"ROSETTE?" gulat na sabi niya nang makita niya kung sino ang sinasabi ni Manang Ising na naghahanap sa kanya.
Wala siyang inaasahang bisita. Kung sina Catherine at Santi ang dumarating ay kusa na siyang hinahanap ng mga iyon. At kalabisan nang banggitin pa si Sebastian na mas gustong palagi na lang siyang ginugulat kapag dumarating ito.
Pero wala ang binata. Ang paalam nito sa kanya ay pupunta sa Peñablanca. Kung hindi lang siya dumaing na sumasakit ang ulo kaninang nagising siya, sana ay isasama siya nito. pero mas gusto ni Seb na mamahinga na lang siya.
"Ako nga. Gusto sana kitang makausap," pormal na sabi nito.
"Halika, pumasok ka," pormal ding anyaya niya dito. Wala siyang ideya kung ano ang sadya nito sa kanya. Pero hindi niya maintindihan kung bakit parang may kabang umaahon sa dibdib niya sa pagdating na iyon ng babae. "Maupo ka muna. Magpapahanda lang ako ng merienda."
"Huwag na," mabilis na sabi nito. "Hindi naman merienda ang idinayo ko dito."
"Ano?" she asked. Sa kabila ng kaba niya ay nagsisimula na siyang mapikon sa babae. Hindi niya gusto ang asta nito. May taray at may tapang. At tila sinusukat din siya kapag tinitingnan siya. Pero ipinaalala niya sa sarili na hindi siya dapat pumatol dito hangga't makakapagtimpi siya.
"Gusto ko lang malaman kung hanggang kailan ang bakasyon mo."
Kumunot ang noo niya. "Bakit interesado ka?"
Tumawa ito nang bahaw. "Natural. Wala naman akong balak na ipahiram nang habang-buhay sa isang bakasyunista ang boyfriend ko."
"Boyfriend mo? Si Seb?" Mas higit ang pagtitimpi sa tinig niya. Pakiramdam niya, sa ilang segundo ay nakatakdang maipon ang lahat ng dugo niya sa kanyang utak.
"Si Seb, tama ka. Alam mo, naiintindihan ko naman kung bakit halos lahat ng oras ay kayo ni Seb ang magkasama. Siyempre, bakasyunista ka at dati nang friend niya." Idiniin pa nito ang salitang friend. "Siyempre kailangan ka niyang ipasyal at libangin. Isa pa, parang bayad na rin iyon sa iyo ng pamilya niya. Dumating ka nang biglaan at nataon pang kasal nina Santi at Catherine. Nakita mong pati lupa ninyo ay nasakop na nang magarbong kasalang iyon."
"It's not a big deal to me. Katiting mang disnaya ay hindi ko naramdaman kahit ginamit nila itong parte ng lupa namin. Ang tagal nang nakatiwangwang nito. Maige nga at napakinabangan naman kahit minsan lang," she almost snapped. "And let me tell you, Rosette. Sebastian used to be my friend. Used to. Now, he's more than just a friend. We are already engaged to be married. He proposed to me and I accepted. I know that you and Seb have something in the past. But it's already a past. I understand that. At uulitin ko uli. Past. Malinaw naman sguro iyan sa iyo."
Pagalit na tumayo ang babae. Ang buong ekspresyon ay galit din. "Hoy, babaeng kulang sa dugo! Huwag mo akong Inglesin nang Inglesin. Alam ko, mayaman ka't may pinag-aralan. Pero kahit na kasing-puti mo pa si Kristine Hermosa at kasing-ganda mo pa ang isang diyosa, hindi mo makukuha si Seb. Akin siya. Kung nag-iilusyon ka, puwes mag-isip-isip ka."
Naningkit ang mga mata niya. "Hindi ko ugaling magtaboy ng isang bisita, Rosette." Halos gumaralgal ang tinig niya sa pagpipigil ng galit. "Pero hindi mo ako masisisi kung itaboy na kitang umalis."
Matigas ang leeg na tinungo ni Rosette ang pintuan. "Bakit, sa palagay mo ba naman ay nanaisin kong magtagal dito? Kapag nasabi ko na ang mga dapat kong sabihin, talagang aalis na ako. Makinig ka, mestizang bangus. Mahigit na kaming limang taon ni Seb. Sa palagay mo ba, sasayangin namin iyon dahil lang sa pagdating mo dito? Isa ka lang bisita. Kapag umalis ka, babalik din sa akin si Seb. Ako ang mahal niya. Alam mo bang araw-araw, sinasabi sa akin ni Sebastian kung gaano niya ako kamahal? At alam mo kung bakit? Dahil alam na alam ko kung paano siya lalong mapapamahal sa akin." Iniliyad pa nito ang dibdib.
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To You
Romance"Gusto kig ligawan, Adrienne. Pero hindi naman ako marunong manligaw. Marunong lang akong mang-asar." ***** Adrienne Isabel Montoya Vargas. Pangalan pa lang niya ay para nang credit card na tinaggap kahit na saang tindahan. She belonged to the upper...