Kabanata 12

28 1 0
                                    

Hindi ako makabangon. Pinilit ko namang buksan ang mata ko pero mas malakas pa rin ang kirot ng aking ulo. Dahan-dahan akong nagmulat at pinilit na maupo. Sa unti-unting pagmulat ko ay napansin ko agad ang iba na naglalakad sa kung saan at ang iba ay nakatingin sa akin.

"A-Aray," reklamo ko nang pumitik ang kung ano sa akong ulo.

"Inom pa," sabi ng katabi ko na hindi ko na inabala kung sino.

Sandali akong huminto sa dapat na pag-upo ngunit pinilit din na makaupo. Halos umikot ang buong paningin ko nang buksan ko ang aking mga mata. Roon ko lang napansin ang ilan sa mga kasamahan kong titig na titig sa akin at ang iba ay naiiling pa.

"Oh." Inabot sa akin ang tubig na dahan-dahan ko pang kinuha kay Annie. "Hindi mo pala kaya, uminom ka pa," umiiling na sabi nito habang inuubos ko ang tubig na para bang ilang linggo akong hindi nakainom.

Nasa sala na ako. Ibig sabihin ay wala na ako sa lugar na madilim? Ang huli ko lang na naaalala ay nakikipagkuwentuhan ako sa lalaking kaharap ko noon. Pero hindi ko na maalala ang mukha ngayon, pati ang pag-uusap namin ay nakalimutan ko na.

Napatingin ako sa aking damit, napanguso na lang ako dahil hindi na ito ang suot ko kagabi, napakindat naman sa akin si Annie na mukhang siya na naman ang nagpalit sa akin. Nang makayanan ko nang uminom at hawakan ang bote ay naupo na ito sa tapat na sofa.

"Grabe, ang gwapo ng kausap mo kagabi girl! Kaya naman pala nagpakalasing ang gaga," natatawang sabi nito saka kinuha ang tinapay na itinuro pa sa akin, na parang nag-aalok.

"Hindi mo ba 'yon kilala, Ada? Engineer pala 'yon sa pinagtatrabahuan mo noon," tanong agad ni Jona, na may hawak na dalawang tasa ng kape at iniharap sa tapat ko ang isa.

"Engineer?" Umiling ako nang makuha ko ang tasa. "Hindi, e. Kilala mo?" tanong ko sa kaniya dahil baka kilala niya dahil siya ang nagpakilala sa akin sa ibang mga kasamahan ni Ma'am Alora.

Tumabi ito sa akin at saka kumuha ng tinapay.

"Nagpakilala siya. Martin Davela ang pangalan, siya ang lumapit kay Tonet para ipaalam na lasing ka," walang emosyong sabi nito na nginisian ni Leni.

"Buti na lang mabait 'yong lalaki, ano? May iba riyan na nananamantala kapag lasing ang babae," dagdag ni Leni na tinanguan ni Maylene.

Pinagpatuloy ko lang ang pag-inom ko ng kape dahil pinipilit ko pa ring alalahanin ang mga nangyari. Gusto kong humingi ng sorry dahil baka mamaya ay may ginawa na akong hindi maganda, hindi ko pa naman maalala ang mga nangyari.

"Suwerte ka pa rin kahit papaano. Minsan nagigising na lang na wala ng damit, pero nasa malambot na kama naman, tapos may pera nang naiwan sa kama. Oh diba? Huwag lang talagang makita ako sa damuhan gago, sila, sarap sarap sila sa akin, tapos matatapos lang buhay ko sa damuhan?" naiiling na sa sabi ni Maylene na tinawanan nila Jona.

Nasabi na rin kasi sa akin iyon ni Jona noon. Normal na lang daw sa kanila na magising na walang saplot at imbes na lalaki ang katabi ay pera ang naroon. Pero nakakapagtaka lang sa kanila ay hindi sila natatakot sa trabaho nila. Pikit-mata nilang ginagawa iyon dahil ayaw na nilang maranasang maging mahirap. Darating naman daw ang araw na titigil din sila sa trabahong iyon... kapag okay na ang lahat.

At ako, magsisimula pa lang.

Umakyat na ako sa kwarto para makapaglinis na ng aking sarili. Alas-tres daw kasi kami naka-uwi at maaga na iyon para sa kanila. Kadalasan kasi ay umuuwi sila ng ala-sais. Matapos kong maligo ay nag-ayos lang ako nang kaunti. Isasama raw kasi ako ni Maylene sa mall para bumili ng mga puwede kong gamitin.

Si Jona naman ay uuwi raw muna sa lola niya. Imbes na malungkot ay mas lalo pa akong naging masaya dahil alam kong may problema siya sa pamilya niya. Alam ko rin kasi 'yong pakiramdam na hindi buo ang pamilya. Masasanay ka na lang na may kulang sa inyo.

An Innocent Courtesan | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon