Haru's Point of View:
Ang bigat.
Nang imulat ko ang aking mga mata, nakita kong nakayapos si Chris sa akin. Nakapatong pa nga ang hita niya sa tiyan ko.
Mukhang bigla nalang akong nakatulog kagabi. Hindi ko man lang namalayan na dumating na si Chris.
Paglingon ko sa aking kaliwa, wala sa tabi ko si Luis. Itinulak ko ng kaunti si Chris para maihiga ko siya ng maayos, saka ako bumangon sa kama. Pagtingin ko sa tabi ng kama, nakita kong mahimbing na natutulog sa sahig si Luis.
Nahulog na naman siya sa kama.
Tinanggal ko ang kumot na nakapulupot kay Luis, saka ko siya binuhat at inihiga sa kama. Pagkatapos, kinumutan ko silang dalawa ni Chris. Umupo ako sa kama at pinagmasdan ko silang dalawa habang natutulog.
Kailan nga ba ang huling beses na nakita ko silang ganito? Hindi ko na matandaan.
Kinuha ko ang aking cell phone na nakapatong sa study table, saka ko kinunan ng litrato sina Luis at Chris nang magkasama. Pagkatapos, ginawa ko iyong wallpaper. Pinagmasdan ko iyon ng mabuti at bahagya akong napangiti. Ngunit bigla ring nawala ang ngiti sa aking labi.
Natatakot akong maging masaya. O mas tamang sabihing, ang nasa isip ko ay wala akong karapatang maging masaya?
Umupo akong muli sa dulo ng kama. Iginala ko ang aking tingin sa bawat sulok ng aking silid. Nang mahagip ng aking tingin ang litrato ni daddy, bigla akong napapikit. Naalala ko ang pangyayari noong humiram ako ng cell phone sa kanya para tawagan si Luis.
Ipinaling ko ang aking mukha sa direksyon ni Luis saka ko iminulat ang aking mga mata.
Bakit ba may napapahamak dahil sa pagmamahal ko para sa'yo? Ano ba ang dapat kong gawin, Luis?
"Baka naman matunaw." Sabi ni Chris. Kaya't biglang napaling sa kanya ang aking tingin.
"Kanina ka pa gising?" I asked.
Nagkusot ng mata si Chris. "Kanina pa. Simula nung kinuhanan mo kami ng picture. Ipasa mo nga sa akin. Bilis." Saka siya biglang naglabas ng cell phone.
Tumayo ako sa kama saka ko itinago ang hawak kong cell phone. "Wala, binura ko na. Tulo kasi ang laway mo."
Nagpunas ng labi si Chris. Nang malaman niyang nagsisinungaling lang ako, binato niya ako ng unan. "May muta ka pa." Mapang-asar na sabi ko, saka ko ibinato pabalik kay Chris iyong unan. Pagkatapos, kumuha ako ng tuwalya at lumabas ng silid.
Pagbaba ko, dumiretso ako sa banyo para magsipilyo at maligo. Pagkatapos, nakita kong nakasalampak si Chris sa lamesa nang mapadaan ako sa kusina. "Nangyari sa'yo? Masama ba pakiramdam mo? Bakit hindi mo pa ginising si Luis."
Nanatiling nakasalampak sa lamesa si Chris. "Okay lang ako, inaantok pa kasi ako. Si Luis kasi eh pinilit akong bumangon. Bababa na 'yon, inayos lang niya kama mo. Doon nalang daw tayo sa kanila kumain ng umagahan bago tayo pumasok."
"Bakit inayos pa niya? P'wede namang ako na." Sabi ko, habang naglalakad paakyat papunta sa aking silid.
Pagdating ko sa aking silid, nakita kong nagtitiklop ng kumot si Luis.
Kumuha ako ng damit sa cabinet. "Pabayaan mo na 'yan dyan. Ako na magliligpit nyan. Bumaba ka na."
Sandaling tumingin sa akin si Luis saka nagpatuloy sa pagtitiklop ng kumot. "Hindi na. Ako nalang. Sandali lang naman 'to eh."
Nagsalubong ang kilay ko dahil sa sinabi ni Luis. Hindi siya bababa? Kahit alam niyang magbibihis ako? Ano, panonoorin niya ako? Tinanggal ko ang tuwalya sa aking bewang saka ako tumalikod at nagbihis. "Ikaw bahala."
BINABASA MO ANG
CHANGING
RandomCHANGING WRITTEN BY SOMEONELIKEK Sanggol pa lamang si Luis nang iwan siya sa isang bahay-ampunan. Habang nagkakaedad, hindi hinanap ni Luis ang kanyang mga magulang. Basta't itinatak lamang niya sa isip na hindi siya mahal ng mga ito. Ngunit tulad n...