Part 2

814 48 1
                                    

SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon ay napuno ng buhay at sigla ang bahaging iyon ng Pamplona. Ang malaking bahagi ng beachfront ay binakuran ng nilalang dahon ng puno ng niyog. May mga higanteng kawayang kubol na nakatirik sa malawak na lupain. Ang dating madamong solar ay maaliwalas ngayong tingnan.

Nagmukhang masikip ang mahigit dalawang ektaryang beachfront property ni Luis Bergonia sa Sitio Pattiqui. Ang isang bahagi na inilaan nito bilang parking lot ay punum-puno ngayon ng iba't ibang sasakyan. Magkakahalo roon ang mamahalin at pangkaraniwan. Mayroon din doong ilang bus na arkilado upang makarating ang mga bisita mula sa Peñablanca. Ang mga bisita buhat sa Abulug ay nagsipag-arkila ng PUJ upang makadalo sa kasalang iyon.

Ang kasal nina Catherine at Santi ang maituturing na pinakamarangyang kasalan sa lugar na iyon. Hindi na kailangang magpakalat ng imbitasyon. Kumbidado ang lahat. At sa tingin ni Sebastian, tila naipon ang buong populasyon ng buong Cagayan sa solar nilang iyon.

Wala naman siyang reklamo. Inaasahan na ang pagdagsa ng mga bisita dahil na rin sa likas na maraming kaibigan ang mga magulang niya. At hindi na rin nakakapagtaka ang presensya ng mga maiimpluwensyang tao at mga pulitiko sa kasalang iyon. Buhat naman iyon sa mga kumbidado ng ama ni Catherine. Lima sa kasalukuyang senador ng bansa ay kabilang sa principal sponsors ng mga ito. Puwera pa roon ang miyembro ng kongreso at gobernador ng Cagayan.

It was a beautiful beach wedding. Isang beach house na yari sa anahaw at kawayan ang pinaapura ni Luis na ipatayo upang doon bumaba ang napakagandang bride. Napatingin si Seb sa relo, isang oras pa bago ang takdang seremonyas subalit kanina pa damang-dama ang init ng nasabing okasyon.

Alas kuatro y medya ang simula ng seremonya. Si Catherine ang may gusto na habang papalubog ang araw ay ikinakasal naman ito. Romantic daw ang ganoon. At sa palagay naman ni Seb, aabutin din siguro ng sikat ng araw ang magiging selebrasyon sa dami ng nais makipagsaya sa okasyong iyon.

Ibinaling niya ang tingin sa katabing property ng lupa nila. Pati ang beachfront niyon ay nasakop na ng pagdadausan ng reception. Ang alam niya, kinausap ng papa niya ang katiwala ng lupa upang magamit ang ilang bahagi niyon. Kung tutuusin, mas nasisinop ang property na iyon kaysa iyong sa kanila.

Kahit na hindi na umuuwi roon ang pamilya ng may-ari, may nagpapala pa rin sa property na iyon. Hindi kagaya ng lupa nila. Naalala lang iyon nang nag-iisip na ng konsepto para sa kasal nina Catherine at Santi. Noong huli yata nilang mapuntahan iyon ay mahigit limang taon na ang lumipas.

"Seb, okay na ba itong gown ko? Maganda na ba ako?" lapit sa kanya ni Rosette.

Isa ito sa mga abay na kinuha ni Catherine. Naging magkaibigan ang mga ito matapos muntik nang magsabunutan noong engagement period pa lamang nina Catherine at Santi. Pinagseselosan ni Rosette si Catherine dahil hindi pa nito alam noon na magiging hipag niya ang bride.

Mabilis niyang hinagod ng tingin ang kasintahan. Wala naman siyang makitang diprensya sa ayos ng babae. Ang gown nito ay layers ng maninipis na puting tela na hindi naman siya interesado kung ano ang tawag. It was a girl's thing. Para sa kanya, ang damit ay damit, anumang uri ng tela iyon.

"Okay naman," wika niya dito.

"Ang makeup ko, hindi ba masyadong makapal?" tanong uli ni Rosette. "Sabi kasi nu'ng nag-ayos sa amin, ganito lang daw dapat ang kulay. Saka dapat natural look para mukha kaming mga diwata ng dagat."

"Rosette, natural look kasi mukha namang wala kang makeup. So, bakit ka namomroblema kung makapal?"

"Eh, kasi baka hindi bagay sa akin ang makeup ko magmukha akong tanga sa entourage. Kita mo naman ang ibang abay ni Catherine, puro sosyal. Pakiramdam ko, ako lang ang mukhang promdi."

Nakadama siya ng awa sa babae nang mahimigan ang insecurities sa tinig nito. Pinisil niya ang isang balikat nito. "You are pretty in your own right."

"Pretty!" bulalas nito. "Samantalang iyong ibang mga abay, ang naririnig kong sinasabi sa kanila: 'God, you're so beautiful!', 'You looked so gorgeous!' 'You're dazzling!' Seb, baka mukha lang akong taga-bitbit ng sapatos nila!"

"Rosette, hindi ka magmumukhang taga-bitbit ng sapatos nila. Hindi ba, wala naman kayong sapin sa paa? Kasali iyon sa concept ng wedding coordinators na binayaran nina Santi at Catherine."

"Seb, namimilosopo ka naman, eh."

"Look, don't worry if you're just 'pretty' Iyon ang appropriate word para sa iyo. You're not beautiful, not gorgeous and not dazzling dahil iba naman ang personalidad mo kaysa sa ibang mga abay."

Tinitigan siya ni Rosette. "Pero maganda rin ba ako, Seb?"

Ngumiti siya dito. "Oo naman. Hindi ba, mahigit limang taon na akong nagpapaalipin sa ganda mo?"

"Seb naman, eh!" maktol nito at pumadyak pa.

"Stop that, Rosette. That's childish. Baka akala ay flower girl ka."

Umirap ito. "Seb, tayo, kailan magpapakasal?"

"Ha?" wika niya rito kahit na malinaw naman niyang narinig ang sinabi nito. Mabilis siyang umiwas ng tingin nang makita ang expectant na anyo nito. "Huwag muna nating pag-usapan ang tungkol diyan, Rosette."

"Pero, Seb—"

"Look at this wedding, Rosette. Kahit naman magkahati sa gastos ang daddy ni Catherine at ang Papa, malaking pera pa rin ang sangkot dito. Mamumulubi na si Papa kapag sinabi ko sa kanyang gusto ko na ring magpakasal."

"Hindi naman ganito ka-en grande ang gusto ko, eh. Kahit civil wedding lang, papayag ako."

Napalunok si Seb. Parang bigla ay naalarma siya sa tonong iyon ng kasintahan. He looked around. Wala namang ibang nakakapansin sa kanila sapagkat abala ang mga tao sa pakikipag-sosyalan. Pero ganoon pa man ay hinila niya si Rosette sa isang mas kubling lugar.

At bago niya nagawang isatinig ang nais niyang itanong ay isang buntong-hininga ang ginawa niya. At isang maikling panalangin na sana ay makakapagpaluwag sa dibdib niya ang isasagot nito.

"Tell me, Rosette, are you pregnant?" kabadong tanong niya dito.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon