KAAGAD na na-spot-an ni Ryan ang babaeng nasa table number six. Bata pa ito at kakaiba ang kilos, hindi tulad ng karamihan sa mga customers ng bar na iyon na pulos matrona at bading. Maikli ang buhok nito, parang tulad ng kay Demi Moore sa pelikulang Ghost. May dalawang kasama ang babae: isang lalaki na pormal ang get-up at isa pang babae na panay ang simangot.
“Pare, hubarin mo na ang pantalon mo,” bulong ng katabing lalaki ni Ryan. Napatingin siya rito.
“Ano! Wala namang sinabi sa akin na maghuhubad ako, ah!” angal ng binata.
Gusto niyang magmura pero hindi puwede. Paano, nasa stage siya ngayon ng Whattabar, isang kilalang gay club sa Quezon City.
“Ang sabi sa ’kin, maglalakad lang ako sa stage at susundan ang music,” bulong din niya, bagaman puwersado iyon dala ng inis. Nanigas bigla ang mga ugat sa leeg niya.
“Lahat ng production numbers dito, pare, naghuhubad ang mga dancers!” pasimpleng saad naman ng isa pang lalaki na nasa likod ni Ryan. Lumipat ito sa harapan at sa isang iglap ay hinubad nga nito ang suot na pantalon. Nagulat si Ryan nang makitang naka-brief na lang ang lalaki... sexy cut pa!
Damn.Napatingin si Ryan sa may bar. Nandoon ang kasama niyang si Alwyn. Nakangiti ito sa kanya, habang hawak ang isang shot ng vodka. Gusto na talagang magmura ng binata. Napasubo yata siya nang husto sa pagkakataong ito, pero wala na siyang magawa.
“Take it off!” tili ng isang bading na nasa harap ng stage. Nakatingin ito kay Ryan, na para bang handa siyang lundagin anumang oras. Nagtilian din ang mga kasama nito, animo mga sinasapian!
“Papalicious, ibigay mo na!” sigaw naman ng isa pa. Lalong lumakas ang hiyawan sa audience, na lalong nagpataranta kay Ryan.
Shit!Gusto nang mag-back-out ni Ryan. Hindi naman sa ikinahihiya niya ang kanyang katawan. Sa katunayan ay alam niyang maganda ang kanyang katawan lalo na ang kanyang abs dahil alaga iyon sa sports. Pero ibang usapan ang maghubad sa stage. At sa harap pa ng mga taong tila hayok sa laman. Para siya ngayong karne na inihain sa harap ng mga gutom na leon sa disyerto.
Napatingin siya sa kinaroroonan ng babaeng nakita niya kanina. Nakatingin ito sa kanya, ngunit wala siyang maaaninag na reaction sa mukha nito. Napalunok si Ryan bago hinawakan ang zipper ng kanyang Levi's
.
Trabaho lang ito, walang personalan!Napapikit ang binata nang ibaba niya ang kanyang jeans. Bahala na!
Naghiyawan ang mga matrona sa isang table. Nang tumingin si Ryan sa audience ay bukod- tanging ang babae sa table six ang hindi tumitinag sa kinauupuan. Nakatayo na ang dalawa nitong kasama at nagbubulungan, pero nanatiling nakaupo lang ang babae. Lalong naintriga si Ryan.
Baka autistic,naisip niya. Unti-unting nawala ang hiya at stage fright ni Ryan. Kahit naka- underwear lang siya ay medyo relaxed na ang pakiramdam niya, unlike kanina na gusto na niyang matunaw. Inisip na lamang niyang nasa beach siya, tutal trunks naman ang suot niya. Kahit papano ay naibsan ang uneasy feeling niya.
Hindi nagtagal, natapos din ang kalbaryo ni Ryan sa stage. Pawisan siya nang makababa, bitbit ang mga perang papel na pilit isiniksik ng mga customers sa garter ng underwear niya. Matapos magbihis ay kaagad niyang pinuntahan si Alwyn sa bar. Nakangisi sa kanya ang lalaki.
“Pare, ’andami mong fans kanina, ah!” anito, nakakaloko ang ngiti. Gusto na itong kutusan ni Ryan.
“Ulol! Huwag mo akong asarin at baka ikaw ang una kong mabaril dito!” pabulong niyang sita rito. Kaagad siyang humingi ng isang basong tubig sa bartender. Pakiramdam kasi niya ay na- dehydrate siya sa ginawang pagbibilad ng katawan sa stage.

BINABASA MO ANG
AGENT OF MY HEART
ChickLitPublished by Bookware, 2006 Macho dancer meets young matrona. Ano nga ba ang kapalarang naghihintay sa kanila? Pero ang tanong- totoo nga ba ang pakilala nila sa isa't isa? Paano kung pareho lang pala silang nagpapanggap? Alamin! Happy reading...