Kabanata 50

20 2 0
                                    

"Oh pak! Ubos na naman! Ano kayo ngayon?!" natatawang sabi ni Annie na tinawanan ng mga nakatambay sa paligid namin.

Nailing na lang ako dahil kanina pa siya nagmamakaawang ubusin na ang mga ulam para maaga kaming makapagligpit, at dahil hapon pa lang ay puwede pa kaming magpahinga bago ulit mag-asikaso dahil darating daw sila Jona mamayang gabi.

"Ligpitin ko na ah?" Kinuha ko agad ang mga kaserola at sama-samang inilagay sa lababo.

Medyo may kalakihan kasi ang bahay ni Annie rito, at kaunti lang din ang gamit kaya mas lalong maluwag sa paningin. Ako na ang naghugas ng mga kaserola habang si Annie ay nagliligpit sa labas, dinig na rinig ko pa rin ang tawa niya dahil sa pang-aasar niya sa ilang mga nagtitinda sa karinderya. Mabuti na lang at walang napipikon sa kaniya. Idagdag pa ang pagiging mabait ng mga tao sa amin kahit hindi namin sila ka-ano-ano.

"Ada? Maligo lang ako ah? Pagkatapos mo riyan asikaso ka na rin, tapos mamaya na siguro tayo magluto," sabi nito na ikinatango ko.

Matapos kong malinis ang kusina ay nanatili muna ako sa sala, mabuti na lang at maraming puno rito kaya presko ang hangin, pati ang hampas ng alon ay rinig na rinig ko kahit sa kabilang kalsada pa iyon, mahangin din kasi kaya gano'n. Isinara ko na lang ang pinto at saka umakyat sa taas, may sarili akong kwarto at magkatabi lang kami ni Annie, nasa dulo kasi ang mas malaking kwarto na ayaw niyang gamitin dahil sa tuwing may kailangan ako o sumakit ang katawan ko ay kinakatok ko lang ang dingding, no'ng nag-uumpisa pa lang kami rito ay hirap siyang matulog sa gabi dahil kadalasan ay umaga ang tulog namin noon.

Simpleng damit lang ang sinuot ko at inayos ang maikling buhok, sobrang haba na kasi ng buhok ko at ayaw ko man pagupitan ay ginawa ko na lang din para naman presko. White dress ang sinuot ko na hanggang hita ko, maluwag naman sa akin at sinigurado kong hindi masasakal ang aking tiyan. Agad kong naisip sina Jona, panigurado na importante ang kanilang sasabihin sa amin dahil nitong nakaraan dalawang buwan ay sinabi nilang hindi na sila pinakelaman ng magulang ni Gab, ni hindi na rin nagtatanong si Jack kay Jona.

Parang bumalik na raw ang lahat sa normal.

Ngunit hindi ibig sabihin no'n ay normal na sa akin. Nakakalungkot man dahil wala pa rin akong balita sa pamilya ko, ni hindi ko na sila natawagan noon pa at hindi na nakapagpadala ng pera, para bang naputol ang lahat ng koneksyon ko sa kanila sa isang pitik lang... sa hindi ko malaman na dahilan.

Nang matapos ay hindi na muna ako lumabas ng kwarto, pinagpahinga ko muna ang aking sarili sa kama habang pinagmamasdan ang litrato naming pamilya, hindi ko maiwasang mapangiti dahil kahit papaano ay magaling na si mama, kahit na nagawa niya akong pagtabuyan ay masaya na ako dahil magaling na siya. At sana lang, tumutuloy pa rin sa eskwelahan ang mga kapatid ko.

Sa gitna nang pagpapahinga ko ay narinig ko na ang boses ng ilan, nakapagtataka lang dahil sabi nila ay gagabihin sila pero mukhang napaaga sila ng dating. Maingat akong naglakad at dahil naramdaman ko ang biglang paggalaw ng sahig na kinakatayuan ko ay ako na ang kusang huminto at sinalubong ako ni Maylene ng isang mahigpit na yakap.

"Namiss kita! Ang laki na ng baby mo!" masayang sabi nito saka pinindot-pindot ang aking tiyan.

"Nakakatakot ilabas," natatawang sabi ko na tinawanan lang din.

"Anyway, let's go na sa baba, maraming food doon at marami tayong kailangang pag-usapan," seryosong sabi nito at ako naman at ay sumunod na lang.

Bumungad agad sa akin si Annie na sobrang lawak ang ngiti kay Rafael, sa pagkakaalala ko ay may gusto siya rito pero wala naman siyang balak na seryosohin iyon, si Jona naman ay seryoso pa ring nakatitig sa aking tiyan at saka tinapik ang bakanteng puwesto sa tabi niya.

"Bakit lagi kang kasama Rafael?" tanong ko at sumandal sa likuran.

Napalingon ito sa akin at saka naupo sa katapat ko. Sila Maylene at Annie ay nasa kabilang side habang kami ni Jona ay nasa kanan. May meryenda agad sa mesa at pakiramdam ko ay wala akong ganang kumain.

"I'm their official driver," natatawang sagot nito.

"Para naman may silbi hindi puro mukha lang," singit ni Annie.

"Ano na nga kasi? May pag-uusapan tayong lahat kaya tayo nandito, sobrang importante nito at ayaw man namin ipaalaam ay kailangan pa rin," anas ni Maylene kaya umayos ako ng upo.

Mukha naman talagang seryoso sila, kanina pa kasi walang imik si Jona at tanging si Maylene lang din ang nagsasalita, at paniguradong wala rin naman alam si Annie, dahil kung mayroon man ay sinasabi niya agad sa akin.

"Tungkol saan ba?" tanong ko.

Agad na kumuha ng pagkain si Maylene at mariing tumingin sa akin. "From the very beginning, 'di ba nga sabi ko sa 'yo, natigil na 'yong panay pagbabantay sa amin ng parents niya. Then ito na nga, ilang beses nang pumupunta sa amin si Gabriel para tanungin kung nasaan ka, hindi naman kami nagsasabi dahil parang feel namin, e, kukunin lang nila ang bata sa 'yo. Tapos araw-araw na siyang pumupunta sa amin, nagmamakaawa siyang sabihin kung nasaan ka. Mukhang nagsisisi naman na siya—"

"Pero hindi ibig sabihin no'n kailangan na ulit siyang tanggapin na parang walang nangyari—"

"Pero siya ang ama Jona, aminin na natin na hindi talagang keri magpalaki ng bata lalo na kapag mag-isa, wala pang trabaho si Ada. Kung wala namang intensyon ng masama 'yong ama, anong mali roon?" depensa agad ni Annie.

Halos silang tatlo lang ang nagsasagutan habang kami ni Rafael ay nanonood lang, lahat naman sila may punto, pero hindi ko pa rin puwedeng i-asa sa kanila ang desisyon ko.

"Kung sakaling tama nga ang iniisip ninyo na kukunin lang ang bata kapag napanganak na, puwede kayong mag-file ng case, since hindi pormal na kinuha at wala man lang pag-uusap na nangyari, mukhang papaburan kayo ng korte, dahil kidnapping ang puwedeng mangyari diyan," singit ni Rafael.

Natahimik kaming apat habang siya ay nakangiti lang at abala sa pag-kain. Mukhang si Jona lang talaga ang hindi payag. Naiintindihan ko naman siya, pero kasi kinalimutan ko na iyon, siguro nabigla lang siya at alam kong nahihirapan din siya sa katayuan nila Sunny noon. Sobrang daming puwedeng i-konsidera.

"Hindi naman kasi namin puwedeng sabihin na lang nang wala kang sinasabi, kating-kati na rin kasi ang lalamunan ko, hindi ko talaga kayang magsinungaling kapag sa ganiyan. Kahit papaano, may karapatan naman siya dahil siya ang ama." Ngumiti si Maylene at kita ko ang pag-irap ni Annie kay Jona.

Ngumiti lang ako at mahinang hinimas ang aking tiyan. Dahan-dahang tumango at saka tumingin sa kanila. "Okay lang naman kung mag-usap kaming dalawa 'di ba?" mahinang kong tanong.

Walang sumagot. Ngunit kita ko sa mata nila ang pagbabago ng ekspresyon, maliban kay Jona na titig na titig pa rin sa akin na para bang gustong baguhin ang desisyon ko.

"May gusto lang akong linawin sa kaniya. Alam ko naman na madadaan lahat sa usapan, ayoko lang talagang maging unfair. Kawawa rin kasi ang bata," ngiting sabi ko t wala na akong ibang narinig.

Tumango lang si Jona at saka nainom ng tubig. Sa tuwing nagdedesisyon ako ay hindi niya ako pinipilit, kahit na ayaw niya ay wala na siyang sinasabi pa. At masaya akong nirespeto nila ang desisyon ko.

An Innocent Courtesan | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon