Chapter One

9K 172 4
                                    


NATUON ang pansin ni Anya sa TV nang marinig ang news alert—isa na naman umanong bangkay ang natagpuan sa isang village sa Quezon City. Isang gay na naman ang biktima.

Napailing ang dalaga, saka ibinalik ang atensyon sa kanyang hapunan. Late dinner na iyon kung tutuusin, dahil as usual, nag-overtime na naman siya sa trabaho kaya ginabi na naman siya sa pag-uwi.

Pagkatapos kumain ay kaagad na kinuha ni Anya ang telepono sa tabi ng kanyang kama at saka tumawag.



"Huh... h-hello?" Parang paos ang boses, halatang groggy pa ang nasa kabilang linya. "Sino 'to?" nagawa nitong itanong.



"Hoy, sino pa ba ang tatawag sa 'yo sa ganitong oras kundi ako lang?"



"Anya..." Halata ang sarkasmo sa boses ng nasa kabilang linya. "Yeah, ikaw lang ang malakas ang loob na gigising sa 'kin sa ganitong oras." Sinundan nito iyon ng isang buntong-hininga.



Napahagikgik ang dalaga. Best friend niya si Hugh at classmates sila nito mula high school hanggang college. Pareho silang nag-aral sa UP Diliman; Film ang kurso niya samantalang Economics naman ang sa lalaki. Kung si Anya ay nagtatrabaho ngayon bilang video editor sa isang TV network, si Hugh naman ay nag-masteral muna at ngayon ay kinuha ng isang government agency na direktang nasa ilalim ng Office of the President.



"Pambihira ka naman kasi. Simula nang magtrabaho ka sa gobyerno, maaga ka na kung matulog. Di na tayo nakakapagtsismisan, ah!" sumbat ng dalaga.



"Anya, hindi ako tulad mong tanghali na kung pumasok sa trabaho. Alas ocho pa lang ay nasa opisina na ako para magbasa ng mga report at gumawa ng economic strategies."



"Hay naku, ikaw lang naman ang pumapasok nang maaga sa opisina ninyo! Ang alam ko sa mga taga-gobyerno, eh, tanghali kung pumasok sa office. Ano ka ba, nagpapakabagong bayani?" Sinundan pa iyon ni Anya ng nakakalokong tawa.



"Anya!" Tumaas ang boses ni Hugh sa kabilang linya kaya biglang sumeryoso si Anya. "Ano ba talagang itinawag mo?"



"Alam mo bang may natagpuan na namang patay kanina lang?"



"So? Halos araw-araw naman may pinapaslang, ah," walang interes na sabi nito. "Member ng third sex ang pinatay. Pang-anim na 'yan since last month." Biglang natahimik ang nasa kabilang linya.



"Hugh?"



"P-paano daw p-pinatay?" Halatang na-upset si Hugh sa balita ni Anya.



"Sinaksak, just like the other victims. Kaya I'm sure, serial killer ang may kagagawan n'un!" diin ng dalaga.



"Tumigil ka nga, Anya! 'Ayan na naman ang serial killer theories mo, eh! Sabi na sa 'yong tigilan mo na ang kakapanood ng CSI at kung anu-anong horror films, pati ako tinatakot mo," kunwa ay saway ng kaibigan, pero alam ni Anya na apektado ito sa sinabi niya.



Bakla si Hugh pero si Anya lang at ang isa pa nilang kaibigan na si Laly ang nakakaalam. College sila nang aminin sa kanila iyon ng kaibigan. Hindi naman kasi halata na gay si Hugh— pormal ito kung kumilos at maayos manamit. Kagagalang-galang pa nga, palibhasa ay galing sa may-kayang angkan kaya may breeding. Pero kahit hindi bulgar ang pagiging bading ni Hugh sa ibang tao, nangangamba pa rin si Anya para sa kaibigan. Natatakot siyang baka matyempuhan ito ng gumagalang serial killer ng mga bading.



"Sige na nga, matulog ka na uli. Pati mga pinapanod ko, eh, nilalait mo na," natatawang sabi ng dalaga.



"Salamat at naisip mong kailangan ko pang mag-beauty rest. Good night!" Iyon lang at ibinaba na ni Hugh ang telepono.



AGENT OF MY HEARTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon