OLIN
Dali-daling lumapit sa kinalulugaran ko sina Solci, Langas, Talay, at Cormac saka pare-parehas nilang hinugot ang kanilang mga armas. Itinaas ni Cormac ang ninakaw niyang maso mula sa Escalwa. Nakahanda naman ang sundang ni Langas saka kumislap pa ang dulo nito. Nakaamba na rin ang punyal ni Talay.
Napatingin ako sa gawing kaliwa ko nang magliwanag dito. Nag-ibang-hugis na ang kasama naming Banwaanon na si Solci, ang prinsesa ng Hesteru. Kasalukuyan siyang nakasuot ng damit na gawa sa pinagtagpi-tagping dahon na kulay-lupa at berde. Kumuha siya ng isang palaso at inasinta ang butas na nagsisilbing pasukan ng mga Horian. Lumangitngit pa ang tali ng kaniyang pana nang ininat niya ito.
"Kainis! Nasa'n ba kasi si Tulkas?" rinig kong anas ni Prinsesa Madani. Humigpit pa lalo ang pagkakahawak niya sa kaniyang sibat na may tatlong talim. Nakasuot pa rin siya ng asul na bestida at nakapaa habang nakababad sa tubig. Masasabi kong makapangyarihan 'yong dala-dala niya.
Umugong naman ang bulong-bulungan ng mga Kataw at Siyokoy nang lumusong si Rayna Nagwa sa dagat at umabante patungo sa 'ming harapan. Itinaas niya ang kaliwa niyang kamay at itinapat sa butas. Nakasisilaw na liwanag ang aming natunghayan kaya napatakip kami ng mata.
Nang mawala na ang liwanag ay tumambad sa 'min ang malaking butas dahilan upang makita namin ang karagatan mula rito sa gingharian. Kasalukuyan pa ring marahas ang alon ng dagat na ikinabahala ng ilang Horian.
"Minamahal kong mga Horian, sa araw na ito, kailangan ulit nating labanan ang galit ng dambuhalang halimaw!" deklara ni Rayna Nagwa dahilan para mas lalong umingay ang buong gingharian. "Walang makatutulong sa atin, kung hindi ang ating mga sarili. Tayo na at magtulungan para gapiin ang higanteng nilalang!"
"Para sa Horia!" sigaw ng isang Siyokoy.
"Para sa Horia!" sabay-sabay na tugon ng mga Siyokoy at ilang mga Kataw.
Pagkaraan ng ilang sandali'y isang malakas at nakapaninindig-balahibong alulong ng nilalang ang rumehistro sa 'ming pandinig. Bigla akong kinilabutan nang marinig 'yon. Napasinghap ang ilang mga Horian habang ang iba nama'y nag-umpisa nang magdasal sa diyos ng proteksyon at sa diyosa ng paglaki at pagliit ng tubig.
Nang sapat na ang tapang na nalikom ng mga Horian ay dahan-dahan silang lumangoy at lumabas sa gingharian sa pangunguna ni Rayna Nagwa.
Nagkatinginan kami ng mga kasama ko at pagkatapos ng ilang segundo ay napagpasyahan naming sumunod sa kanila. 'Buti na lang at pare-parehas kaming marunong lumangoy.
Nagitla kaming lahat nang biglang umahon mula sa ilalim ng karagatan ang dambuhalang ahas na kahawig ng kalabaw. Muntik nang malaglag ang panga ko sa tubig habang nakatitig sa halimaw. Makaliskis ito at may palikpik pa sa likod.
Kapagkuwan ay bumuga ito ng kulay berdeng likido kaya nagkahiwa-hiwalay kaming lahat para makaiwas sa atakeng 'yon. Dali-daling itinapat ni Rayna Nagwa ang kaniyang kaliwang kamay at umalpas ang kulay asul na kapangyarihan mula sa kaniyang palad upang sanggahin ang ikalawang atake ng malaking ahas.
Narinig ko sa mga Horian na itong halimaw na kaharap namin ay isang Mameleu. Ang Mameleu ay isang pandagat na ahas na kahawig at kasing-laki rin ng isang kalabaw. 'Tapos, mayro'n itong puting mga sungay saka matutulis at mahahabang mga pangil. Ang katawan naman nito'y nababalutan ng makapal na kaliskis. Nanlilisik pa ang malalaki at namumula nitong mga mata.
Sa lahat ng nilalang na naengkwentro namin, ito ang pinakamalaki at pinakanakatatakot. Pero kailangan naming labanan ang nilalang na ito kahit na batid naming nasa hukay na ang isa naming paa.
"Kailangang mabaling sa iba ang pansin ng Mameleu habang hinihintay pa natin si Tulkas!" wika ng rayna ng mga Horian.
Kaagad na sumang-ayon ang lahat sa suhestiyon ni Rayna Nagwa ngunit bakas sa kanilang hitsura ang pangamba at pagdadalawang-isip.
BINABASA MO ANG
Olin in Kahadras
Fantasía[FINISHED - VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action By any chance, does the name Olin Manayaga ring a bell? Do you know where he lives? Kung kilala mo siya at kung alam mo kung saan siya nakatira, nakikiusap ako, pr...