EPILOGUE

6.5K 296 54
                                    

Luis' Point of View:

Makalipas ang tatlong taon...

Inabot ko sa taxi driver ang aking bayad saka ako bumaba ng sasakyan. Pagkatapos, inayos ko ang nagusot kong damit, saka ko hinawakang mabuti ang dala kong isang bouquet ng bulaklak at isang maliit na scented candle.

Tahimik akong naglakad papasok sa gate ng simenteryo.

Sa aking paglalakad, napansin kong walang gaanong tao sa paligid kaya't sobrang tahimik. Malamig naman ang simoy ng hangin at hindi gaanong mainit.

Nahinto ako sa paglalakad nang makatanggap ako ng mensahe mula sa aking tunay na ina.

From: Mama Juliana

Anak, 8 AM ka nalang namin susunduin bukas papunta rito sa bahay. Kanina pa kasi ako kinukulit ng mga kapatid mo na sunduin kita ng maaga para mas mahaba ang oras ng dalaw mo rito sa bahay.

Dalawang taon na ang nakakalipas simula nang malaman ko mula sa aking tunay na ina, ang dahilan kung bakit niya ako iniwan. Sinabi niyang, "hindi pa kami handa ng papa mo na bumuo ng pamilya kaya nagdesisyon kaming iwan ka."

Hindi ko tinanggap ang dahilan ng aking ina kung bakit niya ako iniwan. Para sa akin mababaw lamang iyon at walang halaga. Bakit sila pumasok sa ganoong pagkakataon kung hindi pa sila handa?

Iniwasan ko ang aking tunay na ina, ngunit hindi siya tumigil na ako'y suyuin. Hanggang sa matuto na akong magpatawad. Dahil doon, nakilala ko ang bunsong kapatid ko na si Renan. Malapit ang loob niya sa akin at ayaw niya akong tawaging kuya; ang gusto niya, ate.

Nakilala ko rin ang isa ko pang kapatid na si Rowan, limang taon ang tanda ko sa kanya. Hindi niya makasundo si Haru. Lagi siyang nakabantay sa akin. Parang siya pa nga ang mas matanda sa akin kung pagalitan niya ako sa tuwing ginagabi ako ng uwi.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Huminto ako sa isang puntod saka umupo sa damuhan. Tinanggal ko ang mga natuyong dahon sa ibabaw ng lapida. Saka ipinatong doon ang dala kong bulaklak. Pagkatapos, sinindihan ko ang dala kong scented candle.

"Pasensya na kung ngayon lang po ako ulit nakadalaw, sister Loren."

Pumanaw si sister Loren isang taon na ang nakakalipas dahil sa malubha niyang karamdaman. Hindi ko siya nakausap sa huling sandali ng buhay niya. Dahil pagkarating ko sa ospital, hinawakan lamang niya ang aking mga kamay saka biglang namaalam.

"Sister, salamat po sa mga pangaral niyo sa akin noon. Hindi man po ako mukhang nakinig, itinatak ko po isip ko ang lahat ng sinabi niyo sa akin."

Inalala ko ang sinabi noon sa akin ni sister Loren. Noong mga panahong nawawalan na ako ng pag-asang magkaroon ng sarili kong pamilya.

"May dahilan ang lahat ng bagay na nangyayari sa isang tao, mabuti man 'yon o hindi. Minsan, dumarating 'yon sa mga pagkakataon na hindi mo inaasahan. Itong palagi mong tandaan, Luis. Hindi ka man niya binigyan ng pamilya, bibigyan ka niya ng maraming kaibigan. Kung hindi naman, bibigyan ka niya ng isang matapat na kaibigan, at kung hindi pa rin, siya mismo ang mag-aalaga sa'yo. Hindi mo man siya makita... Alam ko, ipaparamdam niya 'yon sa'yo. Alam mo kung bakit? Kasi mahal ka niya. Kaya h'wag kang mawalan ng pag-asa, Luis. Dahil nasisigurado ko na may plano ang Diyos para sa'yo."

Nakangiti akong tumingin sa langit. "Sister, medyo nagkamali po kayo sa sinabi niyo noon sa akin. Dahil ibinigay po ng Diyos ang lahat sa akin."

Tumingin ako sa lapida ni sister Loren. "Hindi lang po isa, kundi dalawang pamilya ang ibinigay niya sa akin. Hindi lang din po isa, kundi maraming matapat na kaibigan ang ipinagkaloob niya sa akin. Hindi rin po niya ako pinabayaan."

Husto akong napangiti nang maalala ko ang araw na naging boyfriend ko si Haru. "Binigyan pa nga po niya ako ng bonus." I whispered.

