Simula

89 3 7
                                    

"Anong gagawin natin niyan, Ada? Mayayari tayo kay tita niyan."

Napako na lang ang aking paningin dahil sa pagkahulog ng dalawang maliit na bagay na may dalawang guhit sa loob nito. Hindi ko magawang pulutin iyon dahil sa panginginig ng aking katawan. Nag-ingat naman ako, tinandaan ko naman ang mga sinasabi nila sa akin. Kaya hindi ko alam kung bakit umabot sa ganito.

"Ada—"

"H-Hindi ko ala—"

"Ada! Buksan mo ang pintong ito!" Isang malakas na pagkalampag sa pinto ang bumalot sa kwartong iyon.

Pinilit kong tumayo sa kamang kinauupuan ko ngunit wala akong lakas. Gustuhin ko mang pulutin ang dalawang bagay na nasa sahig ay naunahan na ako ni Ate Calli, gulat na gulat ang mga mata nito at kahit kauuwi lang galing trabaho ay nagawa niya pang imulat ang mata niya para matitigan ang bagay na iyon.

"Buntis ka? Sa iyo ba 'to, Ada?" tanong nito na hindi ko alam kung nagagalit ba siya o ano.

Talagang magagalit siya dahil ilang beses niyang isiniksik sa kokote ko na hindi ako puwedeng umabot sa ganitong sitwasyon. Hindi ako puwedeng mabuntis.

"A-Ate," tanging bigkas ko pero para akong lumilipad sa ulap.

Wala ako sa sarili, hindi ko pa naibibigay ang buhay na gusto ko para sa pamilya ko. Gusto ko lang namang magtrabaho.

Aligaga si Abi, na pinaalis ang ibang mga babaeng sumisilip sa kwarto ko, habang si Jona ay hindi na malaman kung kanino pupunta. Kahit ako, hindi ko na alam ang gagawin ko.

"Ipalaglag mo 'yan, Ada. Ayan na lang ang magagawa mo ngayon—"

"Tita! Ano ba 'yang sinasabi mo kay Ada?!"

"Ipalaglag mo 'yan kung ayaw mong ikahiya ka ng mga magulang mo! Nangako ka sa pamilya mo, Ada! Wala sa usapan na magbubuntis ka dahil hindi naman ako nagkulang sa mga paalala ko sa 'yo! Kilala mo ba kung sinong ama niyan? Kilala mo ba?!" gigil na gigil na bulyaw nito sa akin na halos ikataas ng balahibo ko.

Roon mismo ay tuluyan akong napaluha sa sinabi niya. Gusto niyang ipalaglag ang batang nasa sinapupunan ko. Gusto niyang patayin ang anak ko.

"Ada naman! Ikaw ang pinaka-iniingatan ko sa lahat tapos ganito?" sumusukong sabi nito na napaluhod na sa aking harapan.

Mahigpit ang hawak niya sa isang garapon na tinutukoy niyang pampalaglag ng bata, at ang pregnancy test na nasa kabila niyang kamay.

"Anong saysay kung walang ama ang batang 'yan? Kung hindi mo alam kung sino?"

"K-Kilala ko po," lakas-loob kong sabi at pinilit na ngumiti.

Pinilit kong tumayo, inagaw ang dalawang bagay na nasa palad ni Ate Calli, at saka nagtuloy-tuloy papunta sa isang lugar kung saan puwede ko siyang matagpuan. Ni hindi ko magawang pansinin ang mga kasamahan ko sa bahay na iyon.

Habang nasa daan ay pinilit kong maging maayos ang aking itsura kapag nakaharap ko na siya. Magiging maayos din naman ang lahat. Hindi ko maiwasang mapangiti dahil naalala ko na naman ang mga sinabi niya noon sa akin, na pangarap niyang magkaroon ng pamilya pero wala siyang oras.

Ito na siguro ang oras na tinutukoy niya.

Sa lahat ng lalaking nakilala ko, siya lang ang tinuring akong tao, tinuring akong kaibigan at alam kong matutuwa siya kapag nalaman niya 'to, kahit na ilang linggo na ako hindi nagpapakita sa kaniya.

Pinunasan ko muli ang luhang kumalat sa aking pisngi saka tinanaw ang kalakihan na establisyemento kung saan siya nagtatrabaho, napansin ko pa ang ibang mga kapwa niyang inhenyero na papasok sa lugar na iyon kaya nagmadali akong lumapit. Ngunit isang guwardiya ang biglang humarang sa akin at matalim na tumingin.

"Miss, hindi ka puwede rito."

"M-May kakausapin lang po ako, sir, kahit sandali lang po," paki-usap ko pero imbes na pagbigyan ay umiling ito.

Mas lalo niya pa akong tinaboy at nahinto lang dahil sa isang lalaking humawak sa braso nito, ang lalaking sinadya kong puntahan dito.

"G-Gab—"

"Kilala ko po siya. Ako na pong bahala," seryosong sabi nito saka kami nilubayan ng guwardiya.

Pinilit kong ngumiti kahit na naiilang ako dahil sa pagiging seryoso siya, para siyang galit at hindi ko maipaliwanag kung ano ang ekspresyon niya. Ang dami kong kasalanang nagawa sa kaniya pero alam kong patatawarin niya ako, alam kong matutuwa siya.

"Anong ginagawa mo rito, Ada? Bakit ganyan 'yang itsura mo?" naka-arko ang mga kilay nitong pilit akong inilalayo sa building na iyon dahil pinagtitinginan kami ng mga katrabaho niya, lalo na ang mga lalaking kaibigan niya.

Nakasuot lang ako ng manipis na damit na hanggang hita ko, ni hindi ko na magawang makapagpalit dahil sa kalagayan ko at sa gumugulo sa utak ko. At ano naman kung ganito ang itsura ko? Madalas ko itong suot mula nang makilala ko siya, bakit ngayon lang siya nagtanong?

"G-Gab? Busy ka ba ngayon? M-May sasabihin sana ako," kinakabahang sabi ko at pinilit na titigan siya.

Bumuntonghininga pa ito saka binitawan ang braso ko, napahawak pa siya sa bewang niya at saka lumingon sa paligid bago ako tingnan.

"Importante ba 'yan? May trabaho pa kasi ako, Ada," nagmamadaling sabi nito sa akin kaya dahan-dahan kong iniangat ang dalawang bagay na hawak ko.

Kitang-kita ko kung paano niya iyon tingnan at hindi man lang kinuha sa aking palad, ngunit malinaw kong nakita ang paulit-ulit nitong paglunok at ang pagbabago ng tingin niya sa akin. Nangunot ang noo niya na para bang nagtataka kung paanong nangyari iyon, na kung bakit ko pinapakita sa kaniya.

"Ano ba sa tingin mo 'yang ginagawa mo? Anong gagawin ko riyan?" seryosong sabi nitong pabulong at panay lingon sa paligid.

"Gab, buntis ako," ngiting sabi ko ngunit tumikom lang siya.

Nangangalay na ako.

Ang palad ko ay nakalutang pa rin at naghihintay kung aabutin niya ba iyon o hindi. Ang mga mata ko ay kanina pa pinipigilang ikubli ang mga luhang malapit nang mahulog, malapit na, kaunti na lang at mahuhulog na.

Ngunit dahil hindi ko kontrolado ang lahat, kusang nahulog ang mga butil ng luha ko kasabay nang paghugot nito ng hininga. At dahil alam kong walang kasiguraduhan abg lahat, mabilis niyang kinuha ang wallet nito at halos lahat ng papel doon ay kinuha niya saka inipit sa mismong palad ko.

Inilagay niya ang pera sa mismong palad ko kung nasaan ang magiging anak niya.

"May trabaho pa ako, Ada. Please, umalis ka na. Alam mo naman ang numero ko 'di ba? Tawagan mo na lang ako kung kulang pa 'yan," nagmamadaling sabi nito saka nagmadaling lumakad palayo sa akin.

An Innocent Courtesan | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon