Kabanata 35
Kanina pang namatay ang tawag pero hindi na ako nakakilos, kahit na sinabi niya na sa akin ang address ng hospital, hindi pa rin ako nakagalaw. Nabingi ako sa sinabi niya. Hindi ko maproseso.
Muntik na akong lumagapak sa sahig kung wala lang humigit sa akin.
Gulat ko iyong nilingon. Bumungad sa akin ang galit na mukha ni Sage. Nag-init ang mga mata ko.
"Let's go home." Matigas niyang sinabi.
"S-Sage.." napahikbi ako.
Natigilan siya. "What's wrong? What happened?" Lumapat ang kamay niya sa magkabila kong pisngi.
"S-Si Liesa.." hindi ako makapagsalita ng ayos. "Puntahan.. natin sa hospital.. Sage."
Napakurap-kurap siya hanggang sa tumango at marahan akong inalalayan. Noon ko lang napansin na may hawak pala siyang payong at sabay na kaming lumapit sa kotse niya.
Sobrang bagal ng takbo ng sasakyan o hindi lang talaga ako mapakali. Gusto ko nang sigawan si Sage na bilisan ang patakbo pero hindi ko na mahanap ang boses ko sa sobrang kaba.
Nang tumigil ang sasakyan namin ay mabilis na akong bumaba. Sobrang lakas ng ulan kaya hindi pa man ako nagtatagal, sobrang basa na agad ako.
Narinig ko pa ang mura ni Sage bago siya sumunod sa akin. Si Sage na ang nagtanong kung nasaan ang room ni Liesa pero napaayos ako ng tayo nang makitang humahangos na lumapit sa amin ang pinsan ni Liesa na si Maya.
"Ate Cael!" Namumula ang mga mata niya. "Naghahanap ako ng signal para tawagan sila Tita pero nakita kita."
"N-Nasaan si Liesa?"
Namula ang mga mata niya. "N-Nasa ICU siya, Ate."
Napamaang ako. Bumuhos ang luha niya na agad niyang pinunasan. Hindi na ako nagsayang ng oras at mabilis ko nang tinakbo ang hallway. Sumunod si Maya at nagpatiuna. Hindi ko na napansin kung nakasunod ba si Sage dahil sa sobrang pag-aalala kay Liesa.
Nakarating kami sa labas ng emergency room. Doon ko natagpuan si Eric na nakatayo habang halos ipukpok na ang ulo sa pader.
"K-Kuya Eric." Tawag ni Maya rito.
Napatingin sa amin si Eric at bumakas agad ang luha sa mga mata ko nang makitang basang-basa ang mukha niya at pulang-pula ang mga mata.
"Eric.." nanghihina akong lumapit sa kaniya pero nang makitang halos bumigay na siya habang nakatayo ay mabilis ko na siyang hinawakan para alalayan.
Seryoso siyang tumingin sa akin. Kumalabog ang dibdib ko.
"Eric, si Liesa?" Tanong ko.
"W-Wala na si Liesa." Mahinang sinabi niya na nagpalambot ng mga tuhod ko.
Unti-unti kong narinig ang paghikbi niya hanggang sa humagulhol na siya. Narinig ko rin ang pag-iyak ni Maya pero hindi ko magawang umiyak. Walang lumalabas sa mga mata ko kahit na sobrang hapdi na ng mga iyon.
Napakurap-kurap ako. Kakaibang sakit ang lumukob sa akin. Tila dayuhan ang sakit na ito sa katawan ko para kapusin ako ng hininga kahit walang luhang lumalabas sa mga mata ko.
"Wala na si Liesa..wala na ang fiancée ko.." Humagulhol si Eric kaya mabilis ko siyang niyakap.
Ramdam na ramdam ko ang panghihina niya, halos kuhanin ko na ang timbang niya para hindi siya tuluyang bumulagta sa sahig. Hinigpitan ko ang yakap sa kaniya at paulit-ulit na hinaplos ang likuran niya.
"I'm so sorry, Eric. I'm so sorry." Mahinang bulong ko.
Inilipat na ang katawan ni Liesa pero hindi pa rin nags-sink in sa akin ang lahat. Tulala lang akong pinapanood ang mga magulang ni Liesa habang papasok sa kuwarto kung nasaan ang katawan niya. Hindi ako pumasok. Ayokong makita. Hindi ko kaya.
YOU ARE READING
Game Of Destiny (Every Game #1)
Romance"Then what's your name, sweetheart?" he whispered. She smirked. Staring at his drunken face. "Hm, why are you asking?" She asked, obviously drunk as well. "You said, you're not her. Then tell me, who are you?" nilapit niya ang mukha sa kaniyang tai...