Nang maubos na ang scented candle na sinindihan ko, tumayo na ako para umuwi. "Sister, uuwi na po ako. Ikamusta niyo nalang po ako sa mga magulang ni Haru." Pagkatapos, naglakad na ako palabas ng simenteryo.

Paglabas ko sa simenteryo, nagulat ako nang makita ko si Haru na nakasandal sa isang nakaparadang sasakyan; nakasuot pa siya ng uniform na pang nursing.

Bakit siya nandito?

Ngumiti sa akin si Haru. "Bakit wala kang dalang bag?" Haru asked.

Nilapitan ko si Haru. "Naiwan ko sa bahay ni Carla. Dumaan kasi ako doon kanina bago ako pumunta rito. Hindi ko na binalikan kasi nag-text siya sa akin na dadalin nalang daw niya sa bahay mamaya."

Hinalikan ko sa pisngi si Haru. "Bakit nga pala nandito ka? Akala ko ba may pupuntahan ka?"

Binuksan ni Haru ang pinto sa harapan ng sasakyan para sa akin. "Oo nga, may pupuntahan ako; ikaw. Ihahatid na kita pauwi."

Sumakay ako sa sasakyan saka nag-seat belt. Tumingin ako kay Haru pag-upo niya sa driver's seat. Bagay talaga sa kanya ang white. Ang gwapo niyang tingnan.

"Let's go?" Haru asked and I nodded.

Agad na nagmaneho si Haru.

"Ngayon nalang ulit kita nakitang nagmaneho. Sanay ka na ba kahit malayo? Hindi ka na nahihirapan dahil sa phobia mo?" I asked.

"Oo, nasanay na ako. Nawala na rin ang phobia ko. Kaya tawagan mo lang ako kapag uuwi ka na para hindi mo na kailangan mag-taxi. Kamusta nga pala sa school? Marami ka nang alam lutuin?" Haru asked.

Ang kinuha kong kurso sa kolehiyo ay Bachelor of Science in International Hospitality Management Specialized in Culinary Arts.

"Oo, marami na. Gusto ko nga sanang ipatikim lahat sa'yo, kaso ang layo mo eh. Pero sa pasko magluluto ako sa bahay, tutulungan ko si mama." I said.

Magdidilim na bago kami nakauwi ni Haru dahil sa layo ng byahe. Pagdating ko sa bahay, isang oras akong nakipag-chat kina Carla at Shane bago ako naligo. Inaaya kasi nila akong manood ng pelikula sa isang araw.

Simula nang tumuntong ako sa kolehiyo, natuto na akong makipagkaibigan. Dahil na rin sa mga naging kaibigan ko noong high school na walang ginawa kundi kausapin ako at asarin.

Pagkatapos kong maligo, nagbihis na ako ng pantulog. Binuksan ko ulit ang aking laptop para makipag-chat. Nakita kong online si Chris. Nagpadala siya sa akin ng napakaraming pictures noong date nila ni Carla, kasama nila ang kapatid kong si Renan.

From: Chris

Tingnan mo 'yang kapatid mo, walang ginawa kundi bumuntot sa amin. Mas marami pa siyang picture kaysa sa amin! Binutas niya bulsa ko!

Habang tinitingnan ko ang mga pictures na ipinadala ni Chris, biglang nag-ring ang aking cell phone.

Sinagot ko ang tawag mula kay Haru. "Hello? Napatawag ka?"

"Pumunta ka sa balcony ng kuwarto mo. May ibabato lang ako sa'yo." Sabi ni Haru mula sa kabilang linya.

Naglakad ako papunta sa balcony ng aking silid. Pagsilip ko sa ibaba, hindi ko makita si Haru. "Nandito na ako. Nasaan ka ba?" I asked.

"Tumingin ka sa harapan mo." Sabi ni Haru mula sa kabilang linya.

Pagtingin ko sa aking harapan, natanaw ko ang madilim na bahay ni Haru. Ilang saglit pa, bigla iyong nagliwanag. Mula sa gate ng bahay ni Haru, mayroon akong nakitang number twenty-one na gawa sa napakaraming christmas lights.

"Haru, ano ang ibig sabihin nito?" I asked.

"Surprise?" Sabi ni Haru.

Namilog ang aking mga mata nang marinig ko ang tinig ni Haru mula sa aking likuran. Paglingon ko, nakita kong nakatayo siya hawak ang isang maliit na box, naglalaman iyon ng couple ring.

Nang mga oras na iyon, kumikislap na tila bituin sa langit ang mga mata ni Haru.

"Luis, when you turn twenty-one. Please, live with me."

END

CHANGINGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon