Chapter Ten

4K 145 3
                                        

PAGOD na humiga si Anya sa kama. Ilang araw na siyang pagod kung tutuusin. Simula nang saklolohan nila si Morgan Allister noong weekend ay hindi na siya nakatulog nang maayos. Ilang beses na rin siyang nagpabalik-balik sa hospital at sa police station para tumulong sa kaso ng Filipino-Canadian. Nakausap na rin niya ito at nakuhanan ng panig.

Ayon kay Morgan ay hindi ang kanyang lover ang muntik nang pumatay sa kanya, gaya ng duda ng mga pulis. Totoong nag-away ang mga ito noong gabing mangyari ang pananaksak sa lalaki pero umalis umano si Morgan sa townhouse ng lover at nag-drive sa kung saan-saan. Sa isang street party sa Malate ito napunta. May nakilalang lalaki roon si Morgan, nagkapalagayang- loob at sumama ito kay Morgan pauwi. Nag-inuman pa ang dalawa bago naglambingan, pero naging agresibo ang estrangherong nakilala ng Filipino-Canadian.

Noong una, akala ni Morgan ay nakikipagbiruan lang ang lalaki, pero nang saksakin siya nito ay napilitan na siyang lumaban.

Dating football player noong bata pa si Morgan kaya sanay itong makipagpambuno. Kahit malakas ang kalaban at may ilang tama na siya ng saksak ay nagawa nitong makipagsuntukan. Nakakuha siya ng buwelo at hinampas niya ng isang antique na jar ang lalaki kaya nawalan ito ng malay. Saka siya tumakas. Ngunit sa halip na tumawag ng pulis sa telepono ay nag-panic si Morgan at tumakbo palabas ng bahay, nakarating sa kanto hanggang sa muntik na ngang mabangga nina Anya. Nang balikan ng mga pulis ang townhouse ni Morgan ay wala na roon ang lalaking sumaksak sa kanya.

Mabuti na lamang at hindi inabot ng saksak ang mga maseselang parte sa tiyan ni Morgan kaya nakaligtas ito. Subalit maraming dugo ang nawala sa biktima kung kaya nanghina ito nang husto. Kahit hindi na kritikal ang kalagayan, hindi pa maaaring kausapin ng media si Morgan. Sina Anya lamang ang nakakalapit sa kanya dahil nga sila ang nagligtas dito.

Kumbinsido na rin si Hugh na may serial killer ngang gumagala sa lungsod dahil sa nangyari kay Morgan, kung kaya lalo itong naging paranoid. Ayaw na nitong pumunta pa sila sa mga bar at lalo na sa gay club.

“Kalimutan mo na ’yang documentary mong ginagawa tungkol sa serial killer, Anya. Baka tayo ang isunod niyan!” sabi pa nito sa dalaga nang magkita sila kanina. “Maghanap ka na lang ng ibang topic, ’yung mas safe. Culture and heritage na lang, matutuwa pa sa ’yo ang mga taga-Tourism!”

“O kaya tungkol sa pagkain na lang. Kahit magluto pa ako nang magluto sa harap ng camera, okay lang. Huwag lang tayong makipagpatintero sa mga mamamatay-tao!” sabad naman ni Laly.

“Alam mo, kayo, ang OA ninyo,” singhal niya sa mga kaibigan. “Mas dapat pa nga akong magpursige ngayon na mabuo itong documentary na ginagawa ko, kasi nakilala mismo natin ang victim niya!” rason pa niya.

“Eh, paano kung malaman ng serial killer na ginagawan mo pa siya ng presentation? Baka kahit hindi ka bakla, paslangin ka din n’un!” ani Hugh, tila hihimatayin na.

“Kaya nga samahan ninyo ako lagi, para kung mahanap man niya ako, may mga kasama ako, di ba? Mag-volt in tayo!” biro ni Anya para maibsan ang kaba ng mga ito.

“Volt in? Ano’ng akala mo sa ating tatlo, cartoon characters?” asik ni Hugh.

“Anya, we're talking here about a cold-hearted, bloody murderer,” seryosong saad ni Laly. “Bata pa tayo para ma-chop-chop lang.”

“Okay, kung gan’on ang desisyon ninyo, eh di, sige.” Sumang-ayon na lamang siya sa mga kaibigan.

Pero ang totoo ay gusto pa ring ituloy ng dalaga ang plano. Ngayon pang nakilala na niya si Morgan. Pumayag na itong magpa-interview sa kanya kapag gumaling na ito. At kapag nahuli na ang lalaking sumaksak kay Morgan, mas gaganda ang ginagawa niyang documentary.

Nakatulog ang dalaga sa kabila ng maraming iniisip.

“SIGURADO KANG HETO ang mga pangalan ng mga tumulong kay Mr. Morgan Allister?” tanong ni Ryan sa kanilang contact sa PNP na nakatalaga sa Mandaluyong. Tumango ang tinanong.

Hindi makapaniwala ang binata nang mabasa ang mga nakasulat na pangalan sa initial police report na hawak.

Anastacia Mendoza a.k.a. Anya Hugo Villaroman a.k.a. Hugh. Trimilaly Relator a.k.a. Laly. Ayon sa naturang police report, ang tatlo ang nagdala sa biktima sa ospital. Mahigpit daw ang bilin ng tatlo na huwag ibigay sa media ang kanilang mga pangalan para sa proteksyon na rin ng mga ito.

Paano sila nasangkot dito? Ang alam ni Ryan ay nakita pa niya ang tatlo sa club nang gabing nangyari ang naturang insidente.

''Pati ’yung biktima, ayaw ding makipag-usap sa mga taga-media. Maging kaming pulis nga, muntik ding hindi makapasok sa kuwarto niya. ’Yung tatlong iyan lang ang pinapayagan niyang makipag-usap sa kanya,” kuwento pa ng sarhento.

“Sige, thank you dito ha,” ani Ryan, bago binitbit ang folder sa kanyang mesa. Nagpaalam na rin ang taga-PNP sa kanya.

Pakiramdam ng binata ay sasabog na ang ulo niya sa dami ng kanyang iniisip. Mas nagiging kumplikado kasi ang hawak nilang kaso. Damay pa ngayon ang isang Filipino-Canadian citizen. Kapag embahada na ang makikialam, mas lalong gugulo ang imbestigasyon nila. Malalagay sa alanganin ang cover niya. But on the other hand, malaking break na rin ang nangyaring pagkakaligtas ni Morgan Allister. Ibig sabihin ay makakapagbigay ng lead ang lalaki tungkol sa umatake sa kanya.

Kailangan lang na makausap ko siya. Naalala niyang walang nakakapasok sa hospital room ng biktima. Pero paano?

Mag-isip ka ng paraan, Laureno!Muli niyang tiningnan ang pangalan ni Anya.

ALAS ONSE na ng gabi nang natapos ni Anya ang pag-e-edit. Kailangan kasi niyang i-rush ang mga materials para sa susunod nilang episode. Kaya ang planong pagpunta sa ospital upang dalawin si Morgan ay ipinagpaliban na lamang ng dalaga.

Gagawin na lamang niya iyon bukas ng umaga, bago pa siya pumasok ng opisina.

Hindi sinasabi ni Anya sa mga kaibigan na tuloy ang paggawa niya ng documentary. Ayaw niyang mamomroblema pa ang mga iyon. Pero nag-iingat din siya. Ipinasya niyang huwag nang masyadong pumunta sa mga lugar na delikado—especially sa mga bar.

Agent Of My Heart

Kumusta na kaya siya? Hindi niya maiwasang isipin si Ryan. Sa tuwina ay pumapasok sa diwa ni Anya ang lalaki pero nasasaktan lang siya kapag naaalala ang tungkol sa mga nakita niya. At habang nasasaktan siya, lalo siyang naiinis sa sarili. Ano ba ngayon sa kanya kung nakikipaglambutsingan si Ryan sa matrona at sa bading? Normal lang iyon, iyon ang trabaho ng lalaki. Ganoon na ito bago pa man sila nagkakilala.

Itinuon na lamang niya ang isip sa ibang bagay. Kailangan huwag na niyang isipin si Ryan! Ang hindi niya inaasahan ay ang muling pagkukrus ng landas nila kinabukasan.

KAHIT PUYAT ay pinilit ni Anya na gumising nang maaga para makapunta sa ospital. Gusto niyang makausap si Morgan nang matagal. Balak na rin niya itong kunan ng video footage sa hospital bed. Bitbit ang isang basket ng prutas ay walang anumang dumerecho ang dalaga sa Room 214.

“Miss, bawal daw pumasok ang bisita,” anang isang tinig. Tiningnan lamang iyon ni Anya.

Bagets, naisip niya. Deadma, hindi ka naman pulis!

“Kilala ako ni Morgan. Expected na niya ako.” Confident siya dahil feeling niya close na sila ni Morgan. Ngunit ganoon na lamang ang gulat ng dalaga nang buksan niya ang pinto. Para siyang itinulos, animo naging estatwa siya dahil hindi kaagad nakakilos. Daig pa niya ang nakakita ng engkanto.

Nakaupo si Ryan sa tabi ng kama ni Morgan at tila seryoso ang dalawa sa pag-uusap. Iisa lang ang pumasok sa isip ng dalaga ng mga oras na iyon—

Oh my God! Siya ang lover ni Morgan!Nanlamig ang buong katawan ni Anya.

“Ikaw!” nasabi na lamang niya bago tumalikod at tumakbo palabas.

“Anya!” narinig pa niyang sigaw ni Ryan, pero hindi siya lumingon. Wala na siyang dapat pang marinig mula sa lalaki. Malinaw na sa kanya ang lahat.

Ang cheap ko talaga! Ang cheap-cheap ko! 

AGENT OF MY HEARTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon