Kahit hindi sigurado sa tinatahak na daan, tuloy-tuloy lang sa pagtakbo si Rico. Dapit-hapon na kaya nagsisimula na ring lamunin ng dilim ang paligid kaya mas binibilisan ni Rico ang pagtakbo. Nakakaramdam na ng pagod ang binata kasabay ng sakit ng ulo dahil sa puyat at gutom pero nang malapit nang sumuko ang sistema niya ay nagising siya nang makaaninag ng liwanag.
Sinundan niya ang liwanag na dulot ng bukana ng kakahuyan. Paglabas sa kakahuyan ay dali-dali siyang dumiretso sa highway at naghintay ng masasakyan. Ilang minuto pa'y may humintong tricycle para sa kanya. "Pakibaba na lang po ako sa—" pinaliwanag ng binata ang daan papunta sa tinutuluyan nila na agad namang nakuha ng driver.
Mga pulis at sundalong nakapalibot sa labas ng mansyon ang nadatnan ng binata pagdating sa tinutuluyan. Agad niyang tinunton ang papasok at halos hindi siya makahinga nang salubungin siya ng yakap ng mga kaibigan niya.
"Pare, anong nangyari sa'yo?!"
"Papatayin ako ng parents mo kung may nangyari sa'yong masama!"
"Huy magsalita ka naman!"
"Teka, hindi ako makahinga," ipit pa ang boses ng binata kaya pinakawalan na siya ng mga kaibigan. Pabagsak siyang umupo sa sofa dahil sa pagod at pinakausapan muna ang kasambahay na bayaran ang sinakyang tricycle bago magsalita, "Isa-isa lang..."
Pinaliwanag ng binata ang nangyari sa kanya sa mga kaibigan pati na rin sa mga pulis na kasama nila sa bahay.
"Angas bro," namimilog pa ang mga mata ni Albie. Binatukan siya ni Gelo, "Gag*!" Napahimas na lang si Albie sa ulo.
"Seryosong kaso po ito. Baka konektado po sa grupong tumatarget sa Mayor ang kumidnap sa inyo." Sinadyang tanggalin ng binata sa kwento niya na sila nga ang grupong nagplaplanong pumatay sa Mayor. "Kailangan niyo pong sumama sa'min sa presinto para maglabas ng official statement."
Pumayag naman agad ang binata at sinamahan siya ng mga kaibigan. Pinaalam na rin nila ang nangyari sa Mayor.
"Pasensya na Rico ah, pinagbabawalan pa akong lumabas ngayon para sa proteksyon ko. Don't worry, sa oras na mahuli na 'yong suspect sa ambush attempt sa'kin, makakasama niyo na ulit ako," sambit ng Mayor sa kabilang linya ng telepono. Bakas sa mukha ni Rico ang pagkabalisa, tumatak sa kanya ang mga sinabi ni Aliya. "Don't worry po, your safety is the priority naman," sabay ngiting-aso pa ni Rico bago sila nagpaalam sa isa't-isa.
Napansin ni Gelo ang inaakto ng kaibigan, "May problema ba Rico?" Mabilis namang umiling at ngumiti si Rico pero hirap pa rin siyang itago ang pagkabalisa.
Mag-isang pumasok si Rico kasama ang dalawang pulis at isang imbestigador sa isang kuwartong may mesa sa gitna at dalawang magkabilaang upuan. Matapos ang mga paunang tanong ng mga pulis ay may prinesenta silang folder sa binata na naglalaman ng mga litrato ng iba't-ibang tao. Napalunok ang binata at mas lalong bumilis ang pulso niya nang mahagip ang litrato nina Aliya at ka-Mael kasama na rin ang mga pamilyar na mukhang nakita niya sa kubo.
"Ilan lang 'to sa mga suspect sa ambush attempt sa Mayor, may namumukhaan ka ba sa kanila? Nandyan ba 'yong mga kumidnap sa'yo?"
Lumakas ang pagkuyakoy ng binata dahil sa nerbyos. Nanginginig ang mga kamay ng binata na nakatago sa ilalim ng mesa habang kinakalkula ang mga salitang sasabihin.
Napansin ng imbestigador ang pagpapawis ng binata kaya muli siyang nagtanong, "Hindi mo kailangang matakot. Ituro mo sa kanila kung sinong namumukhaan mo. Hindi ka mapapahamak, kami ang bahala sa'yo."
Inangat ng binata ang bagsak na mga mata sa mga pulis. Nanginginig ang mga labi niya at tila umuurong ang dila sa tuwing naiisipang magsalita.
"Bata, ituro mo lang kung nakikita mo diyan 'yong mga kumuha sa'yo," inip pang tanong ng isa sa tatlong pulis na nasa loob ng kuwartong pinagtatanungan sa binata.
