“OKAY na?” kaagad na tanong ni Anya nang makitang palapit si Ryan. Nasa labas na sila ng mall.
Gusto na talaga niyang umuwi at makalayo sa lalaki dahil uneasy na ang pakiramdam niya. Sa katunayan ay nagyaya na nga kaagad siya kaninang umalis na pagkatapos nilang kumain. Bahala na kung masabihan siyang bastos. Kaysa naman hayaan niya ang sarili na unti-unting magkaka- crush sa lalaking macho dancer?
“Kinausap ko muna ang driver. Sabi ko huwag nang pumila. Pumayag namang ihatid ka sa Mandaluyong.” Binigyan nito si Anya na isang nakakatunaw na ngiti.
Nag-iwas ng tingin si Anya.
“Thanks.” Iyon lang ang tanging nasabi niya.
“Ayaw mo naman kasing magpahatid. Di sana'y may bodyguard ka.”
“Okay lang ako. Sanay akong bumiyaheng mag-isa.”
“Talaga bang hindi mo sasabihin sa ’kin ang phone number mo?”
“Sorry, it’s confidential,” sagot ng dalaga, bagaman nate-tempt na siyang idikta rito ang contact numbers niya.
Bakit kasi naging hubadero ka?Nanghihinayang talaga siya kay Ryan.
“Well, sige. Ipagdadasal ko na lang na sana ay magkita uli tayo.” May lungkot sa boses ng lalaki at gusto nang bumigay ni Anya pero nanaig ang kanyang pride.
“Pagbutihan mo ang pagdadasal para magkatotoo.” Kumaway pa siya kay Ryan nang makaalis na ang taxi na sinasakyan niya. Nakaramdam ng di-maipaliwanag na lungkot ang dalaga. Gusto rin niya sanang maging kaibigan si Ryan, kaso natatakot siya. Iba ang mundong ginagalawan nito sa kanya. Hindi siya matapobre, pero paano naman niya ipapakilala ang lalaki sa kanyang mga kaibigan? Paano ang kanyang pamilya, if ever? Baka atakehin sa puso ang kanyang lola. O kaya turukan siya ng injection ng kanyang amang beterinaryo!
Lukaret! Phone number lang ang hiningi ni Ryan, hindi ang kamay mo!sita ng isang bahagi ng utak niya.
Bigla niyang naalala ang isang local movie kung saan na-in love ang bidang babae na isang advertising executive sa isang macho dancer. Sa kabila ng lahat ay nagkagustuhan at nagkatuluyan pa ang mga ito sa huli.
Gaga, pelikula ’yon. Iba sa tunay na buhay! kaagad na sigaw ng kanyang isip. Sana naging pelikula na lang ang buhay ko.
“MISS, saan ho kayo banda dito sa Barangka Drive?”
Nagulat si Anya nang magsalita ang taxi driver. Nasa Mandaluyong na pala sila at dalawang kanto na lang ang layo niya sa kanilang bahay.
“Liko lang po sa kaliwa tapos itigil ninyo sa puting gate po na iyon,” turo niya sa driver.

BINABASA MO ANG
AGENT OF MY HEART
Chick-LitPublished by Bookware, 2006 Macho dancer meets young matrona. Ano nga ba ang kapalarang naghihintay sa kanila? Pero ang tanong- totoo nga ba ang pakilala nila sa isa't isa? Paano kung pareho lang pala silang nagpapanggap? Alamin! Happy reading...