KUNG mababasag lang ang mga ngipin ni Rosette sa labis na pagtatagis ng kanyang mga bagang ay malamang na kanina pa siya nawalan ng mga ngipin. Naglalatang na sa poot ang kanyang dibdib. Kahit na sinong magaling na pintor ay hindi marahil magagawang ipinta ang mukha niyang mukha nang sampung piraso.
Bawat segundong lumipas buhat nang iwan siya ni Sebastian ay parang isang oras ng delubyo sa kanya. Pakiramdam niya, nawalan siya ng sandalan nang iwan siya ng kasintahan.
Hindi siya kumportable sa kasalang iyon. Bago pa man ang mismong araw ay hindi na siya mapakali. Alam niya, hindi kagaya ng pangkaraniwang kasalan na nadadaluhan niya ang okasyong iyon. Sa preparasyon pa lang ay lulang-lula na siya. huwag nang sabihin pa ang halaga ng salaping ginastos doon.
At kitang-kita rin niya kung paano hindi halos magkandaugaga si Perlita at Luis sa pag-aasikaso ng kasal na iyon. At noon pa man ay inaatake na siya ng insecurity. Kahit na hindi siya magtanong, parang nakakatiyak na siyang hindi mangyayari sa kanya ang ganitong kasal kapag sila naman ni Seb ang nagpakasal.
Kahit naman bago pa lumitaw si Catherine sa buhay ni Santi ay dama na niyang malayo ang loob sa kanya ng mga magulang ni Seb. Kahit na kinakausap din naman siya ng mga ito at tinatanggap din siya kapag isinasama siya ni Seb sa bahay ng mga ito, dama niyang tila may pader sa pagitan nila.
Hindi kagaya ng pagturing ng mga ito kay Catherine. Tila ba hindi lang basta manugang ang trato nito sa asawa ni Santi—kundi parang isang tunay ring anak.
At mayaman at maimpluwensiya ang pamilyang pinanggalingan ni Catherine. Sa ibang bansa pa pinag-aaral ng ama. Hindi kagaya niya. Ni hindi niya natapos ang high school. Biyahera ng isda sa Isabela ang pamilya niya. Kapag inaabot ng lugi ay lumalaot din sa dagat ang kanyang ama at kapatid para mangisda. Kahit siya, ang amoy niya sa sarili ay malansa. Nararamdaman lang niyang dalaga siya na kaaya-aya kapag kasama niya si Seb.
Kaya naman ganoon na lang kahigpit ang paghawak niya sa relasyon nila ni Seb. Ang pakiramdam niya, kapag nawala sa kanya si Sebastian, wala na siyang pag-asang makaahon sa uri ng buhay na kinalalagyan niya.
Pangarap niyang mapabilang sa pamilya ni Sebastian. Iginagalang ang pamilya ng binata. At mula nang magkaroon sila ng relasyon ni Seb, ramdam na ramdam niya na nagkaroon na rin ng respeto sa kanya ang mga taga-kanila. Dati-rati, mababa ang tingin sa pamilya niya. Kasalanan iyon ng kuya niyang addict. At nitong huli ay nakulong pa dahil nagtulak na rin pala ng bawal na gamot.
Pero maski paano, hindi niya nararamdaman ang pag-alipustang iyon sa kanilang pamilya kapag si Sebastian ang nasa tabi niya. Natatabunan na iyon ng mabangong pangalan ng mga Bergonia.
Kaya naman kahit na ano ang mangyari, hindi siya papayag na mawala pa sa kanya si Sebastian. Kaya nga bigay-todo na siya sa pagkakaloob dito ng sarili upang matiyak na hawak na niya sa leeg ang kasintahan. Ang totoo, gusto na rin niyang mabuntis. Dahil kung mabubuntis siya, ide-demand niyang pakasalan siya nito.
Ang kaso, siguristang masyado si Seb. Bukod sa palagi nitong ipinapaalala sa kanya ang pag-inom ng pills, magaling pa rin ang lalaki sa kung anu-anong safety method. Kaya hindi matuluy-tuloy ang plano niya. Kahit na itinigil na niya ang pagpi-pills, si Seb naman ay tuloy pa rin sa pag-iingat na ginagawa nito.
At nitong huling mga buwan ay namomroblema na rin siya. Mas lalo naman siyang hindi mabubuntis kung ganitong wala silang ginagawa ni Sebastian. Lalo tuloy siyang nai-insecure. Dati-rati, makakita lang ng pagkakataon si Seb ay mayroon nang nangyayari sa kanila. Pero ngayon, siya na mismo ang nagpapakita ng motibo ay tila wala pa ring interes si Seb sa kanya.
Naalarma siya sa kilos nitong iyon. At natatakot din. Paano kung tinatabangan na sa kanya si Seb?
Napabuntong-hininga siya. Ang katwiran sa kanya ni Seb ay pagod ito sa pagtulong sa gagawing kasalan. At nag-aasikaso rin ng mga bisitang isang linggo pa bago ang naturang kasalan ay nagsi-uwi na sa Cagayan upang makapamasyal na rin daw doon.
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To You
Romance"Gusto kig ligawan, Adrienne. Pero hindi naman ako marunong manligaw. Marunong lang akong mang-asar." ***** Adrienne Isabel Montoya Vargas. Pangalan pa lang niya ay para nang credit card na tinaggap kahit na saang tindahan. She belonged to the upper...