Kabanata 14: Ang Paglusob

42 5 0
                                    

Tumatakbo ang mga binti ni Rico habang blangko ang utak. Tulala pa rin siya habang paulit-ulit na naririnig sa utak ang pagputok ng baril. Tumigil sila saglit nang makalayo na upang habulin ang paghinga.

Tulala pa rin, napasandal ang nanghihinang si Rico sa isang puno at dumausdos pababa upang umupo. Hinilamos niya ang mga nanginginig na mga kamay sa mukha sabay lagay sa batok at binaon ang mukha sa nakatuping mga tuhod upang pigilan ang tuloy-tuloy na paghikbi. "Ang tang* ko. Ang tang*-tang* ko," paulit-ulit niya pang bulong sa sarili habang hinahampas ang kanyang ulo.

"Rico, tama na," pagpapakalma pa sa kaniya ng mga kasama. Hinigpitan niya ang hawak niya sa buhok niya at sumigaw na puno ng galit. Bigla siyang tumayo na nagpa-alarma sa mga kasama niya. Akma na siyang tatakbo pabalik pero mabilis siyang napigilan ng dalawa sa mga kasama niya at buong lakas siyang pinigilan, "Rico, tama na!"

Tuloy-tuloy lang ang pagluha ni Rico habang nagpupumiglas. "Kasalanan ko 'to. Hindi ko na dapat pinilit. Ang tang* ko, ang tang*-tang* ko," paulit-ulit niya pang sambit. Pahina nang pahina ang boses niya kasabay ng lakas niya. Nang tuluyan na siyang manghina ay napayakap na lang siya sa isa mga kasama at binaon ang mukha sa balikat ng kasama upang lalong umiyak.

Ilang minuto pa'y tulala silang bumalik sa kuweba. Naka-abang ang nag-aalala nilang lider at tila nanghina nang makitang kulang ng isa ang bumalik. Namumula ang mga mata ni Rico, marahan siyang lumapit kay ka-Mael at lumuhod, "Sorry..." Tuloy-tuloy pa rin ang mga hikbi ng binata. Paulit-ulit niya itong sinabi nang nakaluhod at nakayuko at ilang saglit pa'y inangat siya ni ka-Mael upang yakapin nang mahigpit. "Wala kang kasalanan, bata. Desisyon ni Aliya na iligtas ka," habang hinihimas ang likod ni Rico upang pakalmahin ito. Hinawakan ng lider sa magkabilang balikat si Rico at hinarap sa kanya, "Kailangan mong mangakong babawiin mo siya. Mangako kang magtatagumpay 'yong plano natin bukas." Tumango bilang tugon ang humihikbi pa ring si Rico kaya niyakap siya muli ni ka-Mael nang mahigpit.

Kinabukasan, alas nuwebe ng umaga, nakapalibot na hindi lang ang mga sundalo't pulis kundi pati iba't-ibang media sa paligid ng munisipyo upang i-ere ang makasaysayang inagurasyon ng planong pagtatayo ng isang global city sa probinsya.

Unti-unti nang napupuno ang lugar. Kailangan ng opisyal na imbitasyon upang makadalo sa naturang event kaya naman napagplanuhan ng kilusang humalo sa staff sa tulong na rin ng ilang kasapi nilang nagsagawa ng inside job. Nahati ang kilusan sa grupo ng technical staff, mga kusinero, at lighting staff kung saan kabilang si Rico maging si ka-Mael.

May tatlong kalat na stock room sa buong munisipyo ang pinaglagyan ng mga armas na gagamitin nila. Kumpol na naglakad ang lighting staff patungo sa second-floor kung nasaan ang audio-visual room. May isang sundalong nakabantay sa entrada ng kuwarto na may bitbit na listahang sinisipat niya bago papasukin ang bawat miyembro.

"Pangalan?" tamad na tanong ng sundalo habang natungo pa rin sa listahan.

"Rico po," mabilis ngunit mahinang sagot ni Rico. Pilit niyang iniiwas ang mukha niya sa pag-asang hindi siya mamumukhaan.

"Rico?" nagkunot ng noo ang sundalo. "Walang Ricong nakalista dito."

Napalingon sa binata ang lider na nasa loob kasabay ng pagtingin sa kanya ng kinakabahang binata. Napatingin ang sundalo sa binata, "Walang Rico dito, hijo. Kasama ka ba nila?"

Kumaripas palapit ang lider upang hilahin palapit sa kanya ang binata. "Opo, sir. Kasama po namin siya. Bagong hire lang po kaya siguro hindi napasama sa listahan." Hindi pa rin nawala ang kunot sa noo ng sundalo kaya naman napahawak nang mahigpit si ka-Mael kay Rico. "Kung wala sa listahan, hindi pwedeng pumasok." Binaling ng sundalo ang tingin sa binata bago magpatuloy, "Halika, sumama ka sa'kin."

Naghigpit na rin ng hawak si Rico sa lider. Mas lalong nagtaka ang sundalo nang mapansing iniiwas ni Rico ang mukha niya mula sa kanya. "Hoy bata, humarap ka nga sa'kin."

Naniniwala ka ba sa Aswang?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon