Part 3

775 45 4
                                    

SAMANTALA, sa isang high-rise condominium sa Makati.

Tahimik na pinagmamasdan ni Jay ang mabagal na daloy ng trapiko sa Ayala Avenue. Rush hour at kahit saang kalye niya ibaling ang tingin ay bumper-to-bumper halos ang pila ng mga sasakyan. Tambak na rin ang mga commuters na nasa waiting shed.

Kahit na maliliit na lamang sa paningin niya ang mga iyon sapagkat nasa twenty-fifth floor siya ng building ay parang nakakaabot sa pandinig niya ang mga sigaw ng bus conductor at barker ng FX taxi's. Naaaliw din niyang pinagmasdan ang mabibilis na galaw ng pasahero upang makasakay.

Somehow, gusto niyang patulan ang ideyang nabuo sa kanyang isip. Ano kaya kung bumaba siya at makihalubilo sa mga taong naghihintay ng masasakyan? Makipagsiksikan kaya siya sa unang bus na hihinto sa tapat niya at bahala na kung saan patungo ang bus na iyon.

So what kung abutin siya ng ilang oras para makarating sa Fairview o Letre kaya? It would be an experience for him. Hindi na niya matandaan kung kailan ang huli sa madalang na pagkakataon na sumakay siya sa public transport. At least, bago iyon sa takbo ng buhay niya ngayon. At least, mabawasan naman ang boredom na nararamdaman niya.

Ngunit hindi rin siya umalis sa may tabi ng glass panel ng unit niya. Sa halip, dinala niya sa mga labi ang lumalamig nang kape at sinaid iyon.

Sa sarili lang niya aaminin na nabo-bored na siya sa buhay. Kung isasatinig niya iyon lalo at sa harap ng kanyang mama ay malamang na kulitin na naman siya nito sa pag-aasawa. He was thirty-three. At kung hindi siya nagkakamali, beinte otso pa lang siya noon ay nagsimula na ang kanyang mama na "awitan" siya tungkol sa pag-aasawa.

Hindi naman niya masisi si Donya Milagros Pijuan. Dalawa lang silang magkapatid ni Cassandra. Though his younger sister was now happily married with two children, iba pa rin ang apong hinihintay ni Donya Milagros sa kanya. Siya ang magpapatuloy ng lahing Pijuan.

He smiled at the thought. Kung anak lang ay madali sana. Modesty aside, hindi iilan ang babae na naghahangad na mapaugnay sa kanya. Ang iba ay mismong ang mama niya ang nilalangisan upang mapalapit sa kanya. Ngunit hindi lahat ay nakakalapit sa kanya. Not that he was conceited. Ang katwiran lang niya; kung hindi rin lang niya gusto ang babae, hindi niya sasamantalahin ang paglapit ng mga ito.

At isa pa, naniniwala siya sa kasagraduhan ng kasal. Kaya nga kailangang kapag nagpakasal siya, kailangang pag-ibig ang numero unong dahilan at hindi dahil lamang sa nadaragdagan ang edad niya at kailangan na niyang pagbigyan ang kahilingan ng ina.

At sa mga sandaling iyon, malabo pa siyang sumuong sa bagay na iyon. Ni steady date ay wala siya.

Hindi naman niya gustong isipin na iyon ang dahilan kaya nakakaranas siya ng boredom ngayon. Mas gusto niyang isipin na kahit ang mga lalaki ay nagkakaroon din ng mood swings lalo at routine na lang ang bawat araw sa buhay niya.

Four years ago, dalawang taon bago namayapa ang kanyang ama ay pinalitan na niya ito bilang Chairman of the Board and CEO sa Pijuan Group of Companies. Marketing at direct-selling ang nature ng kanilang kumpanya. At hindi biro ang responsibilidad na naatang sa balikat niya mula nang pamahalaan niya iyon. There was a stiff competition among other companies at kailangang hindi sila maubusan ng effective marketing strategy.

Sa parte niya, tila sanay na sanay na siyang pagalawin ang bagay na iyon. Katunayan na ang pagiging consistent number one nila sa market. Hamon sa kanila ang manatili sa estadong kinalalagyan. And with the help of competent, brilliant people in his company, buo ang loob niya na mahihirapan nang husto ang kanilang kakumpetensya bago maagaw sa kanila ang puwestong iyon.

But why the boredom?

Isang tanong iyon na hindi pa rin niya alam ang sagot. Noon ay parang exercise sa kanya ang brain-storming at board meeting. Ngunit matapos ang first quarter ng taon at makita niya ang standing ng kanilang kumpanya sa market, unti-unti ay naramdaman niyang parang hanggang sa opisina na lamang siya masaya. Kapag umuwi siya sa unit niya, parang biglang nawawalan ng kulay ang paligid niya. Ni wala siyang ganang mag-night out. Parang tamad na tamad ang pakiramdam niya.

Places & Souvenirs - BORACAY 4 - Passion And DestinyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon