Kabanata 9: Bahala na si Mayor

41 5 0
                                    

Blangko ang mukha ng Mayor habang tinititigan ang lumuluha at namumulang mga mata ni Gelo. Binaba niya ang tingin sa duguang bibig ng binata bago marahang naglakad palapit sa bangkay. Sinundan lamang siya ng tingin ng magkakaibigang natatakot at naguguluhan sa nakikita.

Nang makalapit ay agad na may binunot ang Mayor mula sa bulsa nito. Nag-abot ng panyo si Mayor kay Gelo. Tinitigan ni Gelo ang panyo gamit ang nagugulimihanang mga mata.

"Punasan mo 'yang bibig mo," kalmadong sambit ng Mayor. Inangat ni Gelo ang tingin sa mga mata ng Mayor bago nanginginig na inabot ang panyo at marahang pinunasan ang mukha.

Marahang inikot ng Mayor ang bangkay upang lalo itong pagmasdan habang nakapako pa rin sa mga puwesto nila ang magkakaibigan, tila namimilipit ang mga dila at walang lakas ng loob na bumulalas ng kahit isang salita. Binunot ng Mayor mula sa bulsa ang kanyang cellphone upang buksan ang flashlight nito at tignan nang mas mabuti ang hitsura ng bangkay.

"Anak pa talaga ni Councilor Guzman, tsk." Umiling pa ang mayor bago pinatay ang flashlight at binalik ang cellphone sa bulsa. Sumenyas siya sa pinanggalingang SUV at pagkatapos ay may lumabas na nasa limang private bodyguards ng Mayor. Mabilis na kumilos ang mga bodyguard bitbit ang isang malaking itim na body bag at maingat na pinasok doon ang bangkay.

"Ano pong nangyayari?" naguguluhan pang tanong ni Gelo gamit ang nanginginig na boses. Huminga nang malalim ang Mayor bago sumagot, "Makinig kayo sa'kin. Kargo ko kayo, bitbit niyo pangalan ko kaya damay ako sa kung anumang gawin niyo. Ako na ang bahala dito. Ang kailangan niyo lang gawin ngayon ay manahimik at kalimutan na nangyari 'to. Naiintindihan niyo?"

"Paano niyo nalaman na nandito kami?"

Napangiti ang Mayor sa tanong ni Gelo, "Gelo, may mata ako sa buong probinsya."

"Hindi niyo po kukuwestiyonin 'yong ginawa namin?" Masinsin na tinitigan ni Gelo ang Mayor. Napawi ang ngiti ng Mayor bago magsalita, "Bakit ko naman kukuwestiyunin 'yong paborito kong inaanak?"

Aabutin pa dapat ng Mayor ang pisngi ni Gelo upang haplusin ngunit umiwas ang naginginig na si Gelo at pahakbang na umatras. Napansin ng Mayor ang pag-atras ng inaanak at marahang binawi ang kamay. Nilibot niya ang paningin sa magkakaibigang hindi pa rin makapagsalita dahil sa takot. "Tandaan niyo. walang nangyari ngayong gabing 'to. Pagkatapos ng sayawan, umuwi kayong lasing at natulog nang mahimbing."

Tumalikod ang mayor at bumalik na sa sasakyan niya. Kasabay ng pag-alis ng SUV ng mayor ay pagdating ng isa pang SUV upang sunduin sila. Lumabas ang driver ng SUV at naglabas ng nasa tatlong galon ng tubig mula sa compartment ng sasakyan. "Hubarin niyo ho ang damit niyo at hugasan niyo ang sarili para 'di malagyan ng dugo ang kotse. May mga damit na ho sa loob para pamalit niyo."

Nagtinginan ang mga nanghihinang magkakaibigan, hindi makapaniwala at tila naguguluhan pa rin sa nangyayari.

"Pakibilisan niyo na lang ho, malapit na rin ho kasing magliwanag."

Kahit nanginginig pa rin ay sinunod ng magkakaibigan ang tinuran ng driver. Walang nagsalita sa magkakaibigan hanggang makabalik sila sa tinutuluyan.

Nang makarating na sa mansyon ay sa likod sila pinadaan upang iwasan ang mga pulis at sundalong nakabantay sa tapat ng mansyon. Pagpasok nila sa mansyon, narinig nilang sinara agad ang pinto at ni-lock mula sa labas.

Madilim ang buong bahay at ang tanging nagpapaliwanag lang rito ay ang ilaw mula sa labas na tumatagos sa bahagi ng mga bintanang hindi tuluyang natatakpan ng mga kurtina. Napako sa mga puwesto nila ang magkakaibigan. Nanatiling tahimik, pinoproseso ang nangyari.

"Pagtatakpan ni Mayor 'yong ginawa natin?" pabulong na pagbasag ni Albie sa katahimikan.

Binaling ng magkakaibigan ang tingin sa balisang si Albie. Hindi pinansin ni Gelo ang tanong ni Albie at nagsalita, "Alam kong pagod na kayo pero maligo muna kayo. Kuskusin niyo 'yong mga katawan niyo hanggang sa mawala lahat ng bakas." Agad na naglakad palayo si Gelo at dumiretso sa kuwarto niya.

Naniniwala ka ba sa Aswang?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon