Dedicated to katliamae23
Charlene's Third POV
Hindi niya kilala kung sino ang pumigil sa paglalaban nilang dalawa ng babaeng Hasmala. Pero sapat na ang ipinamalas nito para malaman niya na dapat itong katakutan.
"Arubus nak agi askarus!" Panginoon ng mga dragon! Halos magkakasabay na sabi ng lahat maliban sa kanya.
"S-sino ka?" Nauutal niyang tanong sa lalakeng nasa gitna.
Binitawan nito ang sandata nilang dalawa ng katunggali. Kasunod niyon ay ang paguluhuran ng mga naroroon maliban sa kanya. Isang tuhod lang ang nakaluhod na nakikita niya. Alam niyang tanda iyon ng paggalang sa dumating.
Bumaling ito sa kanya at pinagmasdan siyang mabuti. Walang emosyon ang mukha nito. At ang klase ng pagtitig nito sa kanya ay nanunuot hanggang sa mga buto niya. Hindi tuloy niya napigilan ang makaramdam ng takot sa kabila ng tulad niyang tao ang pisikal nitong anyo.
"Sino ka?" Pag uulit niya sa tanong.
Imbis na sagutin siya ay may kinuha ito sa pangloob na bulsa ng kasuotan. Umaabot hanggang kalahati ng binti nito ang kulay itim nitong kasuotan.
Isang picture ang inilabas nito at ipinamukha sa kanya. "Ikaw ito, 'di ba?" Seryoso nitong tanong.
Tinitigan niya ang picture at ikinagulat. Walang dudang siya nga ang nasa larawan. Ang ipinagtataka lang niya ay kung bakit nasa posesyon ito ng lalake. Nasa wanted list na ba siya sa pagkakapatay niya sa mga Morengge?
"Tinatanong kita, Datu." Malumanay lang ang pagkakasabi nito pero parang minamagneto ang mga mata niya sa gwapong mukha nito.
Wait! Datu! Hindi isang tao ang kaharap niya ngayon!
"Sa tingin ko ay kailangan mo ng pangpagising." Sabi nito ng hindi pa rin siya sumasagot. Pagkatapos ay pinitik ang baluti niya ng marahan pero sapat na para tumalsik siya ng labing limang metro.
Sumadsad siya sa lupa at kasabay ng paghinto ng katawan niya ay ang pagkawasak ng sagradong baluti niya.
Kaagad na tumayo si Rhina at lumapit sa lalake. "Panginoon, kaawaan mo ang aking kaibigan!" Saka muling lumuhod pero sa harapan na ng lalake.
Napakamot sa ulo ang lalake. "Napalakas ba ang pagpitik ko o sadyang napakahina ng sagradong baluti?" Usisa nito.
Bumangon siya mula sa pagkakasadsad. Hindi makapaniwalang tinitigan ang lalake. Kitang kita niya ang paraan ng pagpitik nito bago siya tumilapon. Mahina lamang ito pero nagawa ng lalake na sirain ang baluti niya.
Bumaling ang lalake sa sepira. "Rhina Abresia, sepira ng kidlat. Hindi ko inaasahan ang pagkikita nating dalawa dito." Malumanay nitong sabi. "Magsitayo nga kayong lahat. Hanggang ngayon ay naiilang pa rin ako kapag ginagawa ninyo yan."
Mabilis namang nagtayuan ang ang mga Hasmala at ang sepira. Pero walang makapagsalita sa mga ito.
"P-papaano mong nasira ng ganun ganon lang ang depensa ko?" Usisa niya na ikinatuon sa kanya ang atensyon ng lahat. "Sino ka bang talaga?"
"Pangahas na datu! Magbigay galang ka sa makapangyarihang panginoon!" Galit na sigaw sa kanya ng nakalabang Hasmala.
Panginoon? Kung ganon ganito pala kalakas ang tinatawag nilang panginoon!
BINABASA MO ANG
LORD OF THE DRAGONS (DRAGONGOD 1)
FantastikAng mundo ng Arsulama ay nababalot ng hiwaga at kapangyarihan. Isang mundo na pinamumugaran ng maraming malalakas na nilalang at isa dito ang mga makapangyarihang dragon. Na may kakayahang mangwasak ng mga mundo. Siya si Charlene Mae Monteblanca, is...