Nang makatanggap na ng signal mula sa kapulisan na maayos na sa labas at wala nang banta ay mabilis na lumabas ang magbabarkada sa tinutuluyan nila para magtungo sa ospital kung nasaan ang Mayor. Mabilis nilang narating ang pribadong kuwarto ng Mayor. Tila nabunutan ng tinik sa dibdib si Gelo nang mapag-alamang gising at nakangiti ang kanyang ninong.
"'Nong!" Salubong pa ni Gelo sabay karipas papasok sa kuwarto habang nakasunod naman sa kanya ang kanyang mga kaibigan. "Buti naman po at ayos lang kayo."
Ngumiti ang Mayor bago sumagot, "Masyado mo ata akong minamaliit?" Tumawa nang bahagya ang magkakaibigan bago nagpatuloy ang Mayor, "Ayos lang ako, Gelo, huwag kang mag-alala. Ako ang nag-aalala sa inyo, kumusta kayo? Naku baka sugurin ako ng parents niyo 'pag may nangyaring masama sa inyo."
"Don't worry, Mayor. Ayos lang naman po kami. Thankful po kami sa mga pulis at sundalo kasi inalala po nila agad kami," sagot naman ni Gelo. Nagkuwentuhan pa sila saglit bago nagpaalam ang magkakaibigan na umalis. Sa daan paalis sa ospital, hindi maiwasan ni Rico na mapansin ang ilang mga tao na sugatan at ang ilan pa'y walang malay dulot ng naging kaguluhan sa plaza na nag-iintay sa mga pasilyo ng ospital.
Natigilan siya nang makakita ng pamilyar na hitsura sa loob. Nang mapagtantong siya ang babaeng susundan niya dapat sa plaza ay agad siyang sumigaw para kunin ang atensyon ng babae. Napatingin sa kanya ang babae na nanliit ang mga mata nang makita siya. Kinawayan siya ni Rico at nang mapagtanto ng babaeng siya ang kinawayan ng binata ay agad tumungo ito para ibaba ang sombrero at mabilis na naglakad palayo.
Sinubukang habulin ni Rico ang babae ngunit hindi na niya ito naabutan.
"Sino ba 'yon?" kunot-noo pang tanong ni Arman. "Hindi ko pa alam," tugon naman ni Rico.
"Ang hina mo naman, bro. Mukhang nangangalawang ka na sa chicks ah," sabay akbay pa ni Albie kay Rico.
Natawa lang nang bahagya si Gelo bago magsalita, "Oh tama na 'yan. Tara na, naghihintay na 'yong driver." Mabilis namang sumunod ang magkakaibigan at umuwi na.
Kinabukasan, diskusyon pa rin sa magkakaibigan ang naging kaguluhan sa plaza.
"Alam mo, pakiramdam ko may kinalaman don'n 'yong mga nakita nating nagra-rally kahapon. Baka sa galit nila, gusto nila ipatumba si Mayor," spekulasyon pa ni Albie habang ngumangata ng mansanas.
"Nanisi ka pa! Eh kung itutumba nila 'yong Mayor, ba't pa sila nag-rally? Nakapunta na ako dito dati, mababait karamihan ng tao dito lalo na 'yong farmers," sagot pa ni Gelo na ipinagkibit-balikat lang ni Albie.
"Baka aswang! Baka nag-hire 'yong mga aswang ng gunman para ipatumba si Mayor at maging warning para itigil 'yong hunt down sa kanila," namimilog pa ng mga mata ni Arman habang nagsasalita.
Napatingin ang magkakaibigan kay Arman. "Aswang. . . nag-hire ng. . . gunman? Wild, pare," tugon ni Albie. Inakbayan ni Gelo ang kaibigan na si Arman bago magsalita, "Kung ano man 'yang tinitira mo pare, tigilan mo na 'yan. Kawawa mga magulang mo, pinapaaral ka nang maayos." Binatukan lang ni Arman si Gelo at nagtawanan silang lahat. "Tumigil na nga kayo. Ang mahalaga, safe si ninong. Sa liit ng bayang 'to, sigurado akong mahuhuli agad 'yon kung sino man 'yon."
Napatingin si Albie sa kaibigang si Rico. "Hoy ikaw, may hindi ka kinukwento ah," sabay ngisi pa nang mapang-asar. "Oo nga, sino ba 'yong babaeng sinusundan mo?" sabat pa ni Gelo.
Umiling lang nang nakangiti si Rico at iniwasan ang tanong ng mga kaibigan, "Wala 'yon. Sige na, mag-ayos na kayo. 'Di ba may lakad kayo?"
Ngumiti nang nakaka-asar ang magkakaibigan kay Rico. Inakbayan ni Arman si Rico sabay kutos, "Kailan ka pa natutong mag-sikreto ng babae ha?" At pinagtulungang asarin ng magkakaibigan si Rico.
BINABASA MO ANG
Naniniwala ka ba sa Aswang?
Mystery / ThrillerMga kaso ng pagpatay dahil sa. . . aswang? Apat na magkakaibigan ang piniling magbakasyon sa probinsyang malayo sa siyudad. Kilala na noon pa ang probinsya sa mga kwentong aswang ngunit hindi nila inakalang ito ang bubungad sa kanila. Puno ng kalmot...