OLIN
Pagkasabi na pagkasabi ni Hinumdom na hawak ng mga kampon ni Sinrawee ang nanay ko—ang taong umampon at nag-alaga sa 'kin—kumaripas ako ng takbo patungo sa kagubatan ng Sayre nang mag-isa. Dito raw kasi sila tumatambay. Binalaan ako ni Haring Hestes na mapanganib daw ang mga ahente ni Sinrawee, pero wala akong pakialam. Pinatay nila ang papa ko kaya pupulbusin ko rin sila!
Dumanguyngoy ako. Mahal na mahal ako ng mga kumupkop sa 'kin. Inalagaan nila ako simula nang ibinigay ako ni Mounir sa kanila. Pumunta kami sa Maynila at bumalik sa Cebu nang may gumambala sa 'min doon. Kaya pala pakiramdam ko noon na sa Cebu talaga ang tahanan ko. Kaya ngayong may nangyaring masama sa kanila, 'di ko mapapatawad si Sinrawee at ang mga ahente niya. Hindi ako makapapayag na gano'n-gano'n na lang! Kailangan nilang magbayad!
Ang kagubatan ng Sayre ay napapalibutan ng nagtataasang mga talahib at halaman. Pero ang ilang puno rito ay patay na gaya n'ong gubat sa Escalwa, parang may sakit. Kakaiba rin ang aura ng buong kagubatan na tila ba may malakas na puwersang nakabalot dito.
Habang tumatakbo, pasimple kong pinunasan ang mga luhang kumawala sa 'king mata. Natigil ako nang may maramdamang masakit at mahapdi sa binti ko. Pagtingin ko, may sugat na pala ako. Ngayon ko lang napansin dahil abala ako sa pagtakbo at pag-iisip tungkol sa mga nag-aruga sa 'kin.
Agad kong tinabas ang manggas ng uniporme ko upang ipangtapal sa binti kong may sugat at upang mapigilan ang pagtagas ng dugo pababa sa 'king paa. Pagkatapos niyon ay dali-dali na akong sumabak sa takbuhan. Kailangan kong tapusin 'to sa lalong madaling panahon. Kailangan kong itama 'yong pagkakamali ko. Kapos ako sa kaalaman kung paano ko makontrol nang maayos ang kapangyarihan ko, pero kailangan kong ayusin ang problemang ginawa ko.
Kabilin-bilinan sa 'kin ni Ginoong Mounir na normal na tao at taong may taglay ng karunungang itim lang daw ang makapapasok dito sa Sayre. Hindi makapupunta rito si Solci dahil may kapangyarihan siya na hindi galing sa kasamaan. Ayaw ko namang madamay rito sina Langas, Cormac, at Talay. Natatakot din ako kasi baka bigla na lang akong malupig ng galit at masaktan ko pa ang mga kasama ko. Ayaw kong malagay sa peligro ang buhay nila. Ayaw kong maulit 'yong nangyari kay Prinsipe Helio noon.
Nang pumatak muli ang pasaway kong luha, dali-dali ko itong pinahid gamit ang balabal ko. Hindi mareresolba ng pag-iyak ang gulong ginawa ko!
Nag-aagaw-dilim na ang kapaligiran, pero laking pasasalamat ko sapagkat nandiyan na ang buwan. Sobrang lamig ng hanging dumampi sa balat ko. 'Di naman nakaligtas sa 'king pandinig ang ingay ng mga kuliglig na 'di ko matukoy ang kinaroroonan. Hindi rin nagpahuli ang mga paniki na parang 'di mapakali at palipat-lipat sa mga puno.
"Psst! Olin!"
Halos lumundag ang puso ko nang maglakbay sa bakuran ng tainga ko ang tinig na 'yon. Napalingon ako sa direksyon na pinanggalingan ng boses. Doon na nanlaki ang aking mga mata nang matanaw ang kulay berdeng bulaklak. Si Alog! Ano'ng ginagawa niya rito?
"Alog?" gulat na sambit ko. "Bakit ka nandito? Pa'no ka nakapunta rito?" Dali-dali kong inihakbang ang mga paa ko patungo sa gawi niya at saka lumuhod para ilagay siya sa palad ko.
"Inutusan ako ni Ginoong Mounir na habulin at tulungan ka. Si Ginoong Girion naman ang kasalukuyang kumokontrol sa 'kin," paliwanag niya na ikinakunot ng noo ko.
"Girion?"
"Nakalimutan mo na? Si Girion, ang berdeng salamangkero!"
"Ahh! Nasa'n siya? 'Di ba naglaho raw siya? Nagkita kayo?"
"Hindi. Nakausap ko lang ang asul at berdeng salamangkero sa pamamagitan ng hangin. Marahil ay naroon na si Ginoong Girion sa Melyar kasama sina Ginoong Mounir at Rayna Helya."
BINABASA MO ANG
Olin in Kahadras
Fantasía[FINISHED - VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action By any chance, does the name Olin Manayaga ring a bell? Do you know where he lives? Kung kilala mo siya at kung alam mo kung saan siya nakatira, nakikiusap ako, pr...