Special Chapter: Tyler's POV Part 4

88 1 1
                                    

Sa parehong araw na iyon ay ipinakilala ko si Josiah sa mga kapatid ko. Naikukuwento ko siya sa kanila kaya alam kong magugustuhan at matatanggap nila si Josiah para sa akin. Mababait ang mga kapatid ko at hindi mapanghusgang mga tao. Hindi tulad ng magulang ko lalo na ni Mommy.

Hindi ko inaasahang maaabutan nila kami sa bahay. Hindi ko nagustuhan ang mga sinabi ni Mommy pero sabi nga ni Josiah ay nanay ko pa rin siya. Hindi ko alam kung kailan nila ako mapapatawad. Ayoko namang umalis sa bahay kahit ako na ang humahawak ng trust fund ko. Umaasa pa rin akong magkakaayos kami kahit pakiramdam ko ay ang reputasyon nila at ang apelyido nila ang mahalaga sa kanila.

Hindi ko maalis sa isip ko ang sinabi niya. Ganoon na lang ang hiya ko kay Josiah pero inintindi niya ang lahat at hindi nagsalita laban sa pamilya ko. Lalo akong napapamahal sa kanya dahil sa mga bagay na ginagawa niya tulad nito. Alam kong nasaktan siya sa mga narinig niya pero pinili niyang umintindi.

Hindi nagtagal ay nagising na ang Mama ni Josiah. Pupunta raw ito sa Palawan pero ipinagpaliban iyon dahil sa nalalapit na debut ni Josiah Grace. Alam kong ang Mama niya ang madalas na maglalakad ng mga para sa debut pero hindi ko hinayaan iyon dahil makakasama sa kalusugan niya ang mapagod. Tinawagan ko ang kilala kong event organizer at pinakiusap sa Mama ni Josiah Grace. Wala na silang dapat gawin kundi ang pumili nang pumili ng mga kailangan.

Malapit na ang Grand Ball pero hindi ko pa rin nayayaya si Josiah Grace maging kapareha ko. Tinawagan ko si Kuya Christopher para magpatulong.

"You should have called Yuri," sabi nitong medyo nagbibiro. Natawa ako sa sagot niya nang sabihin ko kung bakit ako tumawag.

"Siya lang ang mag-aasikaso lahat kung siya ang tinanong ko. Kilala mo si Ate Yuri, Kuya," napapailing na sabi ko kahit hindi ko siya personal na kausap. Natawa siya at sinabing tama ako.

"To answer your question," umpisa niya at hinintay ko ang sunod niyang sasabihin. Saglit siyang nag-isip bago sabihing, "Make something grand and unforgettable. Like you are asking her to be your girlfriend." Napangiti ako at nakaisip agad ng gagawin ko. Nagpasalamat ako sa kapatid ko bago magpaalam. May dapat akong asikasuhin.

Sa totoo lang, alam kong sumobra ang mga ginawa ko para sa pagtatanong kay Josiah Grace kung puwede ko siyang makapareha sa Grand Ball. Hindi ko lang talaga napigilang gawin lahat ng iyon. Mula sa pagpapaalala sa mga nangyari noong una kaming magkakilala hanggang sa pagkanta ko sa break ng basketball finals at ang pagtatanong ko sa kanya sa maraming tao kung maaari ko siyang makasama sa Grand Ball. Hindi siya sanay sa ganoon pero gusto kong maramdaman niyang espesyal siya at walang katulad.

Gabi ng Grand Ball ay may mga dapat akong gawin. Kailangan kong kausapin ang undercover agents para sa nalalapit na annual fight. Kailangan ko ring ayusin ang pagbook sa flight nila lola. Kakausapin ko rin ang kompanyang pinapasukan ni Kuya Lance para ipagpaalam siyang makapagbakasyon kahit saglit lang para sa birthday ni Josiah Grace. Hindi ko talaga sinasadyang mahuli sa pagpunta. Hindi ko rin naman inakalang tatapat sa araw ng Grand Ball ang lahat ng mga dapat kong gawin. Dahil ayoko namang mag-isa si Josiah, tinawagan ko si William at pinakiusapang sunduin si Josiah Grace sa kanila para dalhin sa Grand Ball.

"Hindi ka pupunta?" May himig ng galit na tanong nito sa akin. Hindi ko naman puwedeng sabihin sa kanya ang mga dahilan ko. Napapikit ako at napabuntong-hininga. Bakit ba kasi napakarami kong itinatago? Matapos lang talaga ang lahat ng ito ay mamumuhay ako nang payapa at walang kumplikadong bagay na dinadala. 

"May mga gagawin lang ako. Darating ako sa Grand Ball," sabi ko sa kanya pagkaraan ng ilang sandali. Hindi ko alam kung tama bang ipinagkakatiwala ko si Josiah Grace sa lalaking ito pero kung tutuusin, siya lang talaga ang kayang ipagtanggol at alagaan si Josiah Grace. Hindi man tulad ng pagprotekta ko sa kanya, pero alam kong gagawin ni William ang lahat para sa kanya.

Ang Kuwento ng Isang TabachoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon