Voiceless (Part 2)

405 2 1
  • Dedicated kay Marcelle Valeroso
                                    

I want to go home. Leave all these troubles around me. No one just hears me here. But I can't. And you are the reason why.

***June's POV***

Asaan ka na ba Mai-mai? Umuwi na tayo.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin mahanap si Mai-mai. Hindi ko kayang humarap kay Nanay na wala siya sa tabi ko. Wala na akong pakialam kung abutin pa ako ng mga araw, linggo, buwan o kahit pa taon sa paghahanap sa kanya. OO, kahit TAON pa. Hindi, hindi ako uuwi nang wala pa ang kapatid ko.

Hindi ko na alam kung gaano ako katagal dito sa kalsada. Noong nagkahiwalay kami ni Mai-mai ay hindi ako tumigil sa paghahanap sa kanya. Nang minsan, hinuli pa ako ng mga pulis dahil inakala nilang kasama ako sa mga magnanakaw na bata. Sinakay nila kaming lahat sa isang mahabang sasakyan. Akala ko nga, ikukulong na nila ako. Pero mas malala pa pala ang sinapit ko...

Sa DSWD nila kami dinala. Masasama silang mga tao. Hindi sila naniniwala na hindi naman talaga ako kasama sa grupong iyon ng mga bata. Sinubukan kong magpaliwanag ngunit hindi nila ako pinakinggan. Pakiramdam ko walang mapapala ang boses ko sa kanila. Tuluyan na akong nawalan ng pag-asang madidinig nila ang boses ko. Sarili lang nila pinaniniwalaan naman nila eh.

Hindi pa doon nagtatapos dahil ang sunod na pinagdalhan sa amin ay sa orpanej daw ata tawag doon. Hindi ko lang alam pero ayaw ko doon. Kinukulong kaming mga bata. At kung anu-anong pinapagawa sa amin na hindi namin gusto. Mabait lang sila sa mga pulis at sa ibang matatandang tao, akala mo kung sinong anghel kung makapagsalita. Ngunit kapag kami na ang kaharap, lumalabas ang tunay nilang kulay. Mga halimaw. 

Gabi-gabi na noon at kailangan na daw namin matulog. Pero ayaw ko. Hindi ko magawang matulog dahil nag-aalala ako para kay Mai-mai. Baka nagugutom na iyon. Iyak ako ng iyak ngunit tahimik lang.

Akala ko ako na lang ang gising noon ngunit hindi pala. May mga narinig akong mga yapak ng tsinelas kaya bumangon ako upang makita kung sinong papalapit sa akin. Mga bata na mukhang matatapang. Lumapit sila sa akin. "HOY BATA! Ibigay mo yang pera mo sa amin kung ayaw mong masaktan!" Sigaw noong pinakamalaki. Hawak ko pa rin pala ang boteng naglalaman noong mga pinag-ipunan namin ni Ate. Hindi nila ito pwedeng kunin sa akin. Pinaghirapan ito ni Ate. Niyakap ko pa ito ng mahigpit.

At dahil sa ginawa ko, nagalit sila at hinila ako mula sa kama ko at itinapon ako sa sahig. Nakayuko lang ako at mahigpit pa ring yakap-yakap ang bote. Hindi ko hahayaang makuha nila ito. Kay Ate ito.

Lumapit sila sa akin at pinagsisipa ako sa tagiliran. Masakit. Sobrang sakit. Pero hindi dapat ako sumuko. Tulong! Kailangan ko ng tulong!

"AAAAHHH!" sigaw ko. Pero hindi pa rin sila tumigil. May lumalabas nang kung ano sa bibig ko na maalat at ang sakit na ng katawan ko. Nanghihina na ako. Asan na ang tulong? Bakit walang pumipigil sa kanila?

Biglang bumukas ang pinto ng kuwarto naming mga bata at lumiwanag sa paligid. Tumigil sila sa ginagawa nilang pagsipa sa akin. Nagsalita ang matatandang ale na namamahala sa lugar na ito, "SINO ANG SUMIGAW KANINA AT NANG-ISTORBO SA TULOG KO?!!"

Lahat ng mga nanakit sa akin ay itinuro ako. Kalunos-lunos pa ang itsura ko noon na nakadapa sa sahig. Hinang-hina na ako. Sa wakas, dumating na ang tulong ko. Hinawakan niya ako sa kamay. Akala ko ay tutulungan niya ako ngunit hindi...marahas niya akong hinila patayo at hinawakan pa ako ng mahigpit sa panga ko at sinigawan ako, "IKAW!!! PALAMUNIN KA NA NGA, ISTORBO KA PA!!!" Tapos nakita niya ang boteng hawak ko. Kinuha niya ito.

"Huwag niyo pong kunin iyan! Sa-" hindi ko natapos ang sinasabi ko dahil sumingit na siya. "CHE! Pambayad mo ito sa mga pinapakain sa iyo dito! Kulang pa nga ito eh!

" Pero-"

"Oh ano?! Aangal ka pa?!! Sige, sinusubukan mo ako?! Halika! Parurusahan kita para magtanda ka!" Hinila niya ako palabas ng kuwarto. Ang sakit ng hawak niya pero hindi ako makaangal. Naiiyak na talaga ako. Dinala niya ako sa kusina. Kumuha siya ng bilao at naglagay ng mga monggo doon. "Lumuhod ka diyan!" utos niya sa akin. Wala akong magawa kundi ang sumunod. Ang sakit! Ayoko na. Naglagay pa siya ng dalawang kalderong may laman na tubig sa mga kamay ko. "HINDI KA MAKAKAALIS DIYAN HANGGA'T HINDI MO PINAGDUDUSAHAN ANG PAG-ISTORBO MO SA TULOG KO! SUBUKAN MO LANG UMALIS DIYAN, MALILINTIKAN KA SA AKIN!!" tapos niyon ay iniwan na niya ako.

Akala ko may tulong na darating. Akala ko may makakarinig sa akin. O kahit man lang kalinga. Wala na. Pare-pareho lang pala sila. Mga walang puso. Hindi na ako aasa sa ibang tao. Simula sa araw na ito. Lalaban na ako. Hindi na ako maapi kahit kailan. Pati pera ng Ate, kinuha nila. Maghihiganti ako!

Unti-unting nawala ang kainosentehan. Unti-unting namuo ang galit. Unti-unti... naging mas palaban.

Simula noon, hindi na ako nagpaapi. At hindi na nila ako muling nagapi. Nang minsan ay nakalimutan ng guwardiyang ikandado ang tarangkahan. Iyon na ang pagkakataon na makatakas ako. Ayoko na sa lugar na iyon. Ayoko na.

Kumusta na kaya si Mai-mai? Sana hindi kasing saklap ng naranasan ko ang sinapit niya.

***

(to be continued)

You Changed my LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon