"Yana!" napaismid siya ng makita ang mga kaibigan niya. Na-miss niya ito... ang lumabas at magpunta sa bar para magliwaliw at makipagkita sa mga ito. Wala siya sa mood mag-bar sa totoo lang, ngunit wala rin naman siyang gagawin sa loob ng kwarto niya kaya lalabas na lang siya.
Apat na araw na niyang hindi nakikita si Andrei. Mula ng lumabas ito sa kwarto niya ay hindi na ito bumalik. Tulad ng sinabi nito, si Athena ang pumasok sa kwarto niya para kalagan siya. Hindi naman nagsalita ang kapatid niya. Matapos nitong tanggalin ang pagkakaposas niya ay tahimik lang itong lumabas ng kwarto. Hindi siya kinausap nito.
Sanay naman siya sa ganoong pakikitungo ni Athena. May mga araw talaga na hindi nila ito nakakausap ng matino. Lalo na kapag pagod ito at subsob sa trabaho. Ngunit ng mga oras na 'yon, hiniling ni Yana na sana ay kinausap siya nito. Gusto niya ng mahihingahan ng sama ng loob. Gusto niya ng kausap. Gusto niya ng kasama. Si Theia sana ang madaling hagilapin kapag ganoong gusto niyang maglabas ng sama ng loob pero paano naman niya gagawin 'yon ng hindi maaalala na gusto ito ni Andrei? Paano niya sasabihin kay Theia ang problema niya kung si Theia mismo ang problema niya?
"Hindi mo kasama driver mo?" palinga-linga na tanong ni Ellaize sa kanya. Nairita tuloy siya. Kararating lang niya pero si Andrei na agad ang hinahanap nito sa kanya.
Mas gusto ko nga sana kung kasama ko siya pero malamang, nakabuntot na naman siya sa kapatid ko. "Gusto mo bang mag-apply na maid sa amin para madalas mo na siyang makita hindi 'yong tatanungin mo pa ko?"
"Chill, Yana! Ang init na agad ng ulo mo. Drink this." pag-abot ni Chantal ng alak sa kanya. "I'm sure, miss na miss mo 'yan."
"Ah," napangiti siya ng maramdaman ang pagsayad ng init sa lalamunan niya. Buti pa 'yong lalamunan niya, nasasayaran ng init. "walang uuwi na hindi wasted!"
"Yana, wala 'yong driver mo. Hindi ka pwedeng uminom ng uminom." nag-aalalang sabi ni Ellaize.
"May gusto ka ba sa driver ko? Sorry ka na lang, kung ako nga hindi type, ikaw pa kaya. Bitch!" mabilis niyang tinungga ang baso sa harap niya.
"Gaga, akin 'yan." reklamo ni Kaela. "Alam kong frustrated ka dahil hindi mo pa rin nakukuha 'yong driver mo pero can you chill, girl? Frustrated tayo pero we're still responsible, okay? Hindi natin basta basta iniinom 'yong alak sa harap natin kapag hindi baso natin. Paano kung nalaglagan 'yan? God, Yana!"
"Kung sesermunan mo lang ako, Kae, lumayas ka na rin sa harap ko. Isama mo 'yang kaibigan mo. Naaalibadbaran ako sa inyo." inirapan lang siya ng mga ito kaya tahimik na lang siyang uminom ng uminom.
Hindi na matandaan ni Yana kung gaano karami na ang naiinom niya ng marinig ang boses ni Ellaize. Hindi na kasi niya inintindi ang pinag-uusapan ng mga ito, ngunit naagaw nito ang pansin niya ng marinig kung sino ang nakita nito. "'Di ba, si Andrei 'yon? Akala ko ba mag-isa lang si Yana."
"Sira, ang ingay mo. Nasa labas si Mang Filo. Siya ang nag-drive kay Yana papunta dito." pabulong na sabi ni Chantal.
"Eh, si Andrei 'yon, 'di ba?" mabilis na hinanap ng paningin niya ang binata. Sinundan niya ang lugar kung saan ang tinuro ni Ellaize na kinalulugaran ni Andrei. Hindi niya agad ito napansin. Naghahanap kasi siya ng lalaking mag-isa lang. Nagdilim ang paningin niya ng makita ang babaeng nakayakap dito.
"Yana, saan ka pupunta?"
"Yana, kumalma ka lang. Lasing ka lang, okay. I'm sure, hindi tama ang kung anumang nakikita mo." pigil ni Kaela sa kanya.
"Bitawan niyo ko kung ayaw niyong sa mukha niyo lumapat ang palad ko." mabilis naman siyang binitawan ng mga ito. Kilala talaga siya ng mga kaibigan niya. Alam ng mga ito na tototohanin niya ang banta niya.
BINABASA MO ANG
Mondragon Empire 1: Artemis' Hunt
Romance"Sino bang pinagmamalaki mo, Forrest? 'Yong babaeng 'yon. Hindi hamak naman na mas maganda ako doon. Mas sexy, mas mayaman. Hello! Mondragon na ang lumalapit sa iyo. What's not to like?" -·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·-·...