Part 4

708 43 3
                                    

BANAS na banas na si Sebastian pero nagtitimpi pa rin siya. Napakasaya ng kasalang iyon at ayaw niyang masira ang mood ng mga taong malalapit at importante sa kanya kung magpapatangay siya sa labis na iritasyon.

Pero tila talagang sinusukat ang pagtitimpi niya. Matapos ang mismong seremonya, halos kapit-tuko na sa kanya si Rosette. Kahit na mayroong inilaang upuan para sa mga miyembro ng entourage ay ipinilit nito ang sarili na sa tabi niya maupo.

Alam niya, na-offend si Clarita, ang kapatid ni Catherine na siyang matron of honor nito. Palibhasa, siya ang best man ni Santi, kaya silang dalawa dapat ni Clarita ang pinakamalapit sa mga bagong kasal. Pero dahil sa kagagawan ni Rosette, nag-give in na lang si Clarita upang makaupo si Rosette malapit sa kanya.

At hindi lang iyon. Hindi na niya nagawang makipagsosyalan pa sa ibang naroroon. Sa tuwing magtatangka siyang makipag-usap man lang sa ibang mga abay na babae ay parang inihaharang na ni Rosette ang sarili sa harapan niya. Pakiramdam niya, kulang na lang ay ikuwintas ni Rosette ang isang paskil sa dibdib niya na nagsasabing boyfriend siya nito.

Well, kahit naman wala niyon ay halos alam na rin ng lahat kung anong relasyon mayroon sila. Wala nang magtataka pa dahil na rin sa ikinikilos ni Rosette. At siya naman ay pikang-pika na. Sa kabila ng mga ngiting ipinupukol niya sa ibang bisita, ang nasa isip naman niya ay pilipitin na lang ang leeg ng babaeng hindi na umalis sa kanyang tabi.

Oh, God, hindi niya binalak na maging bayolente minsan man. Pero sa pagkakataong ito, tila masasaid na talaga ang kanyang pasensya. Walang-wala na sa lugar ang kilos ni Rosette.

Napapahiya na rin siya sa mga nangangantiyaw na tingin ng iba niyang kaibigang naroroon din. At alam niya, pati ang mama niyang si Perlita ay nakakahalata na. Ilang beses na siyang kinukunotan ng noo ng ina.

"Saan ka pupunta, Seb?" tanong agad sa kanya ni Rosette nang mapabaling siya ng hakbang.

"Iihi! Sasama ka?" paangil na sagot niya sa babae.

Hindi naman ito natigatig man lang. "Bakit diyan ka papunta? Hindi ba't doon ang CR?"

Naningkit ang mga mata niya. "May CR din doon!" At nilakihan na niya ang hakbang patungo sa katabing property nila.

Sa beach house ni Leo Vargas ang direksyon niya. Bagaman nasakop ang beach front ng property nito ay hindi naman masyadong matao ang lugar na iyon kumpara sa kanila. Hindi na siya makahinga sa ginagawang pagguguwardiya sa kanya ni Rosette. Kung kumilos ito, tila ba mapakurap lang ito ay hihila na siya ng ibang babaeng ipapalit dito.

But then, sa mga sandaling iyon ay ngali-ngali na rin niyang gawin ang ideyang iyon. Sakal na sakal na siya sa kilos na iyon ni Rosette. Kung hindi nga lang inaalala niyang makakaagaw siya ng eksena sa mga ikinasal, baka nakipaglandian na rin siya sa isa sa mga abay na babae.

Sa lahat ng bridesmaids, si Louise pa mandin ang pinakamaganda at pinakasosyal tingnan. Sa tuwing magtatama ang mga tingin nila, may ipinararating na mensahe sa kanya ang babae.

At kung papatulan niya iyon, lalong aandar ang insecurity ni Rosette.

Hindi pa naman nila mapipigil ang komento ng mga tao. Bukod sa paghanga sa bride, very vocal din ang mga bisita sa paghanga sa mga abay. Kesyo ubod ng mestiza at sosyal. Kesyo kaykikinis ng mga kutis at halatang anak-mayaman. At si Rosette ay hindi naman anak-mayaman. Hindi rin mestiza at lalong hindi sosyal tingnan.

Naiintindihan niya ang insecurity ni Rosette. Alam niya, naa-out of place ito sa ibang mga abay na kung magsipag-usap pa mandin ay pawang mga paksang ang mga ito lang ang nakakaintindi.

Bukod sa pag-Ingles-Ingles, ang nariringgan niyang paksa ay foreign exchange at comparison ng iba't ibang experience sa mga bakasyon nito sa Hawaii at Mediterranean cruise. Walang-wala talagang maiaambag si Rosette sa mga ganoong usapan.

Pero kung gagawin nitong panakip-butas sa sarili nitong dilemma ang pagkakapit-tuko sa kanya, na parang gusto nitong ibando sa lahat na kahit naman hindi ito mukhang sosyal at mayaman ay mayroon namang boyfriend na katulad niya; hindi naman siya kumbinsido roon.

Sa pakiramdam niya, ginagamit din ni Rosette ang pagiging mag-boyfriend nila para ipamukha sa mga sosyal na abay na iyon na kahit ito ang pinaka-mukhang alalay sa mga abay, ito pa rin ang panalo pagdating sa kanya.

Dahil hindi lang naman si Louise ang nagpi-flirt sa kanya. Modesty aside, lahat ng mga abay ay nakikipag-eye contact sa kanya maliban lang kay Clarita na ang atensyon ay nakatuon lang sa asawa nito.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon