Part 5

717 48 3
                                    

EN GRANDE nga, Adrienne thought. Wedding of the century yata ng buong lalawigan ng Cagayan ang nagaganap na kasalan. Gusto tuloy niyang mapangiwi habang napapansin ang mga nilalagpasan niyang sasakyan na nakaparada. Kahit saan yata siya magpunta ay sinusundan siya ng tatak ng karangyaan at sosyalan.

Hindi na niya alam kung ilan ang nilampasan niyang Mercedes-Benz, Land Rover at BMW. May namataan pa siyang Bentley at Audi. Bukod pa roon ang ibang klase pa ng luxury vehicles. May sumasalit ding pangkaraniwang sasakyan. Tila lahat ng tao sa gawing iyon ng Pilipinas ay kumbidado sa pagtitipong iyon.

Nang makita niyang pati property nila ay nasakop na bilang parking lot ay hindi na siya nagtaka. Humanap na lang siya nang mapaghihimpilan ng sasakyan niya subalit tila wala nang espasyo. Kunsabagay, pati nga kalye ay naging parking lot na sa dami ng bisita.

"Manang Ising!" malakas na tawag niya nang makilala ng isang may-edad nang babae na palapit sa kanya. "Si Ayen ho ako!"

"Ayen? Aba! Napasugod ka!" Magkahalo ang gulat at tuwa sa tinig nito. "Akala ko'y may nahuli lang na bisita. Bakit hindi ka nagpasabi na darating ka? Nadatnan mo tuloy na ganito kagulo dito. Pasensya ka na. Hindi lang ako nakatanggi sa pakiusap ni Manong Luis. Kasal kasi ng panganay niya at kinailangan ang espasyo ng lupa ninyo."

Ngumiti siya nang matamis. "Nagulat lang ako kanina pero okay lang, Manang. Hindi naman araw-araw na may gagawing kasalan dito sa lugar na ito." Bumaba siya at isinukbit agad sa balikat ang carryall bag.

"Mabuti na lang at hindi mo kasama ang mommy mo. Kung nagkataon baka malulon ko na lang ang dila ko at hindi ko na magawang humingi ng dispensa."

"Himala kapag nag-interes si Mommy na sumama dito. Iyon pa? Kulang na nga lang ay himatayin nang malamang dito ko balak magbakasyon."

"Bakasyon ba kamo? Dito ka magbabakasyon?" tila hindi makapaniwalang sambit nito.

"Oho. Okay lang ho ba?" himig-nagbibirong wika niya.

"Aba'y okay na okay! Nasaan ang mga gamit mo?"

"Nariyan ho sa backseat pero mamaya ko na lang ibababa. Ang daming tao, Manang. En grande'ng en grande ang kasalan, ano ho?"

"Sinabi mo pa! Limang senador ang nariyan bukod pa ang mga kongresista at sina Gob at Mayor. Meron ding sikat na announcer sa radyo at TV."

"Wow! Bigatin!"

"Nagkataon daw na personal na kaibigan iyon ng balae ni Manong Luis. Iyon bang pinalitang secretary ng DFA. Kunsabagay, napakaganda naman ng bride. Sosyal na sosyal! Pero mabait din naman ang batang iyon. hindi nangingiming makipag-usap kahit na kanino. Ka-suwerte nga ni Santi sa napangasawa niya, eh."

"Former DFA sec? You mean, Henry Abaya? Anak niya ang napangasawa ni Santi?"

"Aba'y kilala mo pala si Catherine? Oo, sila ni Santi ang nagkatuluyan. Dati pa pala ay magkaibigan na sina Manong Luis at Secretary Abaya."

"Hindi ko kilala si Catherine. Ang mismong daddy niya ang kilala namin ni Mommy. Where is he?"

"Nandiyan sa may baybay. Doon ang reception, eh. Kung gusto mo, ikaw na ang humanap sa kanya. Batiin mo na rin ang mga bagong kasal. Siguro naman natatandaan ka pa ni Santi."

"Baka hindi na, Manang Ising. Matagal na akong hindi nauuwi dito. Saka hindi naman si Santi ang naging ka-vibes ko sa mga anak ni Manong Luis. Iyong bunso, si Seb."

"Nariyan din si Seb, siyempre. Pero ingat ka lang sa taong iyon. Baka mahagip ka ng tingin ng selosang girlfriend ay bigla ka na lang sabunutan. Tingin ko pa naman sa dalawang iyon ay kanina pa mayroong hindi napagkakasunduan."

"Bakit naman ako madadamay? Kadarating ko lang, ah?' pa-inosenteng sabi niya.

"Ayen, iyang itsura mong iyan, hindi na nakakapagtaka kapag pinagselosan ng babaeng iyon. Nakakaawa ngang nakakakainis, eh. Maganda rin naman, kung bakit selos pa nang selos."

Tumawa siya nang mahina. "Ibig sabihin, Manang Ising, maganda ako?" pabirong sabi niya.

"Ano ba namang tanong iyan? Saksakan ka nang ganda, hija. Manahin mo ba naman ang ganda at kutis ng mommy mo, di taob palagi sa iyo ang kahit na sinong babaeng matatabi sa iyo."

Tinapik niya ang braso ni Manang Ising. "Kaya ko kay nami-miss, Manang. Bilib na bilib kayo sa beauty ko!"

"Aba'y talaga namang maganda ka, Adrienne! Sulong, magpakita ka na sa kanila. Tiyak na magugulat silang lahat kapag nakita ka."

"Eh, Manang, wala naman akong balak na mang-agaw ng eksena. Kung doon na lang kaya ako sa kuwarto ko?"

"Iyon pa nga ang isang problema, hija. Okupado ang silid mo. Iyon ang ginamit ni Santi kanina habang naghahanda ng kasal niya. Hindi ko pa naaasikasong maglinis doon dahil tumutulong pa ako sa mga kusinera. Pasensya ka na kung pati kuwarto mo ay naipagamit ko. Pero kung alam ko lang na darating k—"

"Okay lang, Manang." Nawala na rin ang iritasyon niya kanina. Ngayon ay hindi na big deal sa kanya kung nagamit man ang property nila nang walang permiso sa kanila. Parang nabuhay ang dugo niya ngayon na may malaking okasyon na nagaganap. "Basta mamaya, doon ako matutulog, ha? Baka maaga rin akong mamahinga? Ang haba ng biyahe ko, eh."

"Oo nga pala, ikaw lang ba talagang mag-isa? Terible ka namang bata, ka-babae mong tao ay nagmaneho ka nang ganito kalayo."

"Stop it, Manang. Para ka tuloy si Mommy. Pahinga muna ako sa sermon, okay?" Nauna na siyang humakbang at excited na hinanap ang lugar kung saan idinaraos ang pagdiriwang.

Nakakalula ang dami ng mga bisita. Mataginting ang halakhakan sa paligid. Pero hindi na siya nasindak. Aral na aral siya sa pakikipagsosyalan ng ina kaya naman kahit wala pa siyang natatanaw na taong kakilala, may naka-plaster nang ngiti sa kanyang mga labi.

She was wearing her charming smile. Alam niya, sa klase ng ngiti niyang iyon, may mag-iinteres na lumapit sa kanya kahit na nga ba tila hindi akma sa pagtitipon ang denim jeans at sleeveless cotton blouse ang suot niya. Napakakaswal tingnan kumpara sa suot ng mga naroroon.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon