“ILANG araw yata kitang di nakikita dito, Pare,” bati ni Ryan kay Alvin, isa sa mga regular dancers sa club. Isa ang lalaki sa mga naging kapalagayang-loob niya sa bar. Mabait kasi si Alvin at marunong makisama sa kanila. Matalino ring kausap.
“Umuwi ako sa probinsiya. Emergency kasi.”
“Saan ba ang sa inyo?”
“Sa Nueva Ecija. Tumawag kasi ’yung kapatid ko, dinala daw sa ospital ’yung nanay ko kaya pinuntahan ko.”
“Napano ’yan?” turo ni Ryan sa gasgas sa noo ni Alvin.
“Nauntog sa silong namin. Mababa lang kasi iyong kisame ng bahay namin,” nakangiting sagot nito. “Kumusta naman dito? Naka-adjust ka na ba?” Tumango si Ryan.
“Medyo okay naman. Nanibago lang ako noong una.” Napansin ng binatang agent na tila hindi mapakali ang kausap. Nasa maliit na dressing room sila ng bar. Ugali nang tumambay doon ni Ryan kapag hindi pa nagbubukas ang establishment. Kasama rin sa trabaho niya ang mag-obserba ng mga pangyayari roon.
“Ganyan talaga,” wala sa loob na nasabi ni Alvin, na nagbabasa ng text message sa cellphone. “Pare, alis na lang muna siguro ako,” pagkuwa’y sabi nito.
Nagulat man ay hindi nagpahalata si Ryan.
Biglaan naman yata ang pag-alis nito. Saka ang alam niya, kasama sa isang dance number sa gabing iyon si Alvin, kaya nagtaka siya kung bakit bigla itong uuwi.
“Puwede bang ikaw na lang muna ang pumalit sa akin?”
“Ha!” genuine ang gulat ni Ryan. Alam niyang ang pagsayaw sa stage ang ibig nitong sabihin. “Pero hindi ko alam ang sayaw na inihanda ninyo. Mapapahiya lang ako.” Tumatakbo na ang isip ng binata—naghahagilap ng alibi para huwag makasayaw!
“Simple lang naman, Pare. Bigla kasing nag-text iyong pinsan ko. Inuutangan ko pa naman ’yun para makapagpadala ng pera sa probinsya,” ani Alvin. “Kung gusto mo ituro ko sayo ngayon ’yung steps. Makukuha mo naman kaagad iyon nang wala pang five minutes. Promise!”
Gusto nang magprotesta ni Ryan pero naaawa naman siya sa kasamahan. Naisip din niyang minsan na lang siya sasayaw uli.
Sana naman last na ito. Matapos na sana ang kaso para matapos na rin itong kalbaryo ko, lihim na dasal niya.
BAGAMAN NAIRITA ang manager na si Dindo sa biglaang pag-alis ni Alvin, natuwa naman ito nang malamang si Ryan na muna ang sasayaw kapalit ng lalaki.
''Ay, matutuwa ang mga customers kong matagal nang nagpapantasya sa ’yo!'' bulalas ng gay manager. “Alam mo bang may advantage din ang pagiging mailap mo?”
“Bakit po?” kunwari ay inosenteng tanong ng binata, saka uminom ng tubig.
“Balik kasi sila nang balik dito para lang makita ka. Ang sabi nga ng isa sa akin ay nagpupustahan pa daw sila kung sino ang unang makakapag-take out sa ’yo!”
Muntik nang masamid si Ryan. Wala siyang kaalam-alam, pinagpupustahan na pala siya ng mga ex-men!
Nang lumabas sa stage ang binata ng gabing iyon, malakas na hiyawan at palakpak ang bumati sa kanya. Parang gusto na nga niyang umatras na lamang dahil nakaramdam siya uli ng hiya. Pakiramdam niya ay dadaluhugin na siya ng mga customers na pumuwesto pa sa mismong tapat ng stage.
Patapos na ang tugtog nang may mapansin si Ryan. May isang lalaking nakatayo sa may pinto na nakatingin sa kanya. Masyado kasing maliwanag sa stage kaya nasisilaw ang binata, hindi tuloy niya makitang masyado ang mukha niyon. Pero pamilyar sa kanya ang bulto niyon.
BINABASA MO ANG
AGENT OF MY HEART
Chick-LitPublished by Bookware, 2006 Macho dancer meets young matrona. Ano nga ba ang kapalarang naghihintay sa kanila? Pero ang tanong- totoo nga ba ang pakilala nila sa isa't isa? Paano kung pareho lang pala silang nagpapanggap? Alamin! Happy reading...