." Sa kanyang paghagis, isang nakasisilaw na liwanag ang nagbukas.

Naitakip nito ang dalawang kamay sa mga mata. Kakaiba. Gusto niya mang sumigaw ngunit tila may kakaibang bagay ang pumipigil sa kanyang bibig. Nais man niyang tumakbo subalit pakiramdam nito'y may mahihigpit na kadenang nakatali sa kanyang mga paa. Hindi nito maidilat ang mga mata at kayraming pumapasok sa kanyang isipan. Patay na nga ba siya? May dumating nga kayang kakaibang nilalang mula sa kalawakan?

Nararamdaman nito ang panghihina ng buong katawan. Hindi nito namamalayang mapaluhod sa lupang kinatutungtungan. Unti-unting napapahiga at tuluyang bumagsak.

"Ano ba ang nangyayari?" Huling usal bago mawalan ng ulirat.

KAKAIBA ang amoy ng kapaligiran. Ang iba't ibang tunog na binubuo nito'y nagbibigay sa kanya ng magaang pakiramdam. Naririnig ng kanyang mga tainga ang tila tubig na dumadaloy mula sa pinakamataas na lugar at bumabagsak iyon sa kung saan. Marahan itong nagmulat ng mga mata. Tingin sa kanan, tingin sa kaliwa at napabangon ng bigla dahil sa pagkamangha. Inilibot ang paningin at kinusot pa ng mga kamay ang dalawang mata— hindi ito isang panaginip. Narito na nga siya sa isang lugar na kanina pa hinahanap.

Hindi ito nag-alinlangang humakbang. Sa galak ay sumigaw ito ng pagkalaka-lakas. Napagmasdan nito ang mga nagliliparang paru-paro na may iba't ibang anyo sa pakpak. Naglalaro ang mga iyon sa mala-bahagharing mga bulaklak dahil sa iba't ibang kulay na tinataglay ng mga iyon. Nakaagaw rin ng pansin ang mga matatayog na punong hitik sa bunga. Nakaramdam tuloy siya ng gutom at tila nais iyong sungkitin. Napatingin ito sa maulap na kalangitan at naroon ang mga ibong tila anghel na naglalaro't nagkakantahan. Kaysarap sa pakiramdam at hindi nagsasawang pagmasdan ang mga iyon.

Sandaling napahinto ang nakangiting puso't isipan nang marinig muli ang daloy ng tubig kung saan. Ito na nga ba ang kanyang hinahanap sa nakatagong paraiso? Nasisiguro nitong nasa paligid lang iyon. Dahan-dahan itong lumingon sa likuran at tila statwa dahil sa pagkamangha. Nanlalaki ang kanyang mga mata at animo'y batang nakatanggap ng kanyang regalo mula sa ninong at ninang. Hindi ito makapaglabas ng tinig.

Kayganda ng talon. Tila kalangitan ang asul nitong tubig na may mga bituing nagniningning bunga ng repleksyon dahil sa papalubog na araw. Ang mga batong nasa paligid nito ay tinubuan ng makukulay na mga halaman. Humakbang si Marco upang sumalok ng tubig at ininom iyon. Ang lamig at linis ay nagbigay sa kanya ng kagalakan. Wala na siyang hahanapin pa. Nasa harap na siya ng paraisong pinapangarap.

Umihip ang malamig na simoy ng hangin dahilan upang magtayuan ang kanyang mga balahibo. May kakaiba siyang nararamdaman at batid ng kanyang isipan na hindi lamang siya ang naroroon.

"Marco..." malamig na tinig at alam niyang sa isang babae iyon nagmumula.

Nakita nito ang isang ibong papalapit. Nasa binti pa nito ang telang ibinalot ng binata. Walang anu-ano'y muling sumulpot ang nakasisilaw na liwanag at ang ibong ito ay naging isang magandang dilag. Muling nadagdagan ang pagkamangha ni Marco dahil sa mga nasasaksihan.

"I-ikaw ay—" Marco.

"Tama ka, binata. Ako at ang ibong tinulungan mo ay iisa. Maraming salamat sa iyong kabutihan. Ang paraisong ito ang aking handog sa iyo dahil sa busilak mong puso." Sa pagngiti, dama na ni Marco ang kaligayahang hindi na mapapantayan ninuman.

"Maraming salamat din, binibini." At muling nilasap ang samyo at angking ganda ng nakatagong paraiso.

WAKAS

SHORT STORIES - Horror/DarkTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon