Part 4

706 35 2
                                    

TILA malalim pa sa mga diving sites ng Boracay Island ang buntunghiningang pinakawalan ni Ella. Nasa Caticlan na sila at halos kalahating oras na ring nakabilad doon. Pila ang mga pasaherong sasakay sa bangka na maghahatid sa kanila sa mismong isla.

"Grabe ka naman," tudyo sa kanya ni Jaypee. "Daig mo pa ang nalunod kung makahinga ka."

"Shut up," mahinang sabi niya at inirapan ito.

Bago pa sila umalis ng Maynila ay mayroon nang inis na namumuo sa dibdib niya. Nang umaga pa lang na nagising siya ay irritable na siya. hindi tumunog ang alarm clock niya. At kung hindi pa siya ginising ng tawag ni Jaypee sa telepono ay malamang na hindi pa siya bumangon. Dahil doon, ang pakiramdam niya ay kapos na kapos siya sa preparasyon kahit na nga ba gabi pa lang ay naihanda na niya ang mga dadalhin niyang gamit.

Then, hindi sila agad nakakuha ng taxi. At ang nasakyan nila ay sira pa ang aircon. Damang-dama niya ang alinsangan lalo at kung ilang beses pa silang naipit sa mabagal na traffic.

Hindi niya gustong isiping may pumipigil sa pag-alis nila. At never din niyang in-entertain sa isip ang salitang malas. Subalit mula nang umagang iyon, tila tuksong umuukilkil sa utak niya na nag-e-exist ang bagay na iyon.

Pagdating sa domestic airport ay naiwan na sila ng eroplano. Napasimangot na siya nang malaman iyon subalit sinikap pa rin niyang maging mahinahon. Nag-chance passenger sila para sa susunod na flight. Mabuti na lang madali niyang naiayos ang problemang iyon sa ticketing office.

Nakapag-board na sila nang isa na namang problema ang na-encounter nila. Na-delayed ng isang oras ang departure nila sapagkat may minor trouble ang engine ng eroplano.

"May balat ka yata sa puwit," nanunuksong bulong sa kanya ni Jaypee habang naghihintay sila na maiayos iyon.

Napipikon siya subalit sa halip na patulan ang kasintahan ay ipinikit na lamang niya ang mga mata. Nagmuni-muni siya. naisip niyang baka may punto si Jessilyn sa mga sinabi nito sa kanya. She really asked God for the sign. Pero kung anong sign, hindi niya in-specify. Basta ang sabi lang niya, kung sila talaga ni Jaypee ang para sa isa't isa, let the marriage happen.

Ngunit bakit sa pagpunta pa lang nila sa Boracay ay parang may pumipigil na? Nahahati tuloy ang isip niya. Fifty percent ay tila nagbubulong na ngayon pa lang ay ipinapakita na ng Diyos na hindi sila ni Jaypee ang para sa isa't isa. Fifty percent ay nagpupumilit na makarating siya sa Boracay.

It was her first time. At hindi naman niya gustong maniwala na sa pagbabakasyon pa lang niya ay pipigilin siya ng tadhana. O baka naman kaya nagkakaroroon ng mga mumunting problema ay dahil sa kapilyahang hindi nawawaglit sa isip niya.

"Lord, forgive me," usal niya. Pero nangatwiran din siya na hindi naman siguro napakabigat na kasalanan niyon lalo at magpapakasal naman sila ni Jaypee. Besides, wala silang konkretong usapan ni Jaypee kung gagawin nga nila iyon. But then, pinag-uusapan nga ba iyon kagaya ng contract signing ng isang negosyo?

Napangiti siya sa naisip ngunit mayamaya lang ay nabalik sa seryoso ang isip niya.

Bakit nga ba parang may mga maliliit na problema simula pa lang ng umagang iyon? She made a decision. Kapag hindi pa nag-announce ang stewardess na aalis na sila sa loob ng isang oras ay ikakansela na niya ang date nila ni Jaypee. Hindi bale nang magkagalit sila ni Jaypee. Basta ang pakikinggan niya ay ang daloy ng mga pangyayari sa buhay niya sa araw na iyon.

Ngunit mayamaya lang ay naayos na ang engine trouble. Napangiti siya. Ibig sabihin, nagne-negative thinking lang siya. Baka nagkakaroon lang siya ng mixed thought dahil sa wild move nila ni Jaypee sa relasyon nila. It was indeed the first time na magkakasalo sila ng kasintahan at sa loob pa ng ilang araw. In fact, nang i-confirm niya ang pag-a-avail nila ng GC, hindi niya hiniling na magkaroon ng extra mattress sa room reservation nila.

She giggled at the thought. At sa buong biyahe nila, hundreds of feet above the sea level, pansamantalang nakalimutan ni Ella ang mga hassles nang umagang iyon. Napuno ng excitement ang dibdib niya sa abot-kamay na bakasyon.

But her excitement was short-lived.

Parang hindi siya makapaniwalang puro patungo sa isla ang hugos ng taong dinatnan nila sa Caticlan. Tila kapos ang maraming bangka na naroroon. Kinailangang nilang pumila at hintayin ang mga bangkang manggagaling pa sa isla.

At kalahating oras na silang nakatayo! Bukod sa nangangawit na binti at nanunuot na init ng araw ay nagugutom na rin siya.

"Ella, bili muna tayo ng soft drinks at tinapay," wika ni Jaypee sa kanya. Pinapawisan na rin ito at nasa mukha ang gutom ngunit tila hindi nito alintana ang mga iyon. Matamis pa rin ang ngiting nasa mga labi nito. Tila aliw na aliw sa nangyayari sa kanila sa mga sandaling iyon.

Umiling siya. "Gusto ko ng totoong pagkain, Jaypee. Iyong kanin at ulam. Saka pag umalis tayo dito sa pila, baka mamayang gabi na tayo makarating sa Boracay."

"Maano naman? Wala namang bubuhat ng isla? Halika na, gutom na ako."

Ngunit nagmatigas siya. "Kung gusto mo, ikaw na lang. Hindi ako aalis dito."

"Okay. Kung iyan ang gusto mo." At iniwan nga siya nito.

Anhin na lang niya ay dumampot ng bato at pukulin ang lalaki. Ngunit naisip niyang iyon ang natural ni Jaypee. Sinundan na lang niya ito ng tingin nang lapitan ang isang vendor.

Naalala din naman siya nito. Nang bumalik sa kanya ay ibinili pa rin siya ng sandwich at juice. At dahil mukhang malabo pa nga silang makasakay sa bangka, naubos na rin niya iyon habang naghihintay. Somehow, nabawasan na rin ang iritasyon sa dibdib niya sapagkat hindi na masyadong kumakalam ang sikmura niya.

Sa pangatlong bangka na dumating ay nasakay na rin sila, sa wakas!

Nakuha na ni Ella na ngumiti uli. Sa harap niya piniling maupo upang kitang-kita niyang talaga ang Boracay Island. Nang magmaniobra ang bangka upang umandar na ay maluwag na siyang nakahinga.

"Boracay, here we come!" narinig niyang sabi ni Jaypee. Nang lingunin niya ito ay tila mas maaliwalas pa ang mukha. Kagaya niya, puno ng excitement ang anyo nito.

Ngunit sa sumunod na sigwada ng bangka ay bigla na lamang tumilamsik ang tubig-dagat sa kanila! Daig pa nila ang naligo. Pati ang bag na kandong ni Ella ay nabasa. Hindi pa naman waterproof iyon kaya sigurado siyang pati ang mga damit niya sa loob niyon ay nabasa.

"Oh, no!"

"'Oh, no'" ka riyan," tudyo sa kanya ni Jaypee. "Wine-welcome ka lang ng dagat! Don't worry, pagdating sa hotel, ipa-laundry mo iyang damit mo."

Ano pa nga ba ang magagawa niya?

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - BORACAY 4 - Passion And DestinyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon