Tila napagsakluban ng langit at lupa si Rico dahil sa narinig. Walang ano-ano'y tinunton niya ang daan palabas. Tinatawag siya ni Arman at tinatanong siya ng bawat pulis at sundalong masalubong niya sa labas kung saan siya pupunta ngunit tila wala siyang naririnig, ang tanging iniisip niya lang ay ang kawawang matanda. May inosenteng matanda ang pinagbibintangan sa kasalanang ginawa nila at tila namimilipit ang kanyang bituka tuwing iniisip ito.
Nakatulala lang si Rico ngunit tuloy-tuloy ang paggalaw ng mga binti niya na para bang may sarili itong utak at alam na nito ang daan kung saan dapat pumunta. "Rico!" Hawak ang magkabilang balikat ng binata mula sa harapan, inalog ni Arman ang kaibigan upang magising sa ulirat. "Saan ka pupunta?"
Nang makatakas mula sa magulong utak si Rico ay tsaka niya lang napansin na nasa labas na siya ng mansyon, pinalilibutan ng mga nagugulimihanang mga pulis at sundalo kasama ang kaibigan niyang si Arman. Binalik niya ang tingin sa kaibigan, hinawakan niya sa kuwelyo si Arman nang mahigpit at nilapit sa kanya para bumulong, "Hindi ako papatulugin ng konsensya ko oras na may mangyaring masama kay Lola Idet."
Nang makita ang namumulang mga mata ni Rico na sumisigaw ng takot at pagkabalisa, nawala ang kunot sa mukha ni Arman. "Anong gagawin natin?" bulong pabalik ni Arman sa kaibigan.
"Pupunta tayo doon. Tutulungan natin 'yong matanda," naginginig ngunit puno ng awtoridad na bulong ni Rico. Tinitigan siya ni Arman sa mga mata, nagbabadya ang mga luha, tingin na nagdadalawang isip sa gagawin nila. Naintindihan naman agad ni Rico ang pinahihiwatig ng kaibigan kaya hinarap niya ito nang masinsin, "Mas gugustuhin kong makulong kaysa mandamay ng inosente. Sasama ka ba sa'kin o hindi?" Nabasag ang boses ni Rico sa mga huling kataga.
Humugot ng malalim na hinga si Arman habang hindi pa rin pinuputol ang titig sa mga mata ng kaibigan. Nanginginig ang mga kamay, marahan niyang tinanggal ang pagkakawahak ni Rico sa kanyang kuwelyo at mahigpit na hinawakan ang mga kamay ng kaibigan. "Kaibigan kita Rico kaya mahal kita. Pero Rico, masyado pa tayong bata para makulong. Marami akong mga pangarap, Rico. Sana maintindihan mo ako."
Nagkunot ng noo si Rico at agresibong binawi ang mga kamay sa kaibigan. Para kay Rico, si Arman ang pinakamabait sa kanilang magkakaibigan at ang tingin niyang pinakamakakaintindi na hindi tama ang nangyayari pero nagkamali siya ng akala. "Sino ka?" marahang humahakbang paatras si Rico habang hindi makapaniwalang tinititigan ang kaibigan. "Rico," nanghihinang pagmamakaawa pa ni Arman upang subukang pigilan si Rico. "Huwag kang lalapit sa akin," mariing banta pa ni Rico.
Napansin na rin ng mga pulis at ilang sundalo na unti-unting lumalayo at dumidiretso ang binata sa daan palabas kaya marahan na rin nilang nilapitan ang binata. "Sir, utos po ni Mayor na wala munang lalabas sa inyo."
Nang mapagtanto ni Rico na balak siyang pigilan ng mga sundalo't pulis ay mabilis siyang tumalikod at kumaripas ng takbo palayo ngunit mabilis rin naman siyang nahawakan sa magkabilang braso ng ilang pulis sa malapit. Buong lakas siyang nagpumiglas, tinadyakan niya sa binti ang nakahawak sa kanang braso niya at nang mabawi ang braso ay buong puwersa niya namang binawi ang kaliwang braso at tinulak ang isa pang pulis na nakahawak sa kanya. Nang makalaya sa pagkakahawak ay nagpatuloy siya sa pagtakbo hanggang sa nahirapan na ang mga pulis at sundalong habulin siya. Pumasok siya sa kakahuyan upang hindi siya mahabol gamit ang sasakyan ng kapulisan.
Tinakbo niya ang daan sa kakahuyan at hinayaan niya lang na dalhin siya ng mga binti saan man siya abutin. Ilang saglit pa'y tumigil siya upang habulin ang hinga nang mapagtantong wala nang nakabuntot sa kanyang mga pulis o sundalo. Nilibot niya ang paningin sa paligid upang tignan kung nasaan na siya at nang mapagtantong pamilyar ang lugar ay mabilis niyang binaybay ang natatandaang daan patungong tahanan ni Lola Idet.
Nang makarating na sa lugar ay nadatnan niya ang kumpol ng mga taong nakapalibot upang makiusyoso sa nangyayari. Siniksik niya ang kumpol ng mga tao upang makapunta sa harap at natigil lang siya ng dilaw na linya ng mga pulis na nakapalibot sa buong bahay. Wala na doon ang bangkay ngunit nakita niyang ginuhitan ang puwesto ng bangkay sa gilid ng bahay. Maraming mga imbestigador ang nakapalibot sa buong bahay upang i-dokumento ang krimen.
BINABASA MO ANG
Naniniwala ka ba sa Aswang?
Mystery / ThrillerMga kaso ng pagpatay dahil sa. . . aswang? Apat na magkakaibigan ang piniling magbakasyon sa probinsyang malayo sa siyudad. Kilala na noon pa ang probinsya sa mga kwentong aswang ngunit hindi nila inakalang ito ang bubungad sa kanila. Puno ng kalmot...