OLIN
"Lin! Lin, pagmata na."
["Lin! Lin, gumising ka."]
Iminulat ko ang mga mata ko nang may tumawag sa 'kin. Isang tao lang ang tumatawag sa 'kin ng 'Lin', walang iba kung 'di ang pinakamamahal kong ina.
Kinusot ko ang dalawa kong mata, dumukwang, at saka tumunghay. 'Tapos, nakita ko si Mama sa may balkonahe na napapagitnaan ng dalawang mapuputlang kurtina na sumasayaw dahil sa banayad na pagkumpas ng malamig na hangin.
"'Ma?" sambit ko saka mabilis na tumayo at tumakbo palapit sa kaniya. Ngunit sa kasamaang palad, bigla na lang akong tumalsik pabalik sa hinigaan kong kama kanina nang may puwersang nakaharang at tila hindi kami pinapayagang magkalapit. "Ahhh!" humalinghing ako sa sakit.
"Lin, paminaw nako," panimula ni Mama. Pareho kaming tumatangis dahil sa sitwasyon namin. "Ipamatuod sa ila nga ikaw ang tinuod nga Olin, nga ikaw ra ang Olin nga ilang gipangita." Pinilit niyang ngumiti habang dumaosdos ang kaniyang mga luha patungo sa kaniyang pisngi at baba.
["Lin, makinig ka sa 'kin. Patunayan mo sa kanila na ikaw ang totoong Olin, na ikaw ang nag-iisang Olin na hinahanap nila."]
Nanginginig ang aking mga labi sa sinabi ni Mama habang patuloy pa rin sa paglandas ang mainit na likido pababa sa 'king pisngi. "Gihigugma ko ikaw, 'Ma. Pag-amping kanunay . . ."
["Mahal kita, 'Ma. Ingat ka palagi . . ."]
* * *
Nagising ako dahil sa ingay. Pamilyar ang mga boses na 'yon. Bumalikwas ako ng bangon at hinanap ng mga mata ko kung saan galing ang mga 'yon. Doon ko na nakita ang tatlong bulaklak na nagsasalita, kasalukuyan silang nakalagay sa isang paso na pininturahan ng kulay-dalandan, at saka hawak iyon ng isang babae. Nakapusod ang buhok niya, nakasuot ng maputlang tee shirt at saya, at wala siyang sapin sa paa. Feeling ko, isa siya sa mga tagapagsilbi rito sa palasyo. 'Di ko makita ang mukha niya kasi nakayuko siya.
"Mura ug dili kana ang Olin nga atong gipangita," hinuha ng kulay-ubeng bulaklak.
["Parang 'di 'yan ang Olin na hinahanap natin."]
"Pa'no mo naman nasabi? Mas magaling ka pa kay Ginoong Mounir, gano'n?" tanong naman sa kaniya ng berdeng bulaklak.
"Cry all you want but for me, he's the wrong Olin," nag-uumapaw na kompiyansang wika ng asul na bulaklak.
"Magsitahimik kayong tatlo!" saway ng isang lalaki sa kanila dahilan para mapalingon ako sa kaniya—kay Mounir—na prenteng nakaupo sa kulay-tsokolateng salumpuwit na malapit sa bintana.
"'Wag kasi kayong maingay!"
"Don't make noise!"
"Shudi abas!"
Napahinga ako nang maluwag. Akala ko, iniwan na 'ko ng nagligtas sa 'kin matapos kaming patuluyin dito ng isang tagapagsilbi sapagkat may inaasikaso pa raw ang mahal na rayna.
"'Buti naman at gising ka na, Olin." Isinandal niya ang kaniyang tungkod sa gilid. 'Tapos, dumekuwatro siya at humalukipkip. "Ang sabi ni Talay, parating na raw si Queen Helya rito sa silid natin," aniya at saka binigyan niya ako ng maliit na ngiti.
"Talay?" kunot-noong tanong ko.
Ininguso niya ang babae malapit sa pintuan. At doon na ito nag-angat ng tingin sa 'kin at bahagyang ngumiti. 'Yong mukha niya ay parang naghihirap ngunit taos-puso naman niyang ginagawa ang kaniyang tungkulin.
Nalipat ang atensyon ko sa bitbit nitong mga bulaklak, na tila nais akong saksakin base sa tingin nila. Pakiramdam ko, tinitiktikan ako ng mga 'to at saka nakaantabay sila sa bawat galaw ko.
BINABASA MO ANG
Olin in Kahadras
Fantasy[FINISHED - VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action By any chance, does the name Olin Manayaga ring a bell? Do you know where he lives? Kung kilala mo siya at kung alam mo kung saan siya nakatira, nakikiusap ako, pr...