MATAGAL NANG nakaalis sina Anya ay nanatiling nakaupo sa bar si Ryan. Magsasara na ang bar at kaunti na lang ang natitirang mga customers.
Hindi ko man lang nakuha ang number niya.Nanghihinayang ang binata na hindi niya nakausap nang maayos ang nakilalang babae. Ang taray naman kasi niyon.
“Ano, pare, kumusta ang unang gabi mo?”
Napatingin si Ryan sa nagsalita. Ang alam niya, ‘Bogs’ ang pangalan ng lalaking umupo sa tabi niya. Humingi ito ng isang beer sa bartender at inalok siya. Tumanggi ang binata.
“Okay naman. Kahit medyo nakakapanibago,” nakangiting sagot niya.
“Gan’on talaga dito pag bago, medyo nangangapa pa.” Lumagok muna ito ng beer bago nagpatuloy. “Ako nga dati, akala ko di ko kakayanin ang trabaho. Kaso kailangan, kaya ’eto. Tumagal naman kahit papano.”
“Gaano ka na ba katagal dito?” tanong ni Ryan.
“Isang taon na din. Ikaw, saan ka ba dati nagtatrabaho? Paano ka ba napunta dito?”
“Sa may Taft.” Mabilis na nag-isip ang binata. “Sa isang restaurant na pag-aari ng isang
Chinese. Cook ako doon.”
“Cook ka pala. Bakit ka umalis doon? Mababa ang sahod, ’no?” Tumango si Ryan.
“Wala pang overtime.”
“Ang hirap kasi ng buhay ngayon. At least dito, mabilis ang pera. Iyong iba nga dito, pati bading pinapatulan.” Natawa ito. Nakitawa rin si Ryan, ngunit lumilipad ang isip niya. Nang makita niyang papalapit na si Alwyn ay tumayo na siya at nagpaalam kay Bogs. Kumaway pa sa kanya ang lalaki nang makalabas sila ng club na nasa isang sulok ng Quezon City.
Kaagad na nagpara ng taxi ang dalawa at nagpahatid sa pinakamalapit na gotohan sa Quezon Avenue. Kumain muna sila, pagkatapos ay muling nag-abang ng taxi at nagpahatid sa Taft Avenue. Pagkaraan ng beinte minutos ay bumaba na ang dalawa sa harap ng isang kilalang building—sa National Bureau of Investigation.
Alanganing oras na pero pinagbuksan pa rin ng gate sina Ryan at Alwyn. Sumaludo pa sa kanila ang guard na nagpatuloy sa kanila. Dere-derecho ang dalawa sa likurang bahagi ng compound, papasok sa isang tila dormitory-type na building. Pagdating sa loob ay isang may kalakihang kuwarto ang pinasok nila, kung saan tatlong lalaki ang naghihintay roon. Nasa conference table ang mga iyon, nagkakape habang nanonood ng international news sa cable. May ilang box ng donut din sa mesa.
“Laureno, kumusta ang lakad?” kaagad na bati ng isang lalaking may hawak na donut, si Allen.
Hindi sumagot si Ryan, sa halip ay nakasimangot na sumalampak sa sofa. Hinubad nito ang suot na sapatos, humiga saka pumikit.
Binalingan ni Allen si Alwyn, na noon ay magtitimpla sana ng kape. “Ano’ng nangyari sa lakad ninyo?” Hindi na muna itinuloy ni Alwyn ang pagtimpla ng kape.
“Ayun... ” Alanganin itong napatingin kay Ryan, tinatantya kung ano ang sasabihin o kung paano magkukuwento.
“Anong ’ayun? Ano nga?” Lumapit ang isa pa nilang kasama na katatapos lang magkape, si Kutz.
“Napasubo ng sayaw si Ryan.” Bahagyang lumayo si Alwyn sa sofa. Mahirap nang matadyakan.
“Sumayaw? Tapos?” Interesado na ang tatlong lalaking nasa loob ng kuwartong iyon. Lumapit pa sila kay Alwyn habang panaka-naka ay sinusulyapan ang nakapikit na si Ryan sa sofa. Wala pa rin itong reaction.
“Eh, medyo... ano... ” Napakamot ng ulo si Alwyn. “Iba pala ang gagawin sa stage kaya ’ayan.” Humina ang boses nito, isinenyas si Ryan. “Bad trip yata.”
“Ano pa ba ang ipinagawa?” Halos pigil na ang hininga ng tatlo. Muling sumenyas si Alwyn at pabulong na nagsalita. “Naka-brief lang,” anito.
Nanlaki ang mga mata ng tatlo, sabay tingin kay Ryan.
“Nag-strip dance?” di-makapaniwalang tanong ni Bruce. Naubos nitong bigla ang lamang tubig ng hawak nitong baso.
“Sumayaw si Ryan ng nakahubad sa stage?” ulit ni Allen.
“Me choice ba ako?” Biglang nagdilat ng mga mata si Ryan. “Muntik na akong mamatay sa hiya kanina! Sabi na nga ba, duda ako sa assignment na ito! Shit talaga!”
Di napigilan ng tatlo ang mapahalakhak. Halos gumulong ang mga iyon sa katatawa. Hindi nila ma-imagine ang ginawang pagsasayaw sa stage ng kasamahan nang naka-brief lang. Mayamaya, pati si Ryan ay natawa na rin. Nakahinga nang maluwag si Alwyn. Kanina pa siya kinakabahan dahil baka kabugin na siya ni Ryan dahil sa pagkukuwento niya ng nangyari sa bar. Nagtimpla ito ng dalawang tasa ng kape, ang isa ay ibinigay kay Ryan.
“Bakit naman kasi ako pa ang napili sa assignment na ito. Marami namang puwede,” himutok ng binata habang umiinom ng kape.
“Dahil ikaw ang best choice sa assignment na ito.” Napaigtad ang lahat nang marinig ang boses ng nagsalita.
“Sir.” Napatayo si Ryan at nagbigay-galang sa bagong dating. “Alam kong hindi mo kami bibiguin sa misyong ito, Agent Laureno.”

BINABASA MO ANG
AGENT OF MY HEART
Chick-LitPublished by Bookware, 2006 Macho dancer meets young matrona. Ano nga ba ang kapalarang naghihintay sa kanila? Pero ang tanong- totoo nga ba ang pakilala nila sa isa't isa? Paano kung pareho lang pala silang nagpapanggap? Alamin! Happy reading...