Chapter 17
Nagising ako nang maaga kinabukasan at nalaman kong umalis na naman si Tiya. Sumisikip ulit ang aking dibdib habang inaalala ang matinding sagutan namin kagabi.Lumabas ako sa aking silid at nakita ang nakahain nang pagkain para sa akin na takip-takip ng isang plato. Lalong sumasakit ang puso ko. Gusto ko ulit maiyak.
Kumain ako at naligo. Pumunta sa simbahan para ikumpisal ang aking nagawang kasalanan. Sana patawarin ako ng Ama dahil sa pagsagot ko kay Tiya kagabi. Lubos akong nalulungkot dahil doon.
Tanghali nang makauwi ako sa bahay namin. Hindi parin umuuwi si Tiya. Nalilito na ako sa sitwasyon namin ngayon. Palaisipan parin sa akin kung sino iyong mga tao kagabi at anong ibig-sabihin ng pinag-usapan ni Tiya Paola at Patricia.
Pero wala akong karapatang manghimasok sa usapan ng mga matatanda. Alas singko ng hapon nang napansin ko ang bagay na nakabalot sa plastic hindi kalayuan sa pintuan ng labas ng bahay.
Kinuha ko iyon at binasa ang nakasulat. Galing kay Wolf!
Suotin mo 'to mamaya. 6PM sharp. Aasahan kita, Aya. Maghihintay ako. :)
- LWM
Umawang ang labi ko at binuksan ang laman ng plastic. Isang napakagandang damit ang bumungad sa akin. Kulay dilaw na maraming mga bato sa gilid na siyang nagpapakinang kapag natatapatan ng ilaw. Medyo makikita ang bandang parte ng aking dibdib dito pero hindi naman malaswang tingnan.Lumunok ako nang ilang beses at binasa ulit ang sulat-kamay ni Wolf. Niyakap ko iyon. Nag-iinit ang gilid ng aking mata dahil dito.
Wolf...
Takipsilim na nang suotin ko ang damit para sa handaan ng Montreal mamaya. Sobrang ganda! Inayos ko ang aking buhok at isinuot na rin ang hindi kataasang sandal. Tiningnan ko ang aking replika sa salamin at napangiti.
Tiningnan ko ang labas. Napasimangot ako nang makitang umaambon. Ilang araw na ring umiiyak ang langit pero sana naman hindi ito magmistulang ulan, baka mabasa ako.
"Saan ka pupunta?"
Napatalon ako nang marinig ang boses ni Tiya. Napabaling ako sa kanya at nakita ang nanlalamig niyang tingin sa akin. Bumaba ang kanyang tingin sa aking damit bago ako tiningnan nang maigi sa muka.
"Tiya-"
"Pupunta ka talaga roon? Susuwayin mo ako dahil sa Montreal na iyon?!"
Napalunok ako.
"Tiya, hindi naman po sa ganoon-"
"Pwes, ganoon 'yon, Aya!" tumaas ang boses niya, pinaghalong pagod at at galit. "Ilang beses ko bang sasabihin, ha?! Bawal nga! Hindi ka pwedeng pumunta roon!"
"Bakit, Tiya?" nangingilid ang luha ko. "A-Ano po bang dahilan bakit galit na galit kayo sa mga Montreal? Wala naman po silang ginawang masama-"
"Ito ang masama, Aya!" sigaw niya. "Nilalason nila ang utak mo!"
Nalilito akong napatitig kay Tiya.
BINABASA MO ANG
Bed Of Roses°
RomanceA forbidden flower which everyone likes. A forbidden love which everyone is willing to die for. Aya is an innocent and vulnerable woman who has managed to conquer her forbidden love towards the man beyond her status. Lots of men adore her but her s...