Chapter 24

394 3 0
                                    

"Ann, bakit ka ba umiiyak?"

Kaagad kong pinunasan ang luha ko nang biglang pumasok si Tita sa opisina niya rito sa cafe.

"Hindi pa nga kita naaayusan, may tears of joy ka na agad," dagdag pa na biro ni Tita.

Ngumiti na lang ako kasabay ng pagpunas ko sa takas na luhang pumatak na naman. Inilapag ni Tita ang mga gamit niya sa table na kaharap ko.

"Huwag ka magtataka mamaya kung hindi maganda ang kalalabasan, ha. Bakit naman kasi ayaw mo pang umupa." Hindi na kasi ako pumayag na kumuha pa siya ng mag-aayos sa akin dahil sayang sa pera kaya siya na lang daw.

Napilit nila akong umattend sa ball ngayong gabi, pero hindi na ako pumayag na umupa ng mag-aayos sa akin. Binayaran pa rin ni Tita ng cancellation fee ang nakausap niya na mag-aayos sana sa akin, ayos na rin iyon kaysa mas malaki ang magastos ni Tita sa akin kung buo ang magiging bayad niya sa taga-ayos. Hindi ko rin naman dama ang kalayaan na maging masaya ngayong gabi dahil sa nangyayari sa pamilya ko.

Sinumulan niyang ayusin ang buhok ko, kung anong ayos ang gagawin niya ay wala akong idea. Pinagmasdan ko ang maputla at halos walang-buhay na sarili ko sa maliit na salamin na nakapatong sa kaharap kong lamesa. Sa loob-loob ko ay sinusubukan kong ngumiti pero sa totoong labi ko ay wala man lang nagbago.

Nakasuot ako ng damit na mabilis ko lang din maaalis mamaya kapag magbibihis na. Nilingon ko ang gown na pinagawa ni Jhana na nakahiga sa sofa ng opisina ni Tita.

Dadalo ako sa valentine's ball dahil alam kong ito na ang huli. Pagkatapos nito, wala na talaga. Tapos na. At sisiguraduhin kong ngayong gabi na ang huli, dahil hindi ko kayang nakikitang may nasasaktan dahil sa akin.

Habang inaayos ni Tita ang buhok at mukha ko, wala akong ibang iniisip kung paano ko tatapusin ang gabing ito. Buo na ang desisyon ko pero wala akong ideya kung paano.

Panay pagsasalita si Tita habang inaayusan ako pero wala akong naiintindihan dahil sa halo-halong emosyon at isipin na tumatakbo sa puso't isip ko. Alam kong may mga madi-disappoint sa gagawin ko pero hindi ko kayang hayaan na madamay ang ibang mahal ko sa buhay.

Inabot din ng ilang oras ang pag-aayos sa akin ni Tita dahil hindi niya gamay ang ginagawa. Matapos ang ilang oras na pag-upo habang inaayusan at pag-iisip kung may dapat pa bang isipin, natapos na rin si Tita sa pag-aayos sa akin.

Akmang titingnan ko ang sarili ko sa maliit na salamin nang pigilan ako ni Tita. "Mamaya mo na tingnan, isuot mo muna yung gown mo," nakangiting sabi ni Tita, mas excited pa siya sa akin.

Sinunod ko na lang siya at lumapit sa sofa para kunin ang gown na pinagawa ni Jhana. Pumasok ako sa maliit na kwarto rito sa loob ng opisina ni Tita. Hindi naman ako nahirapan na isuot iyon dahil red cocktail gown ito. Bahagya akong nagulat nang makita ko ang sarili ko sa salamin na nakadikit sa likod ng pintuan.

Bumagay ang light na make-up at nakataas na buhok ko sa red cocktail gown na suot ko. Halos pa-off shoulder at V-neck ang design sa taas ng gown habang pabuka naman ang sa laylayan. Kulay pula na tela ang pinaka-ilalim ng gown habang may parang net na kulay pula at may glitters ang nakapatong doon.

Bigla namang kumatok si Tita mula sa labas. "Ann, pwedeng pumasok?"

"Opo, sige po," sagot ko habang nakatingin pa rin sa repleksyon ko sa salamin.

"Hala, ang ganda mo!" kaagad na sabi ni Tita nang buksan niya ang pinto. "Kaganda naman ng pamangkin ko!"

Mahina akong natawa dahil para siyang bata habang pinagmamasdan ang kabuuan ko. "Pwede na kong maging make-up at hairstylist!" masayang dagdag pa ni Tita na sabay naming ikinatawa.

Love From The Other WorldTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon