Kasabay ng paglakad palayo ng Mayor ang pagtulo ng luha sa mga mata ni Rico dahil sa kawalang pag-asa. "Bata, ba't ka naman kasi kumakalaban ng Mayor." Natawa nang bahagya ang hepe ng kulungan sabay iling at balik sa puwesto niya. Pabagsak na napasandal ang binata sa dingding ng selda dahil sa sama-samang pagod, gutom, at sama ng loob dahil sa nangyari. Hindi niya na napigilan pa ang tuloy-tuloy na agos ng luha niya habang nakatulala sa kawalan.
Hindi na namalayan ng binata na naka-idlip siya saglit at nagising na lang nang may narinig na nagwawala sa malapit. May nasa tatlong tao ang nagpupumiglas na pinasok ng mga pulis sa kabilang selda. Nagkuskos ng mata ang binata upang mas malinaw na makita ang mga mukha ng mga taong iyon.
Namilog ang kanyang mga mata nang mapagtantong pamilyar ang mga mukha nila. Lahat iyon ay nakita niya sa kubo, ang mga tao sa likod ng pag-ambush sa Mayor. Isa sa tatlo ay ang lider ng grupo, si ka-Mael. Doon lang din napansin ni Rico na bukod sa tatlong kakapasok lang, naroon na rin sa mga katabing selda ang ilan pang pamilyar na mukha na kasapi ng kilusan nila.
Napatagal ang titig ni Rico dahil sa gulat kaya naman nakuha niya ang atensyon ni ka-Mael. "Psst, dayo!" tawag pa sa kanya ng lider habang nakakunot ang noo. "Anong ginagawa mo dito? Tsaka paano ka nakatakas kay Aliya?" pabulong ang sigaw ng lider upang hindi naman matawag ang atensyon ng mga pulis.
Tila nagising si Rico at madaling lumapit upang pabulong ring sumigaw. "Pinatakas ho ako ni Aliya."
Mas umigting ang nagugulimihanang ekspresyon ng lider, "Pinatakas? Bakit?! Eh ikaw dapat ang collateral naming ngayong pumalpak ang plano?"
"Mahabang kwento ho. Pero, huwag ho kayong mag-alala, kakampi niyo ho ako."
Hindi makapaniwalang tinitigan ni ka-Mael ang binata, "Wala akong pake kung kakampi ka naman o hindi. Ang problema ko, paano kami aalis ngayon dito?" Napatungo sa hiya ang binata dahil sa narinig. Ilang segundo pa ng katahimikan bago ito binasag ng lider, "Bakit ka nandito?"
Agad na napa-angat ng tingin si Rico upang siguruhing siya ang kausap ng lider. "Sinabi ko ho lahat ng alam ko. Sinubukan kong isumbong si Mayor pero kinulong ako." Napangiwi sa narinig ang lider, "Wala kang kakampi dito, dayo. Dapat hindi ka basta-basta nagtiwala."
Kahit nagdadalawang-isip ay humugot ng lakas ng loob si Rico upang magtanong pabalik, "Kayo? Paano ho kayo nahuli?"
Bumuntong hininga ang lider bago sumagot, "Napaligiran kami ng mga pulis. Mas marami sila sa amin kaya hindi kami nakalusot at hindi namin nagawa 'yong plano."
"S-Si Aliya po?" nanginginig pa ang boses ng binata. Bumunot muli ng malalim na hinga si ka-Mael, "Siya ang inuna naming pinatakas dahil ang buong akala ko, hawak niya 'yong pwedeng maglabas sa'min sa kulungang 'to. Ngayon, hindi ko na alam ang mangyayari. Pero may tiwala ako sa batang iyon. Makakahanap 'yon ng paraan—"
"Hoy! Walang mag-uusap!" galit na putol pa sa kanila ng hepe nang mapansin ang pag-uusap nilang dalawa. Sinunod naman agad ito ng dalawa at tahimik na tumulala sa kaniya-kaniya nilang kinalalagyang selda.
Tahimik na nagmumuni-muni lang ang binata nang magising siya ng malamig na tubig na humampas sa mukha. "Nandito na pala 'tong gag*ng 'to ah. Hoy!" binatukan siya ng kakarating lang na pulis, isa sa mga pulis na huhuli na dapat kay Lola Idet ngunit pinigilan ng binata. "Naisahan mo akong gag* ka ah. Ginamit-gamit mo pa pangalan ng Mayor para iligtas 'yong matanda tsaka mataray na babaeng 'yon ta's babaligtad ka rin naman pala." Napatingin ang lider kay Rico sa narinig. Hindi na nakaimik si Rico at tumungo na lamang habang pinagmumumura siya ng pulis. "Bob* ka rin kasi. Kinalaban mo ang Mayor para ano? Para kampihan 'tong mga k*pal na 'to?!" sabay turo sa kabilang selda kung nasaan ang mga miyembro ng kilusan kasama si ka-Mael. "Tatang*-tang* ka. Nayon, mabubulok ka sa kulungan, gag*," sabay halakhak nang malakas.
BINABASA MO ANG
Naniniwala ka ba sa Aswang?
Mystery / ThrillerMga kaso ng pagpatay dahil sa. . . aswang? Apat na magkakaibigan ang piniling magbakasyon sa probinsyang malayo sa siyudad. Kilala na noon pa ang probinsya sa mga kwentong aswang ngunit hindi nila inakalang ito ang bubungad sa kanila. Puno ng kalmot...