PINANDIGAN nga ni Sebastian na sa beach house niya ito matulog kahit na nga ba hindi naman siya tuwirang pumayag. Matapos ang hapunan ay nagkukuwentuhan sila ni Catherine. Naging madali ang pagbubukas ng usapan sa kanila dahil iisa ang uri ng buhay na kinalakhan nila.
Si Catherine, bilang dating ambassador's daughter at siya bilang apo ng isang namayapang ambassador. They were even comparing notes in their escapades abroad. Paminsan-minsan ay nakikisabad din naman si Santi na kaharap din nila.
Kinuwento na rin niya ang kalokohan ni Sebastian kanina na kunwa ay natuka ng ahas. Ganoon na lang ang naging lakas ng pagtawa ng mag-asawa. Hindi nila kaharap si Seb. Ang paalam nito ay sasaglit sa beach house ng mga ito.
Upang sa wari ay kumuha ng mga gamit. Nang bumalik ito ay kumpleto pa sa costume na ternong pajama, may kipkip na unan at kumot. Nagkatinginan na lang silang tatlo nina Catherine at Santi. Sa sala sila nagkukuwentuhan. Pumagitna roon si Seb para maglatag saka nahiga na tila hindi sila nakikita.
"Aba, Seb, mahiya ka naman kay Ayen," wika dito ni Santi.
"Hayaan ninyo ako," paungol namang sabi ni Seb. "Kayong mag-asawa, umalis na kayo nang makarami kayo. Gusto ko ng maraming pamangkin. Kambal agad ang gawin ninyo. Nasa lahi naman natin iyon. May pinsan si Mama na kambal."
"I can't believe this!" bulalas na lang ni Catherine.
Tumayo na si Santi. "Ayen, what can you say? Kung hindi mo masikmurang dito matulog ang taong iyan, kahit hilahin ko iyan pabalik sa kabila gagawin ko."
Tiningnan niya si Seb. Mukha naman itong maamong tupa na naka-fetus position pa. Nakapikit din. Ang itsura ay mukhang inosenteng-inosente.
"Mukha namang mabait, eh. Kapag tulog," sabi niya kay Santi.
Napailing na lang si Santi. Hindi niya masabi kung nahihiya o naiinis. Inakbayan na nito ang asawa. "Ganito na lang, Ayen. Tutal, diyan naman kami talaga matutulog sa labas, sumigaw ka lang nang malakas kapag may kalokohang ginawa ang lalaking iyan. Okay?"
Ngumiti siya. "Huwag kayong mag-alala. I can take care of myself. Black-belter ako sa karate saka recognized markswoman din ako."
Biglang dumilat si Sebastian. "May baril ka?"
Napabungisngis si Catherine. "Bakit mukhang natakot ka? Siguro, may hidden agenda ka kaya nagpupumilit kang dito matulog, ano?"
"Hindi ako takot. Nagulat lang," katwiran nito at bumalik na uli sa dating posisyon.
"Pasensya ka na riyan sa kapatid ko, Adrienne," wika na lang ni Santi. "Sabi kasi ni Mama, walong buwan lang iyan nu'ng ipanganak niya. Hindi naman ipina-incubator ng doktor kaya siguro nagkaganyan."
"It's all right." Inihatid na niya sa may pintuan ang mga ito. "Tour guide ko raw siya, eh. Saka alalay at bodyguard. Baka kaya gusto na ring dito matulog. Paninindigan siguro ang pagiging alalay at bodyguard. Saka hayaan na natin. Brokenhearted daw siya, eh."
Nagitla si Santi. "Brokenhearted? Kailan pa?"
"Nag-break daw sila ni Rosette kagabi," kuwento naman niya.
"I can't believe it!" wika uli ni Catherine. "Sweetheart, si Seb saka si Rosette, nag-break? Himala!"
Napakunot naman ang noo niya. Isa man sa dalawa ay tila hindi gustong maniwala sa sinabi niya. Mabilis tuloy siyang naghinala na baka isa na naman iyon sa kalokohan ni Sebastian.
"Adrienne!" Mula sa loob ay tila sumigaw si Seb. "Huwag mo akong itsismis!"
Bigla namang pumihit pabalik sa loob si Santi. "Ano, bro? Sino ang nauntog sa inyo ni Rosette? Ikaw o siya? O baka naman nagsawa ka na rin sa kaseselos ng babaeng iyon sa wakas?"
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To You
Romance"Gusto kig ligawan, Adrienne. Pero hindi naman ako marunong manligaw. Marunong lang akong mang-asar." ***** Adrienne Isabel Montoya Vargas. Pangalan pa lang niya ay para nang credit card na tinaggap kahit na saang tindahan. She belonged to the upper...