Part 12

726 52 5
                                    

"HA?" At umatake ang pagkanerbyosa niya. "Saan?"

Hindi na malaman ni Adrienne kung paano kikilos. Malikot ang naging galaw ng mga mata niya. Hinahanap niya ang ahas na sinasabi ni Seb na tumuklaw dito pero malinis naman ang sahig.

Hinayon ng mga mata niya ang posibleng gapangan ng ahas. Madamo sa paligid ng cottage. Puwedeng doon na pumunta iyon.

"Ayen," he called.

"Oh, God, Seb! Ano ang gagawin ko?" tarantang tanong niya.

Niyuko niya ang balahibuhing binti nito. Pantalong maong na pinutol hanggang tuhod ang suot nito. At sa kapal ng balahibong nakagapang sa binti nito, hindi niya matukoy kung saang parte ito posibleng natuka.

"Sipsipin mo iyong parteng natuka," ani Seb na tila hindi makahinga.

Lalo siyang nag-panic. Paano kung mabilis nang kumalat ang kamandag ng ahas sa katawan nito? Umuklo siya sa paanan nito. Hindi niya malaman kung lain binti ang hahawakan. Ang titigas ng binti nito. Hindi niya alam kung natural na matigas ang kalamnang iyon o dahil nagsisimula nang manigas dahil napaparalisa na ng kamandag ng ahas.

"Alin ba dito?" naiiyak nang tanong niya. "Seb, hindi ko alam ang gagawin ko. Tatawag na lang ako ng tulong."

"Nasa bungad pa iyong caretaker nitong resort. Bigyan mo na ako ng first aid." At napangiwi si Seb. "Iyang kanang binti ang natuka."

Doon nga siya nag-concentrate. Nanginginig ang mga daliri niyang hinaplos ang binti nito sa paghahanap ng sugat na nalikha ng ahas.

"Hindi ko makita!" aniya na mas nagpa-panic na kaysa sa binata.

Dumukot si Seb sa bulsa nito at naglabas ng panyo. "Diyan sa may hintuturo mo. Here, talian mo ng panyo pagkatapos para mapigil ang akyat ng kamandag."

Pahablot na kinuha niya ang panyo. Hindi pa man niya nagagawang hanapin ang sugat ay itinali na nga niya ang bandang itaas ng binti nito. Then she searched again. His hair was rough to the touch pero hindi na niya iyon binigyang-pansin. Ang konsentrasyon niya ay makita ang sugat nito.

"Seb, bakit wala?" she cried.

"Kasi wala namang talaga!" At bigla na lang humalakhak si Seb.

Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya. Parang palo-palong paitsa niyang binitawan ang binti ni Seb at padaskol na tumayo. Ngayon ay talagang maiiyak na siya. At iyon ay dahil sa labis na inis!

"Nakakainis ka, Sebastian!" talak niya. "Nakita mo nang mamatay na ako sa nerbyos, niloloko mo pa ako!" Dinuro-duro niya ang mukha nito.

"Hey, Adrienne, baka matusok ako sa mata ng daliri mo. Mabubulag ako niyan!"

"Talagang bubulagin kita!" kandaiyak na wika niya. "Nakakainis ka! Nakakainis ka!"

Hinawakan ni Seb ang kamay niya at saka siya iniupo sa tabi nito. "Sobra ka namang mag-react, para binibiro ka lang, eh."

"Hindi naman ako nakikipagbiruan sa iyo, ah? Kabadong-kabado na nga ako, sobra ka pang makaarte riyan!"

"Tinitingnan ko lang naman kung concern ka, eh."

"Ah, ganoon?" galit pa ring wika niya. "Puwes, naubos na ang concern ko sa iyo. Bahala ka sa buhay mo. Matuka ka nga sana ng ahas!"

Tumayo siya at iniwan ito.

Mabilis namang humabol si Sebastian. "Hey, wait! Adrienne, huwag mo akong iwan."

"Ewan ko sa iyo. Maglakad ka pauwi!" At lakad-takbo ang ginawa niya upang lumaki ang distansya niya dito.

Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon