ANG amang si Menandro Laureno ang nakaimpluwensya kay Ryan para kumuha ng Law, kahit na ang gusto talaga ng binata ay maging isang secret agent, katulad ng kanyang idolo na si James Bond 007.
Minsan nang inambisyon ni Menandro na maging abogado pero hindi iyon natupad dahil nag- asawa ito kaagad. Kaya naman sa anak ipinamana ang nabigong ambisyon. At dahil nga masunuring anak ay dumerecho ng law school si Ryan pagkatapos ng kanyang kursong Political Science. Sa St. Louis University sa Baguio nag-aral ang binata dahil taga-roon sila. Pero nang matapos sa law ay kaagad na nag-apply ang binata sa National Bureau of Investigation bilang agent, sa kabila ng protesta ng kanyang mga magulang.
“Delikado sa NBI, Anak! Kita mo nga ang mga balita sa TV. Maraming namamatay sa operation,” ani Felicia na kanyang ina. “Dapat nagre-review ka na para sa bar!” anang kanyang ama.
Excited ang binata sa kanyang pagsabak sa trabaho kaya kahit sangkatutak na sermon ang inabot niya mula sa mga magulang ay sumige pa rin siya. Ipinangako na lang niyang hindi makakahadlang ang trabaho niya sa pangarap ng ama na maging abogado siya.
Pero hindi kaagad nakakuha ng bar exam si Ryan nang taong iyon. Halos hindi siya magkandaugaga sa trabaho kaya hindi niya maisingit ang puspusang pagre-review. Nag-undergo muna siya ng orientation, physical training at pag-aaral sa iba't ibang kasong hawak nila. Isinama rin siya sa mga lakad ng mga batikang agents para makita niya kung paano mag-operate ang mga iyon.
Kalaunan ay nakapag-adjust na rin ang binata sa buhay na pinasok niya. Nabigyan na rin siya ng mga misyon pero halos mga minors lang. Usually ay sa survelliance team siya dahil madali siyang mag-blend sa crowd. Hindi raw kasi siya mukhang alagad ng batas o taga-NBI ang hitsura niya.
Guwapo naman talaga si Ryan. Matangos ang ilong niya na bumagay sa mukha na animo sadyang iginuhit sa perpeksyon. Manipis ang labi at may pantay-pantay na ngipin. Ang kanyang mata ay may pagka-gray na binagayan naman ng makapal at mahahabang pilik. At dahil bata pa ay athlete na, maganda ang pangangatawan ng binata. Hindi malaki, hindi payat pero siksik. Bumagay iyon sa kanyang height na six feet. Lalo pang nagpalakas ng kanyang appeal ang kanyang morenong complexion. Lalaking-lalaki ang dating niya, ayon sa marami niyang kakilala.
Ang kanyang physical appearance ang isa sa mga rason kung bakit siya ang ginawang frontman ng kanilang bagong misyon ngayon.
Tungkol sa lumalalang kaso ng mga pinapatay na bakla ang tinututukan ngayon nina Ryan. Nakikipagtulungan sila sa PNP pero nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon at pagmamanman. Sa mga nakalap nilang report at tip mula sa kanilang mga assets ay tila iisang grupo ng kalalakihan ang gumagawa ng mga karumal-dumal na pagpatay sa mga miyembro ng third sex. Pagnanakaw ang isa sa anggulong kinu-consider nila, pero alam ni Ryan na may mas malalim na dahilan pa kung bakit pinapatay ang mga biktima matapos pagnakawan. At sa kanilang initial findings, isa sa suspects ay nagtatrabaho sa isang gay club sa Quezon City. Kaya naman kaagad na bumubuo ng isang team ang kanilang ahensya para matukoy ang grupo ng mga kriminal.
Ayon sa head ng kanilang department, at siyang tumatayong direct officer nila, siya lang ang puwedeng magpanggap na nagtatrabaho sa isang gay bar.
“Mukha ba talaga akong callboy, Sir?” lakas-loob niyang tanong. Bigla siyang na-conscious sa hitsura.

BINABASA MO ANG
AGENT OF MY HEART
ChickLitPublished by Bookware, 2006 Macho dancer meets young matrona. Ano nga ba ang kapalarang naghihintay sa kanila? Pero ang tanong- totoo nga ba ang pakilala nila sa isa't isa? Paano kung pareho lang pala silang nagpapanggap? Alamin! Happy reading...