Part 18

750 48 8
                                    

"MAY PROBLEMA ba kayo ni Jaypee?" tanong sa kanya ni Maia nang tawagin siya nito.

Nagpalipas pa siya ng dalawang araw bago pumasok. Nagkulong lang siya sa apartment. At sa buong dalawang araw na iyon ay wala siyang kausap. Jaypee didn't stop calling her subalit hindi niya sinasagot. Sa pamamagitan ng text message ay ipinarating niya dito na walang dapat ipag-alala sa kanya. Ayaw lang niyang makipag-usap kahit kanino.

At nang umagang magpasya siyang pumasok na ay natuklasan niyang nag-report pala sa opisina si Jaypee kahapon. He filed indefinite leave. At dahil kailangan ng pirma ni Maia ang form nito ay mismong sa mesa niya iyon nakita.

Matamlay siya buong maghapon. At napansin siguro iyon ng mga kaopisina niya kaya isa man ay walang nagtangkang manukso ng tungkol sa pagbabakasyon nila. May hinala marahil sa isip ng mga ito subalit walang naglalakas-loob na magtanong sa kanya. Except Maia.

"Hindi yata naging maganda sa inyo ni Jaypee ang bakasyon," puna nito.

"Wala na kami."

"What?" bulalas nito. "Bakit?"

Malungkot siyang ngumiti. "It's my fault. I can't elaborate, Ma'am Maia. Naguguluhan din kasi ako, eh."

Napatango na lang ito. "Baka magpa-file ka rin ng bakasyon kagaya niya?" mayamaya ay tanong nito.

Umiling siya. "Mas kailangan ko ng may ginagawa."

"That's good."

DALAWANG linggo na ang lumipas buhat nang bumalik si Ella sa trabaho. Si Jaypee ay hindi pa rin nagpapakita sa opisina pero tumatawag naman ito upang magpa-extend ng vacation leave nito. Madalang na rin itong mag-text sa kanya. Noong unang linggo ay halos araw-araw ito na tumatawag at nagte-text sa kanya subalit ngayong matatapos na ikalawang linggo ay dalawang beses pa lang yata ito na nakaalala sa kanya.

Nalulungkot din siya maski paano. Alam niyang nasaktan niya ito subalit hindi naman niya alam kung paano makagagaan sa dibdib nito ang nangyari. Somehow, she knew him as a strong person. Marahil ay magpapalipas lamang ito ng sama ng loob at babalik na rin sa dati ang buhay nito. She wished.

At siguro ay apektado rin siya nang husto sa paghihiwalay nilang iyon ni Jaypee. Matamlay ang kilos niya kahit na pilit niyang itinutuon ang konsentrasyon sa trabaho. Kapag pinag-o-overtime siya ni Maia ay napipilitan lang siya. Ang totoo ay mas gusto niyang magpirmi sa bahay at humiga na lang.

Nakatitig siya sa galaw ng kamay ng suot niyang relo. Dalawang minuto na lang at alas singko na. Nakaligpit na ang kanyang mesa. Anhin na lang niya ay i-punch na sa bundy clock ang time card niya upang umuwi na. She was thankful na wala siyang dapat na i-overtime ngayon.

Pag-uwi niya sa apartment ay dinatnan na niya doon si Jessilyn. Mabangong-mabango ang niluluto nitong menudo subalit nalukot ang ilong niya nang maamoy iyon.

"Nag-under time ako kaya maaga ako," bati sa kanya nito. "Maaga tayong makakapaghapunan ngayon. May inarkila akong VCD. Manood tayo pagkatapos."

"Ikaw na lang," tinatamad na sagot niya. "Nanlalata ako, eh. Gusto ko na ngang matulog."

"Nanlalata ka na naman?" At pagkuwa ay tinitigan siya nito. Nagbibihis siya ng pambahay nang marinig ang pagtawag nito. "Ella, lalabas ako sandali. May bibilhan ako sa Mercury."

"Teka!" At sumungaw siya sa pintuan. "Pakibili mo naman ako ng mango juice at Kitkat. Ibili mo lahat iyan."

Nakataas ang kilay nito nang abutin ang pera niya. Two hundred pesos iyon.

Pagbalik ni Jessilyn ay nakahain na siya. Kahit naman wala siyang ganang kumain ay pipilitin niya ang sarili upang hindi masayang ang pagluluto ni Jessilyn. Tahimik nilang pinagsaluhan ang hapunang inihanda nito.

Places & Souvenirs - BORACAY 4 - Passion And DestinyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon