Chapter Nine

3.8K 148 0
                                    

NANGINGINIG PA RIN si Anya nang makabalik sa table nila. Masaya namang nagkukuwentuhan sina Laly, Hugh at JFK.

“O, bakit mukhang may kaaway ka?” puna ni Laly nang makita ang hitsura niya.

“Wala, naasar lang ako,” pagdadahilan niya.

“Kanino?” tanong ni Hugh nang marinig ang sinabi niya. Maging si JFK ay interesadong

naghintay kung kanino siya naaasar.

Sa sarili ko,gusto niyang sabihin. Dahil hindi ko maialis sa isip ko ang halik ni Ryan!

“Basta!” mabilis niyang sagot. “Umalis na nga tayo, nahihilo na ako.”

“Ilang shot ba naman ng White Russian ang naubos mo!” sisi sa kanya ni Hugh. Hindi na umimik si Anya dahil talagang tinamaan na siya ng kanyang mga nainom.

Paalis na sila nang mamataan niyang may kasama uli si Ryan. Hindi na matrona, kundi lalaki. Sa paraan nito nang paglalakad na tila may kendeng pa ay iisa lang ang pumasok sa isip ng dalaga—bading ang customer ni Ryan!

Naninikip ang kanyang dibdib sa sama ng loob.

“KUTZ! Ano’ng ginagawa mo dito?”

Hindi makapaniwala si Ryan nang makita ang kasamahang agent na pumasok sa bar. Hindi naman kasi kasama sa misyon niya si Kutz, pero naroroon ito at kakaiba pa ang kilos. Bagaman normal naman ang bihis, biglang naging malumanay ang galaw at pananalita nito, na ikinagulat ni Ryan. Si Kutz kasi ang isa sa pinakaastig sa department nila.

“Pinasunod ako dito ni Boss, back-up daw. Umuwi naman kasi kaagad si Ate Tess, eh. Ang aga- aga pa.” Nagpapungay pa ito ng mga mata, kinilabutan tuloy si Ryan.

“Bakit ganyan ang kilos mo?” Bumubulong lamang ang binata dahil ayaw niyang may makarinig sa kanila.

“Kunwari gay customer ako.” Nakangisi pa ito, tila aliw na aliw sa ginagawa.

''Anong oras na, o! Nagsisipag-uwian na nga ang iba.” Napatingin si Ryan sa table nina Anya. Wala na roon ang babae. Pagtingin niya sa pinto ay likod na lamang ng kasama nitong si Laly ang naabutan niya.

“Di ayos. Timing ang dating ko, kunwari ay iti-take home kita. Tapos derecho na tayo sa opisina.” Clueless si Kutz sa itinatakbo ng isip ni Ryan. “Para ma-establish na dito sa club na talagang trabaho ang pakay mo, di ba?”

“Oo na!” sumang-ayon na ang binata, nakatingin pa rin sa pinto. “Sandali, may titingnan lang ako sa labas,” aniya nang hindi nakatiis. Kailangang makausap muna niya si Anya bago ito tuluyang makaalis!

Naabutan naman ni Ryan ang dalaga na pasakay na sa kotse ng kasama nitong lalaki. Hindi na siya nag-atubili pang lapitan ito at kausapin.

“Uuwi ka na?” Hindi kumibo si Anya. Nakatingin din sa kanya ang dalawa nitong kaibigan. “Usap muna tayo.''

''Bumalik ka na d’on sa customer mo at baka hinahanap ka na! Sayang naman ang kikitain mo doon, mukha pa namang galante,” sarkastikong turan ni Anya, saka nito binalingan ang kasama. “Tara na, Hugh. Umuwi na tayo, ayokong mang-istorbo sa mga rumaraket diyan!”

Kaagad namang tumalima ang kasama ng dalaga. Pinaandar na nito ang kotse. Naiwang nakatanga sa tabi ng daan si Ryan.

''NAGSESELOS KA, ’no?'' akusa ni Hugh sa kanya. Nasa kahabaan na uli sila ng EDSA, paakyat ng fly-over sa may POEA.

“Anong nagseselos ang pinagsasabi mo diyan?” Nakasimangot si Anya.

“Eh, bakit gan’on na lang ang galit mo kay Ryan nang makita mong may kasama siyang customer?” tudyo pa nito. “Alam mo, obvious ka na, nagdi-deny ka pa!”

“Hindi ako nagdi-deny.” Umismid ang dalaga at napatingin sa bintana.

Nasa may kanto na sila ng Edsa-Shaw Boulevard. Kakanan na sila dahil doon siya madalas dumaan pag umuuwi. Pero ilang kanto pa lang ang nalalampasan nila nang biglang mapa-preno si Hugh. Napatili tuloy ang mga dalaga sa sobrang gulat.

“Shit!” nasabi ng lalaki.

“Tao! Duguan ang tao!” tili ni Laly na ang itinuturo ay ang estrangherong nakalupasay sa daan ilang metro lang sa harapang gulong ng kotseng sinasakyan nila. Iyon pala ang dahilan kung bakit biglang napapreno si Hugh. Muntik na nila iyong nasagasaan.

Napamura nang wala sa oras si Anya, nawala ang kalasingan. Si Hugh naman ay namumutla, hindi makagalaw sa harap ng manibela.

“Humihingi yata siya ng tulong,” ani Laly. Bago pa sila nakapagsalita ay nakababa na ito upang saklolohan ang di-nakikilalang tao.

“Oh, shit! Anya, baka madamay tayo!” kabadong bulalas ni Hugh, lumabas ang pagiging binabae.

Mabilis na ring bumaba si Anya at nilapitan si Laly na noon ay nakalapit na sa taong duguan. Nakita niyang puno ng dugo ang damit nito.

“Ano’ng nangyari?” untag ni Anya sa lalaking nasa daan. Buhay ito at may malay.

“P-please, bring me... t-to the hospital! I-I need a d-doctor, p-please!” Nagulat si Anya nang mapansin ang accent sa boses ng lalaki. Napansin niyang medyo tisoy nga ito, parang foreigner base sa features at pangangatawan. Tantya ng dalaga ay nasa early forties na ito.

Napatingin si Anya sa paligid. Madilim na bahagi iyon ng Mandaluyong. Halos walang tao dahil lampas hatinggabi na.

Napatingin siya kay Hugh. Nasa loob pa rin ito ng kotse pero nakatingin din sa kanya at may hawak na cellphone. Naisip niyang tumatawag siguro sa pulisya ang kaibigan.

“Hugh, malapit na dito ang Mandaluyong Hospital, dalhin na natin siya d’on!” sigaw niya upang tulungan silang magbuhat ng foreigner.

Pagdating nila sa hospital ay kaagad na isinugod ang lalaki sa emergency room. Naiwan silang tatlo sa may lobby, shocked pa rin. Ngayon lang sila actual na nakakita ng taong sugatan at humihingi ng tulong—at sila pa ang nagdala sa ospital!

“Kayo ho ba ang nagsugod dito sa biktima?” Nagulat si Anya nang makitang may pulis na nakatayo sa harap nila. Tumango siya. Tahimik lamang sina Hugh at Laly.

“Bakit po?” tanong niya.

“Kailangan ninyong magbigay ng statement sa station.”

Kaagad na nanlamig si Hugh sa tabi niya. Alam ni Anya kung gaano ito katakot na masangkot sa anumang may kinalaman sa mga police matters.

“Kailangan pa po ba? Hindi pa ho ba sapat na dinala namin dito sa ospital ang biktima? Ayaw ho sana naming madamay pa, eh,” sabi niyang pilit pinatatag ang sarili.

“Pasensya na, Miss, ganoon kasi talaga. Kung hindi kayo magbibigay ng statement, mahihirapan kaming ma-trace ang suspect sa frustrated murder na ito.” Napasinghap si Hugh, maging si Laly ay nanlaki ang mga mata. Tanging si Anya ang nanatiling kalmado.

“Frustrated murder?” tanong niya sa pulis. Tumango ito. “Paano niyo nalaman? May suspect na kayo?”

“Ang biktima ay si Morgan Allister, isang Filipino-Canadian na may-ari ng isang maliit na travel agency dito sa Mandaluyong. May lover siyang lalaki, hinahanap na namin iyon ngayon,” paliwanag ng pulis.

Nagkatinginan silang tatlo. Ibig bang sabihin ay isa na naman sanang gay ang namatay kung hindi nila iyon nasaklolohan?

AGENT OF MY HEARTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon