Kinabukasan ay puspusan ang paghahanda ng kilusan. Ang ilan ay nag-eensayo sa paghawak ng mga armas, ang ilan ay naghahanda ng sapat na mga armas, ang ilan ay inatasang ipaliwanag nang mas detalyado ang plano sa lahat ng kasapi ng kilusan, at ang ilan ay naka-toka sa daloy ng impormasyon at tuloy-tuloy na inaalam ang mga detalye tungkol sa gaganaping inagurasyon.
Lahat nang ito ay kinailangang pagdaanan ni Rico bilang baguhang kasapi ng kilusan. Pagpatak ng tanghali, habang nananghalian, ay nagdadalawang-isip si Rico na kausapin si Aliya. Nanginginig ang mga tuhod, kinakalkula niya ang mga salitang sasabihin kay Aliya habang nilalaro ang pagkain. Bahagya siyang napatalon sa gulat nang maramdamang tumabi sa kanya ang dalaga.
"Kung hindi mo kakainin 'yan, ibigay mo na lang sa iba habang mainit pa."
Napalunok lang si Rico bago sumagot, "Sorry." Agad na sumubo ng pagkain si Rico. Akma na sanang tatayo si Aliya nang hawakan ng binata ang braso niya upang pigilan siya. Napatingin si Aliya sa braso niya at pagkatapos ay nag-angat ng tingin kay Rico, "Anong meron?"
Kapansin-pansin ang panginginig ni Rico na nagdadalawang-isip pa rin sa gustong sabihin kaya naman hinawakan ni Aliya ang kamay niya, "Kumalma ka. Anong meron?"
Nilunok niya ang kinakain bago humugot ng lakas na loob na magsalita, "Naaalala mo ba 'yong isa sa mga dahilan ng pagsali ko dito?" Hindi na nagsalita pa si Aliya at hinintay na lang ang binatang dugtungan ang sinasabi.
"Natatakot ako na 'pag nahuli si Mayor, hindi garantisado na makakawala nang ligtas 'yong mga kaibigan kong naiwan doon."
"Anong gusto mong gawin namin?"
Napalunok muli ang binata bago sumagot, "Kung pwede sana, i-rescue muna natin 'yong mga kaibigan ko ngayong gabi. Promise, malaki matutulong nila sa gagawin natin bukas!"
"Sapat na 'yong mga tao natin. Hindi na natin kailangan ng dagdag." Hindi nagbago ang ekspresyon ng dalaga.
Natigilan ang binata saglit bago nagpatuloy muli, "Baka kasi kung ano nang ginawa sa kanila doon. Kailangan ako ng mga kaibigan ko." Bakas ang pagmamakaawa sa tono ng binata.
"Anong gusto mong gawin? Magsayang ng mga bala, i-risk ang buhay ng mga trained na miyembro ng kilusan kapalit ng mga kaibigan mong duwag at bano pagdating sa giyera?" Dire-diretso ang monotonong sambit ng dalaga. Walang bakas ng awa ang mga mata niya dahilan para makaramdam ng kirot sa puso ang binata.
Hindi na nakaimik si Rico sa sinabi ni Aliya. Ngumisi si Aliya bago muling magsalita, "'Yon na 'yon? Suko ka na agad? Wala pang dalawang minuto, sinukuan mo na 'yong mga kaibigan mo?"
Nag-angat ng tingin ang nagugulimihanang si Rico, "Anong gusto mong sabihin ko?"
Nagkibit-balikat si Aliya, "Aba malay ko. Pake ko sa mga kaibigan mo? Ang sinasabi ko lang, mukhang hindi naman pala gano'n ka-importanteng iligtas ang mga kaibigan mo kung gan'yan ka kadaling sumuko." Tumayo na ang dalaga at iniwan ang naguguluhan pa ring si Rico.
Napaisip si Rico sa sinabi ni Aliya. Naisip niya ang mga mukha ng mga kaibigan niyang takot at humihingi ng tulong. Humugot siya ng malalim na hinga bago nilibot ang paningin upang hanapin si ka-Mael. Nang makita si ka-Mael ay daglian siyang tumayo at dumiretso sa lider. Mula sa malayo ay sinundan siya ng tingin ni Aliya na napangisi habang pinapanood ang binata.
"Ka-Mael," seryosong tawag ni Rico ng pansin sa lider. Agad namang napalingon si ka-Mael kay Rico at hinintay ang sunod na sasabihin ng binata. "Nag-aalala po ako sa mga kaibigan ko. Gusto ko pa sanang tanungin kung matutulungan niyo akong iligtas muna sila mula sa puder ni Mayor mamayang gabi."
Seryoso siyang hinarap ng Mayor bago muling magsalita, "Sapat lang ang mga bala natin at armas para sa plano bukas. Isa pa, mahirap isugal ang buhay ng mga miyembro natin para sa dalawang tao. Kuta ng kaaway 'yong gusto mong pasukin."
