Chapter 23 - Night Breeze

33 5 0
                                    

OLIN

Pinosisyon na ng mga kasama ko ang kanilang sandata sa pinanggalingan ng ingay. Nakahanda na kami sa nakaambang panganib, pero naging iregular ang pagkabog ng puso ko dahil sa antisipasyon.

Lumipas ang ilang minuto'y tuluyan nang lumabas mula sa kadiliman ang isang matandang lalaki na nakabahag at may nakaipit pang pipa sa kaniyang mga labi. Humithit siya rito at saka bumuga ng makapal na usok pagkatapos.

"Ano'ng ginagawa n'yo rito?" walang ganang wika ng matanda. Sa tulong ng liwanag na nagmumula sa buwan, napansin ko ang iba't ibang patik o tatu sa ibang parte ng kaniyang katawan—sa leeg, bisig, at binti. May nakapulupot ding kulay-dugong tela sa kaniyang noo at may kahabaan ang kulay-pilak niyang buhok.

"Manoy Bundiyo?" bulalas ni Talay. Halos matutop niya ang kaniyang bibig.

Hindi na kami nagulat nang makilala niya ang matanda na tinawag niyang Manoy Bundiyo dahil taga-rito naman siya.

Naningkit ang mga mata ng matanda. "T-Talay?"

'Di naglaon ay nagpakita na rin ang ilang mga lalaki na nakabahag din at dalawang babae na nakasuot ng itim na damit saka makulay na malong.

"Ru-An?" Bumaling si Talay sa isa sa mga babae. 'Tapos, tumakbo siya at sinarado ang distansya nila sabay yakap nang mahigpit.

"Talay?" Nanlaki ang mga mata n'ong Ru-An. "Kumusta ka na? Ang tagal nating hindi nagkita."

"Ayos lang ako." Kumalas na siya sa pagkakayakap sa kaibigan niya. "Ikaw, kumusta ka na? Si Mama?"

Kahit malamig ang simoy ng hangin ay ramdam kong may namumuong tensyon sa paligid. Parang may mali.

Hindi makasagot si Ru-An hanggang sa umabante si Manoy Bundiyo at isa-isa niya kaming tinapunan ng tingin habang nakainat ang mga labi.

"Tara sa bahay namin, baka nagugutom na kayo. Tamang-tama may natira pa kaming adobong manok at litsong baboy," paglilipat ng matanda ng paksa dahilan para makumpirma kong may mali nga rito.

Pero iwinaksi ko 'yon sa isipan ko at sumama na kami sa kanila dahil natatakam na kami sa ulam na sinabi ni Manoy Bundiyo.

* * *

"Ang galing mo kanina, Talay, ah. Pang-assassin talaga ang moves mo ro'n, legit," pagbasag ni Cormac sa katahimikan sa pagitan namin.

"Truth," dagdag pa ni Lish.

Kasalukuyan naming tinatahak ang daan patungo sa kanilang bayan. Kakaiba raw ang Tsey dahil napapaligiran ang tahanan ng mga taga-rito ng mga nakabibighaning puno.

Ang dati raw tawag sa bayang 'to ay Tsele na nagmula sa halamang maanghang—sili.

Nakaalalay si Solci sa 'kin sa paglalakad dahil nanghihina pa rin ako buhat nang nangyari kanina. Hindi ko pa rin nababawi ang lakas na inagaw sa 'kin ng Ungo.

Hindi naman kami nangapa sa dilim sapagkat may dala-dala namang mga sulo ang kasama nina Manoy Bundiyo at Ru-An. Bale, nasa gitna kami nina Solci, Talay, Cormac, at Langas habang sumusunod kina Manoy Bundiyo, Ru-An, at sa ilang mga lalaki. 'Tapos, nahati naman sa dalawang pangkat ang mga nagdadala ng sulo—may mga nasa harapan at ang iba'y nasa likuran namin.

"Pa'no mo pala nalaman na nasa likod namin ang Ungo?" usisa ni Cormac.

"Oo nga. Ang angas talaga ng pagbagsak mo kanina," dagdag naman ni Alog.

Bumuntonghininga si Talay saka dumapo ang tingin niya sa hawak niyang bulaklak. "Lumaki kasi ako rito sa bayang 'to na kung saan naglipana ang mga aswang o Ungo," panimula niya. "'Tsaka ang bilin sa 'kin ni Mama, 'pag may makita raw akong nakatatakot na hayop na papalapit sa kinaroroonan ko, ilusyon lang daw 'yon. Ang totoong Ungo raw ay nasa likuran. Kaya 'yon ang ginawa ko kanina." Tiningnan niya si Cormac matapos niyang magsalita saka hinandugan niya ito ng ngiti.

Olin in KahadrasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon