PAGKAGALING ni Sebastian sa CR ng katabing beach house ng sa kanila ay natawag ang pansin niya ng dalawang babaeng nag-uusap. Hindi niya alam kung ano ang paksa ng dalawa. Basta ang tiyak niya ay narinig niya ang sarili niyang pangalan na binanggit ng mga ito.
Palibhasa ay kabisado na rin niya ang beach house na iyon, pinili niyang lumabas sa service door. Si Manang Ising ang nakita niyang tila may sinusundan ng tanaw.
"Manang Ising!" tawag niya sa matanda. "Kayo ba ang naringgan kong may kausap?"
Ngumiti ang matanda. "Seb, nariyan ka pala. Aba'y dumating nang walang abog si Ayen. Panay nga ang hingi ko ng dispensa dahil nadatnan niyang ganito kagulo ang lugar. Mabait talaga ang batang iyon. Hindi naman nagalit. Hayun! Lumakad na't kilala pala niya ang ama ni Catherine. Sa wari ko'y makikipagsosyalan na."
"Ayen? Si Adrienne nga ho ba ang sinasabi ninyo?" Magkahalo ang gulat at tuwa sa tinig niya.
"Sus! Mayroon pa ba namang iba? Kaisa-isang anak iyon ni Leo."
"Saan ho gumawi?" interesadong tanong niya. Bigla siyang nakadama ng excitement. Napakatagal na rin buhat nang huli niyang nakasama ang kababata.
"Saan pa, di, kung saan maraming tao. Hahanapin raw iyong daddy ni Catherine. Hindi ka mahihirapang hanapin ang batang iyon. Alam mo na, saksakan pa rin ng ganda. Piho ko'y lahat ng tao, sa kanya matututok ang pansin kapag nagdaan siya." Hindi maikakaila ang pagmamalaki at paghanga sa tinig nito.
Napatango siya. At bagaman natural na reaksyon lang sana iyon, nakadagdag na rin doon ang pagsang-ayon sa tinuran ng matanda.
Mahigit limang taon na yata buhat nang huli niyang makita si Ayen. Buhat nang mamatay ang daddy nito ay bihira na itong mauwi sa Cagayan. Alam naman nilang lahat na ang katigasan ng ulo nito ang pinaiiral para lamang makauwi sa Pamplona. Kung ang ina lang nitong Kastila ang masusunod, nunca na itong matuntong uli sa dulong bahagi na iyon ng Pilipinas.
But Ayen was a remarkable girl.
Buhat pa ng bata ito ay naging malapit na ito sa maraming mga Cagayano sa bahaging iyon ng probinsya. She was a daddy's girl. Proud na proud si Leo na isama ang anak sa anumang lakad nito. At sino nga ba ang hindi magiging proud kay Ayen? Bukod sa maganda na at napakabibo pang bata.
Limang taon yata ang agwat niya kay Ayen. Nasa grade school pa lang ito ay high school na siya. Pero dahil iyon ang panahong madalas siyang maglagi sa dati pa nilang kubo sa Sitio Pattiqui, sila ni Ayen ang naging magkaibigan.
Siya ang nagturo kay Ayen na huwag magkaroon ng takot sa tubig. Mahilig lang ito noong maglaro sa buhanginan pero hinding-hindi niya mapalusong sa dagat.
Hindi niya nagawang turuan lumangoy si Ayen pero pakiramdam niya, malaking bagay na rin na sa bandang huli ay nagagawa na ni Ayen na magtampisaw sa tubig.
Hinayon niya ng tingin ang paligid. Surely, he wouldn't miss her. Sa pagkakatanda niya ay nineteen o twenty si Ayen noong huli niyang makita. Noon pa ay talaga namang lalo na itong gumanda. She was no longer cute nor pretty. She turned into a beautiful, elegant lady.
At pagkuwa ay nahagip ng kanyang tingin ang isang babaeng matikas ang tindig. Ang lampas-balikat na buhok nito ay nilalaro ng hanging-dagat. Ang manipis na blouse ay humahakab sa katawan dala ng hihip ng hangin. She was wearing jeans. At sa buong maghapon sa kasalang iyon ay ito lang ang tangi niyang nakita na nakasuot ng ganoong pantalon.
He was sure that it was Ayen. palinga-linga ito. Tila naghahanap ng kakilala. Then he saw her face from side view.
Sebastian was stunned for a second. Alam na niyang maganda ang babae pero tila nabigla pa rin siya. She looked like a goddess. With that sheer blouse and jeans, she looked like an immortal trying to join the mortals.
Parang kusa nang sumilay sa mga labi niya ang isang matamis na ngiti. Bumilis ang hakbang niya. At dama niya sa bawat kilos ang pananabik sa isang espesyal na kaibigan.
"Ayen?" he called.
Biglang lumingon ang babae. Then he saw her flashed a sweet smile. Tila pati mga mata nito ay dagling nagningning. Awtomatiko ring bumuka ang mga bisig nito. "Seb!" tuwang wika nito at nauna pang yumakap sa kanya.
Sa kabila ng labis na katuwaan niya ay nakadama siya ng pagkailang sa yakap na iyon. Naalala rin niya si Rosette. Nasa paligid lang ang babae at baka makita sila. Pero agad din niyang binalewala ang isiping iyon. Nang madama ang mainit na pagtrato ni Ayen sa pagkikita nilang iyon ay gumanti na rin siya ng yakap dito.
"Kumusta? Ako, heto, hamak pa ring magtotroso," sabik niyang wika dito. "But at least presentable ako ngayon. Tingnan mo, nakapamburol ako." Iniliyad niya ang dibdib at hinagod ang suot na barong.
"Luko-luko ka pa ring talaga."
"Timing na timing ang uwi mo. Sakal ni Santi. Gusto nang magpabigti sa pag-ibig!"
Humiwalay sa kanya ng yakap si Ayen at tinampal siya sa balikat. "Luko-luko! Hanggang ngayon, puro ka pa rin kalokohan!"
"Hindi naman, madam. Masayahin lang. Tingnan mo naman ang pruweba, mukha lang akong beinte y uno. Ilang taon ka na nga, Ayen? Thirty-five? God, mukha ka lang treinta!"
Pinanlakihan siya nito ng mata. "Seb, hanggang ngayon, hindi ka pa rin nagbabago! Excuse me, twenty-four pa lang ako. At napagkakamalan pang nineteen paminsan-minsan."
"All right, I concede. Pareho lang tayong young-looking. But I'm still young, though. Hindi pa naman matanda ang malapit nang mag-treinta, di ba?"
"You're turning thirty?" tila shocked na wika ni Ayen. "Bakit hindi ka pa nakipag-double wedding kay Santi? Baka naman mukhang apo mo na ang anak mo kapag naisipan mong magpakasal."
"Ehem. Lalaki ako. Okay lang kahit may edad nang mag-asawa. Ikaw nga, sa itsura mo, mukha kang dalagang-dalaga. Kailan ka mag-aasawa?"
Ngumiti si Ayen. "Kasalan pala ito. Di, dito ako maghahanap ng mapapangasawa."
Tila nagkaroon ng lambong ang ekspresyon niya nang makitang seryoso ang ekspresyon ni Ayen. "Sigurado ka?" arok niya. At hindi niya maintindihan kung bakit tila nais niyang tumutol sa tinuran nito.
Humalakhak si Ayen. At natanto niya, kahit na malakas ang naging tawa nito ay hindi naman bulgar. It sounded sexy and classy. Katulad na katulad ng personalidad na taglay nito.
"Gusto mong himatayin nang wala sa oras si Mommy kapag narinig akong nagsasalita nang ganyan?" tumatawa pa ring sabi nito. "Seriously speaking, umuwi ako rito para magbakasyon. And please, don't ask me how I convinced my mom. I didn't. Umalis akong masama ang loob niya. And of course alam mo na ring hindi naman na nakakapagtaka iyon."
"Totoo, magbabakasyon ka dito?" Bumalik ang tuwa sa mukha niya. "Ako na lang ang guide mo. Ipapasyal kita sa buong Cagayan."
Itinirik ni Ayen ang mga mata. At kahit na nagmukha itong childish, tila hindi naman nabawasan ang taglay na ganda.
"At para namang unang tuntong ko nga rito sa Cagayan." Hindi pa rin nabubura ang matamis na ngiti sa mga labi nito. "Pero sige, kung mapilit ka bang samahan akong mamasyal, bakit ako tatanggi?"
"Okay, deal iyan, ha? Ako ang official tour guide cum alalay at bodyguard mo. Suwerte mo, guwapo ang palaging nasa tabi mo. At dahil sa ganda mong iyan, tiyak kong mabubulabog ang buong male population ng Cagayan. Ako na rin ang magsasala ng mga manliligaw mo."
"Sebastian, tumigil ka na nga riyan! Nakakahiya na sa mga nakakarinig. Baka akala, mayroon ditong mutual admiration society."
He grinned. "Basta deal natin iyon, okay?"
"Okay, deal," mabilis namang sabi ni Ayen. "Nasaan nga pala ang papa mo at si Secretary Abaya? I want to meet them. Saka gusto ko ring bumati sa mga bagong kasal. Kahit wala akong dalang regalo."
"Saka mo na isipin ang regalo. Tara doon. At pati si Mama tiyak na matutuwa kapag nakita ka."
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To You
Romance"Gusto kig ligawan, Adrienne. Pero hindi naman ako marunong manligaw. Marunong lang akong mang-asar." ***** Adrienne Isabel Montoya Vargas. Pangalan pa lang niya ay para nang credit card na tinaggap kahit na saang tindahan. She belonged to the upper...