Luis' Point of View:
Bumalik ako sa bahay namin at hindi ko na sinundan pa si Chris. Hahayaan ko muna siyang mapag-isip. Pagpunta ko sa sala, nagulat ako nang makita kong nakapatong sa lamesita iyong kuwintas na nasa loob nung kulay blue na box, na itinapon ko kanina.
Sumilip dito sa sala si mama habang nainom siya ng tubig doon sa kusina. Pagkatapos, lumapit siya sa akin. "Baby, magsabi ka nga sa akin ng totoo. Ano'ng nangyari sa inyong dalawa ni Chris? H'wag mong sabihin sa akin na kayo naman dalawa ang nag-away."
Umupo ako sa mahabang sofa habang hindi maalis ang tingin ko sa kuwintas na nasa lamesita. "Hindi po kami nag-away ni Chris." I said, saka ko itinuro kay mama iyong kuwintas na nasa lamesita. "Ma, kinuha mo ba sa basurahan 'yon?"
Kinuha ni mama iyong kuwintas saka siya tumabi sa akin. "Bago ko pa ito ibigay sa'yo kanina, naisip ko na, na baka itapon mo. Kabisa ko na kasi ang ugali mo eh. Kaya ang ginawa ko, pinakiusapan ko si Haru habang nasa byahe pa ako pauwi. H'wag ka sanang magalit sa kanya."
Naalala ko ang sinabi ni Haru sa akin kanina. "Masaya ako para sa'yo, Luis."
Alam na pala ni Haru ang tungkol sa tunay kong ina. Kaya siguro, nasabi niya ang bagay na iyon sa akin.
Inakbayan ako ni mama habang tinitingnan iyong hawak niyang kuwintas. "Noong nalaman ko na hindi na ako magkakaanak, daig ko pa ang tinakbuhan ng swerte. Nagkulong nga ako noon sa kuwarto ko eh. At wala akong kinausap. Sina Rose at Hide ang nagsabi sa akin na mag-ampon ako."
Bahagyang pinisil ni mama ang kanang braso ko, saka niya tinanggal ang kamay niya sa aking balikat. "Pagpunta ko sa orphanage kasama sina Rose at Haru, lumilipad ang utak ko. Wala pa nga sa isip ko kung sino ang aampunin ko, o kung gusto ko ba talagang mag-apon nalang."
Napangiti akong bigla. Kasi nasa labas lang ako nung pumunta sila sa orphanage. Nakita ko ang mukha ni mama pero hindi ko siya gaanong pinansin. Kasi napunta kay Haru ang tingin ko. Pero sinong mag-aakala, na iyong hindi ko napansin, iyon pala ang aampon sa akin.
Nakangiting tumangin sa akin si mama. "Hanggang sa dumating si Haru sa loob ng office kasama ang isang madre. Itinuro niya ang picture mo. Pagkatapos, tinanong niya kay sister Jenny ang pangalan mo. Pag-uwi namin, walang ginawa si Haru kundi pilitin ako na ikaw ang ampunin ko. Sabi pa nga niya sa akin, mabait ka raw at magalang. May ugali ka raw na kapareho ng sa akin."
Nagsalubong bigla ang kilay ko. Saan banda sa mga nagawa ko kay Haru ang nasabi niyang mabait at magalang? Binato ko pa nga ng bola ang mukha niya.
Inilagay ni mama sa kaliwang kamay ko ang hawak niyang kuwintas. Pagkatapos, isinara niya ang aking palad. "Naisip ko noon na, bakit hindi ko subukan? Nang una kitang makita ng personal - hindi ko masabi sa sarili ko kung iiwan mo ako balang araw. Pero noong nakasama na kita ng ilang ulit, nawala na isip ko 'yong takot."
Mahigpit na hinawakan ni mama ang aking kaliwang kamay. "Doon ko nalang naisip na tama si Haru. Kaya nga nagpapasalamat ako sa kanya, dahil nailapit ka niya sa akin. Dahil ang balak ko sana, babae ang aampunin ko."
Hinawakan ni mama ang magkabilang pisngi ko na tila gusto niya akong kurutin. "Ikaw ang pinakamagandang regalong ibinigay ng Diyos sa akin. Kaya ang gusto ko, maging masaya ka. Ibibigay ko ang lahat ng kailangan mo, at gagawin ko ang lahat para sa'yo. Kasi anak kita. Naiintindihan mo ba ako?"
Nang makita ko ang pagpatak ng luha ni mama sa kanyang pisngi, niyakap ko siya ng mahigpit. "Kilalanin mo si Juliana. Kung sa tingin mo, na mas gusto mo pa rin sa akin. Bumalik ka. Ina rin ako, alam ko kung ano ang pakiramdam. Kaya ang gusto ko makilala mo siya. Baby, pagbibigyan mo ba si mama?"
BINABASA MO ANG
CHANGING
RandomCHANGING WRITTEN BY SOMEONELIKEK Sanggol pa lamang si Luis nang iwan siya sa isang bahay-ampunan. Habang nagkakaedad, hindi hinanap ni Luis ang kanyang mga magulang. Basta't itinatak lamang niya sa isip na hindi siya mahal ng mga ito. Ngunit tulad n...