Chapter Eight

83 7 0
                                        

LASON MONG PAG-IBIG
Isinulat ni M.R.Galing

Kabanata 8

"HAPPY FIRST BIRTHDAY BABY!" bati ng iilang bisita nina Yzaira.

"Thank you guys!" tugon ni Yzaira na karga ang cute at pogi niyang anak na pinangalanan niyang John Jairo.

"Happy birthday!" bati ni Francis na bagong dating lang sabay halik sa bata. "Wish ko na sana ako ang kilalanin niyang Daddy," anito na nakangiti at nakatingin kay Yzaira.

"Thanks for coming!" ani Yzaira.

Nairaos ang isang simpleng selebrasyon. Naluluhang pinagmasdan ni Yzaira ang kanyang anak na bunga ng kanyang paghihiganti.

"Isa lang wish ko baby, ang makita at matanggap ka ng iyong ama. At sana mapatawad niya ako sa aking katangahan. Mahal na mahal ko pa rin siya," aniya sabay punas sa luhang naglalandas sa kanyang pisngi. Muling matutulog na may luha sa mata at dasal na sana ay magbalik na si John.

NASIRA ang cellphone ni Jhean nang mahulog ito at nabasag.

"Kainis! Kailangan ko tuloy bumili ng bago!" yamot na saad sa sarili ni Jhean. Kailangan niya magbalatkayo para 'di kuyugin ng mga tao dahil siya ay artista. May sakit kasi ang kanyang personal assistant kaya wala siyang ibang pagpipilian kundi ang bumili ng sarili niya.

"Come inside ma'am!" anang saleslady.

"Thank you!" Pumasok nga si Jhean at namili sa loob ng malaking bilihan ng mga orig na cellphone.

"Okay sige, alis na ako. Thank you, Francis!"

Napatigil sa pagpili ng cellphone si Jhean nang marinig ang pamilyar na boses sa kanyang likuran. 'Di nga siya nagkamali. "Ate?"

Napatda si Yzaira sa babaeng tumawag sa kanya. Hindi niya kilala ito, pero ang boses ay pamilyar sa kanya. Naka-sunglasses kasi ito at kulay violet pa ang buhok na parang isang peluka lang.

"Ate Yzaira?"

"Jhean?"

"A-ako nga po," alanganin na sagot ni Jhean. Gusto niya mainis dito pero may gusto siyang alamin.

"Maari ba tayong mag-usap? Jhean please!"

"Sa kotse tayo," nagpatiuna sa paglabas si Jhean. Saka na lang siya bibili ng cellphone.

"Anong ginawa mo noon kay Kuya at sa aming pamilya?" panimulang tanong ni Jhean. Nasa loob na sila ng kotse niya.

"Una sa lahat ay humihingi ako ng kapatawaran," si Yzaira. Nakita niya ang pagtaas ng isang kilay ni Jhean na nagpakaba sa kanya. "Hayaan mo akong isalaysay ang dahilan, sana mapakinggan mo ako," aniya.

"Makikinig ako."

Sinumulan ni Yzaira isalaysay ang lahat.

"Ano?" 'di makapaniwalang saad ni Jhean matapos mapakinggan ang paliwanag ni Yzaira.

"Hindi ko alam kung paano ko ito sasabihin kay John, siguradong 'di niya ako haharapin o kakausapin," nangilid ang luhang saad ni Yzaira.

"Iyan ang problema, Ate. Ni pag-usapan ang kasal ay ayaw niya, lalo pa siguro kung banggitin ang pangalan mo. Ate, malaki na pinagbago ni Kuya, lahat kami ay aminadong 'di na siya ang dating malambing, masayahin, at mabait na John. May sariling mundo na siya na mahirap pasukin."

Tila nawalan ng pag-asa si Yzaira sa narinig. "Pero kahit man lang sana sa anak namin. Jhean, patawarin mo ako."

"Sa akin ay ayos na nang marinig ko ang iyong paliwanag, pero Ate, hindi ako ang mas nasaktan mo at umasa. Pero handa akong tumulong sa abot ng aking makakaya para sa aking pamangkin. Isa pa, masaya akong nalamang may pamangkin pala ako. Sabik na akong makilala siya."

LASON MONG PAG-IBIG Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon