"Subukan mong gumalaw para sumabog 'yang bungo mo," matalim na utas ni Aliya na nagpangatog ng kalamnan ng binata. Kasabay ng mistulang pagdagsa ng daga sa dibdib ni Rico ay ang pagtagaktak ng kanyang pawis habang nakatitig sa dulo ng baril. Napapikit nang mariin ang binata nang marinig na palapit na sa direksyon nila ang iba pang kasamahan ni Aliya.
"Sino 'yang put*nginang 'yan?" galit na salubong ng lalaking tinatawag nilang ka-Mael. Bumunot si ka-Mael ng baril sabay tinutok sa kanang sintido ng binata. "Luhod!" Agad namang lumuhod ang binata kasabay ng pagrolyo ng laway sa lalamunan niya. Umaakyat na ang init mula sa dibdib papunta sa mukha ng binata dahilan para magpawis at mangilid ang kanyang luha.
"Anong ginagawa mo dito?" dagdag pang tanong ni ka-Mael. Gusto mang sumagot ay tila nahihirapan ang naginginig na si Rico. "Sagot!" sambit pa ni ka-Mael sabay tuktok ng baril sa sintindo ng binata.
Gamit ang nanginginig na boses ay sumagot ang binata habang mariin pa ring nakapikit, "N-Naligaw lang po ako. Hindi ko po sinasadyang makinig." Tuluyan nang tumulo ang mga luha ng binata dahil sa takot. "Please, ayaw ko pa pong mamatay. Magbibigay po ako kahit magkano, huwag niyo lang akong papatayin. Bata pa po ako," nabasag pa ang boses ni Rico sa mga huli niyang sinambit.
Umismid si ka-Mael bago magsalita, "Angas niyo talagang mga burgis eh 'no, 'kala niyo lahat ng tao gusto kayong huthutan ng pera." Nilagay ni ka-Mael ang baril sa baba ng binata upang iangat ang mukha nito, "Ser, mawalang-galang lang ho, pero wala ho kaming pakialam sa pera niyo. Ngayon malas mo, sa maling lugar ka naligaw."
Kinasa ni ka-Mael ang baril at muling tinutok sa sintido ng binata. "Pasensya na bata, hindi pwedeng mapurnada ang plano." Tinanggap na ni Rico ang kanyang kapalaran at pumikit na lang nang mariin habang tuloy-tuloy pa rin ang luhang gumuguhit sa mga pisngi niya.
Kakalibitin na ni ka-Mael ang gatilyo ng baril nang bigla siyang pinigilan ni Aliya. "Teka, ka-Mael." Napatingin ang lahat kay Aliya maging ang nanginginig na si Rico. Masinsinang tinitigan ni Aliya si Rico, "Pamilyar siya sa akin. Nakita ko siyang bumaba sa isa sa mga sasakyan ng Mayor no'ng pista."
"Sa sasakyan ni Mayor?" Muling ibinalik ni ka-Mael ang tingin kay Rico. "Kaano-ano mo si Mayor?"
Hindi pa rin makontrol ni Rico ang matinding panginginig niya pati ng mga labi niya kaya nahihirapan siyang bumuo ng mga salitang sasabihin. "Ang tagal mong sumagot!" Kakalibitin na dapat ni ka-Mael ang gatilyo nang bumulalas si Rico sa takot, "Kaibigan!— K-Kaibigan po ako ng inaanak n-ni Mayor." Tinitigan lang siya ng pinuno at hinintay magpatuloy. "Nagpunta po kami ditong magkakaibigan para magbakasyon."
Binalik ng pinuno ang tingin kay Aliya, hinihintay ang itutugon niya. Tinignan pabalik ni Aliya ang pinuno bago magsalita, "Pwede natin siyang gamitin."
"Paano?" kunot-noong tanong pa ng pinuno.
"Collateral. Sakaling magkandaleche-leche ang plano bukas, pwede siyang back-up plan. Malapit siya sa Mayor at hindi niya hahayaang masaktan 'to."
"At anong gagawin kapag hindi natin siya kinailangan?"
Binaling ni Aliya ang atensyon kay Rico at tinignan siya sa mga mata, "Papatayin. Walang magandang idudulot ang pagpapakawala ng hindi nagamit na hostage."
Muling rumolyo ang laway sa lalamunan ni Rico bago bumalik ang atensyon sa pinuno. Tila nabunutan ng malaking tinik ang binata nang binawi ng pinuno ang baril. "Ikaw ang magtago sa kanya. Responsibilidad mo 'yan."
"Sige po," sagot pa ni Aliya sa pinuno. Tumango lang ang pinuno bilang tugon at muling tumingin kay Rico. "Ang laki mo nang sagabal. Tapusin na natin 'to para makapagpatuloy tayo sa naudlot na meeting."
Muling bumalik ang pinuno sa loob na sinundan naman ng iba pang mga tao. Naiwan si Aliya kay Rico. Tinali pansamantala ni Aliya ang mga kamay ni Rico sa mga poste ng kubo. Inangat ni Rico ang tingin kay Aliya, "Salamat." Nagkunot ng noo si Aliya sa narinig. "Salamat kasi pinigilan mo siya."
![](https://img.wattpad.com/cover/298341694-288-k213757.jpg)
BINABASA MO ANG
Naniniwala ka ba sa Aswang?
Mystery / ThrillerMga kaso ng pagpatay dahil sa. . . aswang? Apat na magkakaibigan ang piniling magbakasyon sa probinsyang malayo sa siyudad. Kilala na noon pa ang probinsya sa mga kwentong aswang ngunit hindi nila inakalang ito ang bubungad sa kanila. Puno ng kalmot...